“Kung natatakot kang maiwan dito Cay, pwede ka naman sumama sa kanila.” Sabi ko kay Cay sabay lingon din kay Yael. “Ikaw Kuya Yael, pwede ka rin sumama sa kanila, kahit ako na lang ang maiwan kasama si Aling Miki, ayos lang sa akin. Para rin mahimasmasan kayo sa mga nangyari, kailangan niyo ding lumabas kahit papaano.” Pinilit ko na lang din ngumiti para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam naming lahat. Wala naman sigurong masama, kahit may namatay, na ngumiti. Ako ang pinakamahina sa aming magkakaibigan kung tutuusin. Normal naman akong tao pero mula noong nahirapan akong magtiwala sa mga taong nakapaligid sa akin, nagbago din ang lahat. Inisip ko din nab aka pinaparusahan ako ng Diyos pero kapag nakikita ko namang masaya ang mga taong mahal ko, nagpapasalamat na din ako dahil pinapaalala nila sa akin na kailangan ko ding maging masaya.
Patuloy pa ring nakayakap si Cay kay Veny. Mukhang napasarap siya. “O, tama na iyong drama Juan, samahan niyo kami ni Cay na mag-big hug muna.” At nagyakap-yakap ulit kaming lima. Gustong-gusto ko talagang yumayakap sa mga taong mahalaga sa akin. Alam niyo kung bakit? Kasi, sa pamamagitan nito, nararamdaman ko kung ano ang halaga ko sa kanila. Kung may halaga ba ako sa kanila. Naalala ko lang na kapag niyayakap ko iyong tatay ko, nawawala lahat ng pagod ko. Hindi kami close ng tatay ko pero habang lumilipas ang panahon, nagkakasundo naman kami at natututunan ko ding tanggapin iyong mga bagay na wala sa kanya. Hindi siya iyong perpektong tatay, pero siya iyong masasabi kong mahal ako, ang mama ko, at ang mga kapatid ko.
Nilingon ko si Cay at mukhang hindi na maganda ang itsura ng mukha niya. Para siyang napiping palaman sa pagitan ng mga naglalakihang tinapay. Mukhang gutom na naman ako. Maya-maya’y kinalas namin ang pagkakayakap namin sa isa’t isa. Maliit na nga ang mata ng isang ito, mas lalo pang lumiit nang pipiin namin siya sa gitna. Hinila na ni Veny at Yael si Miss Adella na sinundan naming dalawa ni Cay palabas ng bahay. Nadaanan namin si Nanang, nakayukyok ang ulo sa mesa at para lang natutulog. Naisip ko nga kung talaga bang patay na talaga siya, kung sino ang gagawa sa kanya niyo, kung ano o sino ang may pakana. Ang daming tanong na bumabalot sa isip ko. Hindi ko naman kasi nakita iyong nangyari. Siguro, lahat sila nakita, pero ako, hindi.Hindi kaya namalik-mata lang sila? Ang daming pwedeng mangyari pero ang importante sa ngayon, kalmado ang lahat.
Nang malapit na kami sa pintuan palabas ay pinaalalahanan ko sila. “Mag-ingat kayo kung saan man kayo pupunta. Basta kapag kailangan niyo ng tulong, tawag lang kayo sa akin.”
“Hindi kami madidisgrasya sa daan, Juan. Ikaw daw ang mag-ingat kasi ikaw lang ang mag-isa dito. Baka kung ano ang mangyari sa’yo dito.” Sagot naman ni Veny. Kahit kailan talaga itong babaeng ito, hindi ako kinakalimutan.
“At tsaka, paki-charge na lang iyong laptop na nasa kwarto kung pwede. ‘Wag mo ding gagalawin iyong katawan ni Aling Miki. Ingat ka dito kuya.” Sabi naman ni Cay. Maganda na rin sigurong may ginagawa ako habang hinihintay ko silang makauwi. Nagpaalam na sila at umalis. Isinara ko ang pinto at heto ako, mag-isa sa bahay na ito. Hindi pala ako mag-isa, kasama ko si Nanang, natutulog lang. Umupo muna ako sa sofa para makapagpahinga. Pagkatapos ba naman ng lahat ng nangyari kanina, sinong hindi mapapagod? Hindi talaga ako umiiyak lalo na sa mga simpleng bagay, pero kanina, napatunayan kong tao din pala ako. Kailangan ko sigurong maging mas matapang at composed ngayon para mas maging matatag ako.
Pinuntahan ko sa dining area si Nanang para makita talaga kung anong nangyari. Tahimik ang buong paligid at tanging mga pagpatak ng ulan mula sa bubong pababa sa mga bintana sa labas ang maririnig. Tumila na kasi ang ulan bago pa man sila makaalis. Naglakad ako ng dahan-dahan palapit sa kanya. Mga isang dipa na lang siguro ang layo ko sa kanya at bigla akong napaisip. Kung tumagos ang isang matalim na bagay mula sa likuran niya hanggang sa kanyang tiyan, bakit walang dugong nagkalat sa sahig? Humakbang pa ako ng ilang beses at nasa tabi na ako ni Nanang. Nangangatog man ang mga kamay ko’y ipinihit ko ang aking ulo para unti-unting makita ang likuran ni Nanang at laking gulat ko na wala namang payong o kahit anong matalim na bagay ang nakatarak dito. May nakita akong payong sa sahig, nasa paanan ko, pero hindi ito nakatarak kay Nanang. At isa pa, nakayukyok ang ulo niya sa mesa pero ng ilapat ko ang aking mga daliri sa leeg niya’y nararamdaman ko ang paghinga niya. Buhay siya! Hindi pa siya patay! Dali-dali kong dinukot iyong phone ko sa bulsa ko at tinawagan si Miss Adella na hanggang ngayon ay ilang pa rin akong tawaging Adella lang.
BINABASA MO ANG
Oatmeals and Brushes
ParanormalHindi ako mahilig sa mga horror stories at lalong hindi ako naniniwala sa mga kababalaghan. Pero mula ng maranasan ko ang tinatawag na takot, nagbago ang lahat.