Prologue

637 16 8
                                    

Malalim na ang gabi. Tirik na ang buwan sa kalangitan. Nasa pinakamaliwanag na kislap na ang mga bituin. Malamig na ang simoy ng hangin na bumaba na mula sa kabundukan. Ang mga nilalang na pang-umaga ay nasa rurok na ng kanilang mga panaginip, mahimbing na natutulog sa malambot na kama yakap yakap ang kumportableng mga unan. Samantalang ang mga nilalang ng gabi ay nagkakasiyahan.

Ito ang normal na sitwasyon ng mundo at ng mga taong nakatira rito. Maliban sa iilang grupo ng mga tao na pilit hinahabol ang oras para maabutan ng buhay ang isang napakaimportanteng nilalang. Ilang dosenang mga kalalakihang naka-itim na terno ang maliksing tumatakbo papaitaas ng isang apatnapung palapag na gusali. Kasama nila ang pitong maiingay na trak ng bombero, dalawang dosenang mga pulis opisyal, dalawang naglalakihang tangke ng mga sundalo, at apat na lumilipad na helikopter na may dala dalang malalaking bilog na ilaw na umiikot sa palibot ng gusali. Sentro ng kanilang atensyon ang isang binatang nakatayo sa pinakaitaas na palapag na kung saan ito ay nakatayo sa dulo ng sulok ng palapag.

Napatingala siya sa itaas, nakikita ang malaking buwan kasama ang nagniningningan na mga bituin. Kung sa ibaba niya ito titignan, hindi magiging ganito kalaki at kalapit ang buwan. Hindi rin kikislap ng malinaw ang mga bituin dahil sa mga gusaling dinaig ang liwanag ng kalikasan. Kaya nga ikinatuwa niya ang nakikita. Kahit na madilim ang kalangitan sa gabi, maliwanag pa rin ito dahil sa mga apoy na sinisindihan ng araw sa tuwing ito ay aalis at lilipat sa kabilang bahagi ng mundo.

Naistorbo siya sa kanyang pagmamasid ng may dalawang helikopter na inilawan siya kasama ng paglakas ng hangin dahil sa mga elise na umiikot. Hinarangan niya ang kanyang mga mata dahil sa panandaliang pagkabulag at dahil na rin sa alikabok ng mabugsong hangin. Umatras siya ng kaunti sa kinatatayuan malayo sa dulo ng bingit ng kamatayan. Narinig niyang bumukas ang pintong kumukunekto sa palapag na nasa kanyang likuran. Hindi na niya kailangang lumingon para malaman kung sino ang nagbukas nito.

"Edison," tawag sa kanya ng pamilyar na boses.

Tagumpay na naabutan ni Reed ang binata bago pa ito tumalon mula sa gusali. Hinihingal siya, hinahabol rin ang nawalang hininga sa pagtakbo gamit lamang ang hagdan papunta sa pinakaitaas ng gusali. Hawak hawak niya ang walkie talkie na ginagamit niya para utusan ang mga taong gumagalaw sa paligid para di matuloy ang masamang balak ng binatang pinagsisilbihan. Napahawak siya sa kanyang dibdib at hinugot ang sariling hininga para matawag lang ang pangalan nito.

Umikot si Edison na muntikan pang matumba sa kinatatayuan. Halos naubusan ng dugo si Reed habang nanonood sa pagkilos - na tila ba ang kaluluwa niya ang hinihila. Tumagaktak ang pawis sa kanyang buong katawan sa kabila ng malamig na hangin ng kapaligiran. Pinagmamasdan niya ang bawat kilos ni Edison; hindi na siya halos humihinga sa takot na baka dahil sa isang ihip lang ng hangin ay mahulog ito sa kinatatayuan.

Pero kahit sa ganitong sitwasyon, isang bugso ng damdamin ang muling naramdaman ni Reed. Tama. Nararamdaman niya ang takot. At ang takot na ito ay nanggagaling kay Edison. Natatakot siya ngayon.

"Edison," tawag niya. "Huwag ka nang maging pasaway at lumapit rito. Mahuhulog ka kung hindi ka mag-iingat."

Binigyan siya ng blankong mga pagtingin ng binata kasama ang isang patay na ngiti. "Normal lang ang mahulog. Hindi ba napatunayan na iyan ni Einstein? Teka, parang si Newton yata?"

