04:30am ng umaga, November 5,2014, heto ako, gising. Lagi na lang akong nagigising ng maaga kaya kung ano-ano na lang ang nakikita ko. Bukod sa mga nagvi-videoke kapag may nag-iinuman sa labas, meron din namang mga nagsusugal kapag may binuburol. Hindi ko nga alam kung talaga bang malungkot ang mga tao dito sa amin kapag may burol. Parang ang saya-saya pa nila kasi may pagkakataon silang may magsugal at ang pamilya ng namatayan, may pagkakataon namang makakakalap ng perang pampalibing sa pamamagitan ng abuloy. Medyo malamig ang simoy ng hangin kasi nga malapit ng magpasko, at sa lunes, may pasok na naman kami. Kung pwede lang mag-extend ng semestral break, ginawa ko na. Makikita ko na naman kasi iyong mga professor namin na terror at masusungit.

Lumabas ako ng boarding house at naglakad-lakad para matagtag ang taba. Ang dami ba naman kasing kinain kagabi, hayan, bukod sa busog pa ako hanggang ngayon, feeling ko, pwede na akong hindi kumain hanggang mamaya ng tanghali. Kulang ka lang sa pagtae, girl. Baka nga, may chance. As usual, may mga nagsusugal nga habang may binuburol. Buti na lang at medyo malayo sa amin ito dahil allergic kasi ako sa amoy ng sigarilyo. Hindi naman talaga sa allergic, ayaw ko lang ng nakakaamoy ng sigarilyo, nakakairita sa ilong a feeling ko, ang dumi-dumi na ng baga ko. Aba, dapat lang na pangalagaan ko ang ilong ko bilang ako’y isang HRM student. Bukod sa panlasa, dapat ay maging matalas din ang aking pang-amoy kung sakaling mawala ang aking panlasa. Pero in the second thought, mawawala din ang pang-amoy ko kapag nawala ang panlasa ko.

Unti-unti akong lumapit sa pinangyayarihan ng sugalan at burol at dahil sa dala kong panyo, I can keep my nose clean and fresh, sana. Ang ordinaryong senaryo, may mga nagto-tong-its, kumakain ng butong pakwan sabay papak sa kapeng mainit para hindi antukin, mga nagtsitsismisan na magkakapit-bahay at isang kabaong na nakikita ko ngayon. Hindi ko alam kung paano ko nakikita ang isang kabaong gamit ang isipan ko kahit hindi pa ako nakakapasok sa loob ng bahay. Pumikit ako para mas lalo kong makita iyong biglang pagkakita ko sa kabaong sa loob. Isang kabaong na puti, may mga sisiw sa taas nito, dumungaw ako at isang lalaking nasa edad-kinse anyos ang nakahimlay, lumingon ako sa kaliwa’t kanan at nakita ko ang mga kamag-anak yata ng namatay. Hindi ko alam kung paano ko nagawa iyon. Bigla na lang kasing nakita ko ang mga iyon at ng pagpikit ko, parang nandoon talaga ako sa loob at nakikita ko ang lahat ng nandoon. Gusto kong subukan ang sarili ko. Gumalaw ang mga mata ko sa loob ng bahay na iyon palayo sa kabaong, kumanan ako at tinabig ko ang mga kamag-anak nilang nakaupo. Dahan-dahan akong gumalaw at may nakita akong hagdan na semento sa aking kaliwa. Pumunta ako doon at tinignan kung anong meron sa taas. May second floor pala sila. Nang susubukan ko pang mas makita kung ano iyong nasa second floor ay biglang may humablot sa akin mula sa likuran.

“Aray!” At bigla na lang akong tumilapon palayo, nagmulat ako at nawalan ng balance sa aking sarili kaya ako’y natumba. Nanghina akong bigla. Alam mo iyong feeling na nakapikit ka, nananaginip kang gising at bigla na lang ang paghigop sa’yo ng katawan mo at magigising ka bigla. Gano’n iyong naranasan ko ngayon pero ang unexpected at ang bigla kong pagkatumba sa pagkakatayo ko.  Ang sakit tuloy ng pwet ko. Lumingon-lingon ako sa kaliwa’t kanan ko at lahat sila, pinagtitinginan ako. Nakakahiya naman at pati ba naman dito, gumaw ako ng eksena. Agad kong pinulot ang panyo kong tumilapon din at dali-daling tumayo para lumayo na doon. Na-trauma tuloy akong bigla sa mga burol, parang ayaw ko ng pumunta sa mga ganito at baka gumawa na naman ako ng eksena. Inayos ko ang buhok ko at akmang aalis na ako ng bigla akong pigilan ng isang lalaki na mas matangkad pa sa akin. Hindi ko siya nakikita pero iyong anino niya, kita ko sa harapan ko.

Nilingon ko siya at parang anghel ang kanyang mukha, maamo, cute, then, nakangiti pa siya. Parang gusto kong magpahulog ulit para saluhin niya ako. Hindi ko maaninag ang mukha niya kaya mas lumapit pa ako. Unti-unti ay nakita ko ang mga ngiti niya, nakakatunaw. Ang mga mata niya ay singkit, parang mga Korean superstars. At hindi naman pala siya matangkad, akala ko lang pala. Unti-unti ding nawala ang liwanag na nakapaligid sa kanya at napakamot na lang ako sa ulo ko kasi si Caliber lang pala. “Hoy! Okay ka lang ba? Bakit bigla kang lumabas ng boarding house ng ganitong oras? Ikaw ba si Veny o doppelganger ka lang niya?” Doppelganger? Tama ba iyong narinig ko?

Oatmeals and BrushesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon