Putok ng chewing gum ang umalingawngaw sa tahimik na silid, maliban sa makinang tunog ng orasang pendulum ng paulit-ulit, ulit ng ulit. Kinuha niya ang dumikit na plastik sa mukha at ibinalik ito sa kanyang labi para nguyain uli ang maputlang chewing gum. Bumalik uli siya sa pagsusulat, ang kanyang mga kamay ay puno ng mga maninipis na hibla ng tuyong sugat at marka ng maitim at pulang tinta na dumikit na sa kanyang mga kuko. Ito ay dahil na rin sa madiin na pagkakahawak sa plumang di-tinta na kung maayos ang pagkakahawi eh natatapon ang tinta o di kaya ay di sumusulat. Huminto muna siya sa pagsusulat para idampi muli ang asero sa nakabukas na bote ng itim na tinta at bumalik sa kanyang pagsusulat.
Pinangarap niya dati na mag-artista. Ito ay dahil sa papuri ng mga tao sa kanya - na kapag nakatalikod mukhang Richard Gutierres, kung nakatagilid mukhang si Daniel Matsunaga, at lalong lalo na kung nakaharap na parang si Ian Veneracion. Magaling rin siyang kumanta at laging hindi nagpapatalo sa sayawan. Sa katunayan, marami na siyang natanggap na medalya dahil sa kanyang kagalingan sa lahat ng aspeto. Kaya alam na ng mga tao kung ano ang patutunguhan ng isang gwapo, makisig, at matalinong tao na tulad niya. Pero sadyang malikhain ang tadhana para palakihin siyang kabaliktaran sa tunay niyang anyo.
Isa siyang sarkastiko, halos buong pagkatao niya ay natabunan na nito. Malakas ang angas niya na halos hindi natitinag kahit pa ang presidente pa ng kahit anong bansa ang humarap sa kanya. Wala siyang paki-alam sa kurapt na estado ng mundo , ng gobyerno, ng mga taong nasa paligid niya, at kahit ang mismo niyang pamilya. Ang pinaniniwalaan lamang niya ay ang sariling ideolohiya. Kahit anong paliwanag at pangungumbinsi pa ang gawin sa kanya sa oras na nagdesisyon siya, wala nang nagbabago. Iyan ang dati niyang akala. Tama, iyan ang bagay na ipinasok niya sa kanyang kokote kaya nang dumating ang taong may kayang patumbahin siya ay wala siyang naggawa kundi ang pagsuko.
Huminto uli siya sa pagsusulat. Hindi ito dahil sa kailangan na naman niyang dampian ng tinta ang asero. Ito ay dahil sa wala na siyang naiisip na isulat. Ibinaba muna niya ng dahan dahan ang pluma sa ibabaw ng maruming twalya na punong-puno ng maiitim na batik ng tinta, inangat ang sarili mula sa pagkakaupo sa bakal na upuan na may tatlong paa at iniurong ito papasok bago umupo muli sa mas komportable na pwesto. Tinuwid niya ang likod niya sabay galaw paikot sa mga balikat, pati galaw sa naninigas na leeg pakanan at pakaliwa. Sa pagkakataong ito, bumukas ang kanyang pinto na walang nagbabalang katok.
"Tsk, hindi ko talaga kayang manatili dito sa opisina mo," sambit ng taong pumasok. "Napakarumi at ang dami ng kalat."
"Eh kung kumatok ka kaya para malaman ko na may darating pala, edi sana nakapagligpit ako kahit kaunti," sagot niya na hindi lumilingon sa kausap.
Inilibot ni Principal ng tingin ang kwarto na kung saan siya ay nalalagay. May apat na sulok ang kwartong ito na may nag-iisang malaking bintana na nakaharap sa malawak na parang ng eskwelahan. Ginusto niyang dito na lang ilagay ang opisina niya pero mas alam niyang wala siyang mapapapala dahil ito ang kahilingan ng taong nasa harap ng isang mesa na punong puno ng kahit anong bagay na masusunog: plastik, mga pinunit na papel, disposable masks at gloves, bote ng mineral water, mga baso na may makulay na laman, botelya, mga lata ng inumin, mga makukulay at puting papel, lalagyan ng mga makukulay na tinta, isang flat screen na personal computer, test tube rack na may mga test tube pang laman, isang aquarium na may tubig na halos kulay berde na dahil sa lumot at mga lumulutang na laruang isda, mga wrapper ng kendi, mga tunaw na kandila, sirang study lamp, at mga libro na nagpapatong-patong kahit saan. May mga plastik na halaman rin na napuno ng alikabok - ang buong lugar ay napuno ng alikabok na kung iihipan ay baka magkaroon pa ng ipo-ipo.
Pero kung gaano man karumi ang paligid nito ay siyang kabaliktaran ng nakatira rito. Ang pangalan niya ay Elias Meri, dalawangput-walong taong gulang, isa sa mga magagaling na guro sa institusyon. Naglakad-lakad si Principal sa hanggang marating niya ang maruming mesa na kung saan nagsusulat si Elias. Pinagpag niya ang alikabok sa isang bahagi ng mesa bago niya ito sinandalan. Tinignan niya ang nakasabit na mga orasan sa dingding na kaharap ng bintana at kung saan nakalagay ang pinto. Hindi lang isang orasan ang nakalagay doon, kundi dose-dosenang orasan na may iba't ibang hugis at disenyo na nagsasabi lamang ng iisang oras. Napangiti si Principal habang pinagmamasdan at pinakikinggan ang bawat pitik ng mga kamay nito.
YOU ARE READING
School Of Phobia
غموض / إثارةWelcome to the place where your fears are taken good care of.