Perpekto ang pagkakahulma sa kanya - mga maiitim na mapupungay na mga mata na malayo kung makatanaw, mga tainga na tanging mga magagandang mga salita lamang ang naririnig, matatangos na ilong na namana niya sa kanyang pumanaw na ina, mga labing kasing pula ng mga mansanas, mga pisnging matambok, maitim na buhok, at balat na kasing puti ng gatas - ang kanyang pisikal na kaanyuan ay masasabing maganda at matikas sa mata ng mga tao. Malabong hindi siya mapansin, lalong lalo na sa tuwing siya ay nagsasalita na purong katalinuhan, at ang kanyang makamandag na ngiti na nagpapahimatay sa kababaihan. Idagdag pa rito ang angkin niyang katalinuhan, at ang katotohanang anak siya ng isa sa mga pinakamayamang tao sa mundo. Tama, nang nagpa-ulan ng biyaya ang Panginoon ay nasalo niya ang lahat.
Namulat siya sa mundo sa edad na tatlo. Alam niya ang katotohanan na wala na siyang ina na namatay pagkatapos siyang isilang. Alam niya na ang kanyang ama ay isang napaka-maimpluwensyang tao na may hawak sa halos gumaganang kompanya sa mundo. Alam rin niya na siya ay ang susunod sa yapak ng kanyang ama na malaki ang ekspektasyon sa kanya. Kaya nga, sa maagang pagkamulat niya sa mundo, ginagawa niya ang lahat para pantayan ang perpektong buhay na ibinigay sa kanya. Nagsikap siya, nag-aral ng mabuti, natutong maging malakas sa sariling sikap, naging magaling sa lahat ng bagay, sa hanggang dumating ang pagkakataong napantayan na niya ang kagalingan ng ama.
Perpekto ang pagkakahulma sa kanya. Hindi malabong maggawa niya ang lahat ng perpekto sa unang subok lamang.
Hindi rin siya nahirapan sa pag-abot ng kanyang kagalingan. Dahil sa pera, naiibibigay sa kanya ang makalidad na edukasyon at mga gamit sa pagtuto. Dahil sa kanyang katalinuhan, hindi nasasayang ang nagagastos sa kanyang pag-aral. Lumaki siyang hindi ganid sa hawak na pera sapagkat alam niyang mas gugutuhin niyang malampasan ang ama kaysa sa malunod sa materyal na kayamanan.
Kung gaano siya biniyayaan ng magagandang mga bagay, ganoon rin ang dami ng mga taong nagseselos sa kanya. Alam niya rin ang bagay na iyon - na sa likod ng kanilang magandang turing sa kanya nagtatago ang mukha ng isang demonyo. Kaya nga siya naging magaling sa pagkilala ng mga tao. Sa unang tingin pa lang, alam niya kung sino ang totoo at kung sino ang hindi. Alam niya kung sino ang manggagamit, at kung sino ang ganid. Alam niya, dahil perpekto ang pagkakahulma sa kanya.
"Tignan niyo! Parating na siya! Nandyan na si Edison!" Tawag ng isang batang babae na may marikit na mga mata. Hinila at siniko nito ang katabi para pansinin ang kanyang sinasabi. Pinanonood nila ang isang batang lalaki na naglalakad palabas ng pinto. May mga katabi itong mga lalaking nakasuot ng itim, at isang binata na halos ilang taon lang tanda mula sa kanya. Kahit sa simpleng paglalakad lamang hindi na kayang iwasan ng mga tao na tignan siya.
"Guys, napanood niyo ba ang balita kagabi?" Sabi ng panibagong boses na bumubulong ng malakas sa kasama. "Napanalunan daw ni Edison ang first place sa Inter-High School Math Competition kahit na nasa grade school pa siya! Wow, ang talino niya!"
"Talaga?" Sagot pa ng isa. "Ang ibig sabihin panibagong award na naman niya ito? Wow, magaling nga siya. Magpaturo naman kaya tayo sa kanya para naman gumaling din tayo!"
Naririnig ni Edison ang mga magagandang salita tungkol sa kanya. Sa isang iglap lang, natagpuan na niya ang sarili niya na pinalilibutan ng mga kaklaseng gusto siyang batiin sa pagkapanalo. May ibang gustong makipag-kamay, at ang iba ay sinasabing magdidiwang sila sa nakuha niya. Halos lahat ng lumalapit sa kanya ay mga kababaihan na nahumalin sa kanyang itsura. Binigyan lamang sila ni Edison ng isang ngiti na nagpatumba sa kanila isa-isa.
Isang ngiti lang ang dapat nilang matanggap, mga mapagpanggap.
Isang propessor ang lumapit sa kanila. Ngumiti ito at inilahad ang kanyang kamay. Sa natatandaan ni Edison, naging guro niya ito sa pisika - kahit na napakabata pa niya para kumuha nito. Nung una, minaliit siya ng propesor na ito dahil nga sa napakabata niyang edad na humalo sa mga binata at dalaga. Pero napatunayan ni Edison ang kanyang talino nang maggawa niyang matapos ang asignatura na may kumpletong marka na kahit isang mali ay wala.
YOU ARE READING
School Of Phobia
Mystère / ThrillerWelcome to the place where your fears are taken good care of.