"Hindi ako nakikipagbiruan sa iyo, Edison. Kung hindi ka aalis diyan eh baka mahulog ka."

"Hindi rin ako nakikipagbiruan, Jared," seryosong balik ni Edison sa kanya.

Humakbang paabante si Reed. Mabuti at kusang hindi gumagalaw si Edison na pinapanood siyang lumapit. Pero hindi naging kampante si Reed. Dahan dahan siyang lumalapit sa kanyang tudlaan, na para bang isang leon na pilit niyang inaamo.

"Edison, ipagtapat mo nga, talaga bang takot kang mabuhay?" Tanong ni Reed.

"Takot?"

Inulit ni Edison ang tanong na binigyan siya ng isang nag-iisip na mukha. Bigla itong kumilos, nagpalakad-lakad papunta sa kaliwa at papuntang kanan sa kung siya ay naroroon. Malasinsilyong kalansing ng kadena ang maririnig na magaspang na kumukuskos sa sahig na nakalagay sa pareho niyang mga bukung-bukong. Huminto siya sa paglalakad pagkatapos ng ilang sandali nang may dumaan na malamig na hangin. Napatingin siya uli sa maliwanag na mga ilaw na nakatutok pa rin sa kanya, pinapanood ang kanyang ginagawa.

Nawala na ang liwanag ng buwan at kislap ng mga bituin na pinapanood niya kanina. Ibinaba niya ang kaniyang paningin. Makikita ang mga tutok ng mga maliliit na gusali, kasama na rito ang mga ilaw na galing sa mga poste ng kuryente, at mga tindahang 24/7 na bukas. Oo nga, tama. Kapag nasa mataas na lugar ka makikita mo talaga kung gaano kalapit ang langit, at kung paano kalayo ang lupa na dati ay tinatapakan mo. Isang mapaglarong ngiti ang gumuhit sa kanyang mukha.

"Reed, why do you keep on asking the same question over time?"

Siguro kung may pagkakataon na masasabing tumibok ng malakas ang kanyang puso, ito na marahil ang nangunguna sa listahan. Naglakad si Edison papunta sa maliit na harang sa bawat gilid ng tuktok ng gusali na nagsisilbing harang. Walang takot niya itong inakyat na umikot pa nang makatayo sa itaas. Hindi na nag-atubili pang gumalaw si Reed at patakbong hinabol ang binata na halos ilang metro pa ang layo sa kanya.

"Reed, look! Ang liliit ng mga sasakyan kung titignan mo sila mula rito," huminto na sa pag-ikot si Edison at patalong umupo sa dulo. Maririnig ang hiyawan ng mga manonood - hindi dahil sa may nakita silang artista, ito ay dahil sa isang lalaking isang hipo lang at mahuhulog na ng tuluyan. "Natatandaan mo pa ba ang mga laruan ko dati, Reed? Kamukhang kamukha sila nito... Maliliit at kumikintab..."

Nag-iba ang nakikita ng kanyang mga mata. Wala siya ngayon sa tuktok ng isang gusali na nakaupo sa may bingit. Nasa isang silid siya, nakaupo sa malambot na kama. Nakatingin siya sa isang sulok ng kwarto na kung saan nakalagay ang isang set-up ng kotseng palaruan. Napangiti siya. Matagal na niyang gustong magkaroon ng ganitong laruan. Iniabot niya ang mga kamay niya para abutin ito. Pero di niya magawa. Pilit niyang pahabain ang sariling mga braso pero hindi pa rin niya ito makuha. At sa isang banda, mistula na siyang nadulas...

Malawak pala ang kapaligiran. Malamig ang hangin sa tuktok ng gusali, at mas malakas ito sa tuwing nahuhulog ka. Dumulas ang kanyang katawan pababa, dinadala ang kanyang bigat sa sentro ng mundo. Ipinikit niya ang kanyang mga mata sa hanggang makain ang kanyang paningin ng kadiliman. At sa pagkakataong iyon, isang hele ang narinig niyang kumakanta. Hindi na niya dinilat ang mata at nakinig na lamang... Tila ba ang hele na ito ay dinuduyan siya sa paparating na kamatayan.


==========================================================

Don't forget to leave your reviews :)

See you to the next update :)


Follow me in twitter: @JanlouMitsitsiy


School Of PhobiaWhere stories live. Discover now