Hindi alam ni Elias ang mga nangyayari. Sinubukan niyang konektahin ang mga bagay bagay na posibleng sagot pero di niya magawang makita ang rason. Napatingin siya kay Principal na kanina pa lang nakatayo sa harap ng pintuan ng kwarto. Diretso ang tingin nito sa pinto na tila ba nakikita ng mga mata niya ang mga nangyayari sa loob. Walang nakikitang takot si Elias sa mga mata nito, pero alam niya na nag-aalab na ang damdamin nito. Iniwan muna ni Elias si Amijan na medyo mahinahon na at tumahimik mula sa pag-iyak at naglakad papunta kay Principal.
"Humihinga ka pa ba?" Tanong ni Elias. Yumuko si Principal para tignan ang mga sapatos niya. Napansin niya ang isang patak ng dugo na kumapit sa kulay kayumangging sapatos na gawa sa balat ng hayop.
"Hindi ko alam, Elias. Ano ba ang nangyari?" Tanong niya.
"Iyan rin ang gusto kong itanong sa iyo," sabi ni Elias. "Ano ba ang nangyayari?"
"Hindi ko alam," hinarap siya ni Principal. "Hindi ko alam. Kaninang umaga lang ay kausap ko pa ang mga taong iyon. Matino sila kausap. Nag-iisip sila at marunong magsalita. Ang batang iyon, iba ang mga tingin na ibinibigay niya sa akin. Pero hindi ko inaasahan ito. Alam ko na may takot siyang mabuhay - na isang namang kalokohan. Elias, nagkamali ba ako sa pag-intindi?"
"Walang mali sa pag-iisip mo, Jeremy. Ang may mali ay sila," ipinunto ni Elias. "Hindi dapat rito dalhin ang batang iyan. Dapat sa kanya ay doktor sa pag-iisip. Hindi na sakop ng Phobia ang kalagayan niya."
"Oo, alam ko, Elias," sang-ayon ni Principal. "Pero hindi ko pa rin maintindihan. Nang makita ko siya, at kahit nung binuhat siya na walang malay, may naramdaman akong kakaiba. Ito ang pakiramdam ko sa tuwing nakikita ang mga estudyante natin. Ito ang pakiramdam ko sa tuwing kasama kita noon nung una tayong nagkita. Pakiramdam ko may Phobia siya, Elias. Pero hindi ko alam kung ano."
Hindi na muna nagsalita si Elias. Sa mga panahong ito, malaki ang tiwala niya sa mga kutob ni Principal. Nangyari na ito ng ilang beses noon, at kailanman ay hindi pa siya nabigo nito. Hindi pa nakakusap ni Elias si Edison kaya hindi pa niya alam kung ano ang pag-uugali nito, pero may pakiramdam siya. Bumalik sa kanya ang mga nangyari kanina bago pa naisara ang pintuang humihiwalay sa kasagutan na hinahanap nila.
Inilapag ni Reed si Edison sa puting kama sa infirmary. Nang mailagay na ang binata ng tama, agad niyang binigyan itong ng pangunang lunas lalong lalo na sa pulso nito na kahit tinabunan na ang sugat ay nagdurugo pa rin. Tumulong na ang doktor na nakatoka sa lugar na nag-asikaso naman sa mga sugat nito sa kabilang kamay. Kumuha siya ng gunting at pinunit ang mahabang kwelyo nito na tumatabon sa hanggang pulso. Bigla siyang napasigaw na kumuha sa atensyon ng mga tao sa loob ng kwarto.
"Anong nangyayari, Doc Kim?" Tanong ni Principal na agad siyang pinuntahan. Nakatingin ang doktora sa nagdurugong kamay ng binata, at ang mga markang naiwan ng mga naghilom na sugat sa pulso nito. Sari-saring peklat ang makikita na may iba't ibang hugis at lalim. Nasusukat ng Doktora kung ilang beses nahiwa ang malambot na balat, kung ano ang ginamit sa pagsugat nito, at kung paano ito nabuo. Napatingin siya kay Reed na nasa kabilang bahagi ng kama. Marahil, ganito rin ang sitwasyon sa kabilang pulso nito.
"Doctor, your hands are not moving," sambit ni Reed na hindi tumitingin sa kanya. Nagulantang doktora sa narinig na agad namang pinagpatuloy ang panggagamot sa sugat. Napansin niya ang principal sa tabi niya na nakatingin sa mga laslas sa pulso ni Edison. Nakatabon ang bibig nito gamit ang kamay niya.
"Ano ang mga bagay na iyan, doktora?" Tanong ni Principal. Hindi na sumagot pa ang doktora. Alam niyang alam ni Principal kung ano ito pero nanghihingi pa ng sagot mula sa kanya. Ilang minuto ang lumipas at padabog na bumukas ang pinto na nagpapasok sa mga taong di nila kilala.
Nanguna sa kanila ang isang babaeng may malaking hinaharap, nakasuot ng kulay olive na turtleneck, itim na harem pants, buhok na nakatali sa isang bun, kulay garnish na shades, at mga labing napakapula dahil sa kolorete. Sumunod sa kanya ang apat na lalaking may dala-dalang mga gamit na ang mga suot lamang ay ang normal na kulay berdeng damit na pang-nars. Tumayo muna ang babae sa harap ng pinto samantalang nagpatuloy sa pagpasok ang apat niyang kasama para ayusin ang mga bagay na kanilang gagamitin. Tinanggal muna niya ang suot na shades at nilibot ng tingin ang paligid.
YOU ARE READING
School Of Phobia
Mistério / SuspenseWelcome to the place where your fears are taken good care of.