Part 17

1.2K 29 0
                                    

“DAHIL magaling ka ng umarte, ipagluluto kita!” masayang sabi ni JV sa kanya nang matapos ang practice nilang dalawa. Iyon ang last day ng training niya kay JV na inabot ng dalawang linggo.
Umikot ang mga mata niya habang nakangiti. “Bakit marunong ka bang magluto?”
Nangalatak doon ang binata saka inilahad sa harapan niya ang kamay nito. Tinanggap niya iyon. “Oo naman pero iyong mga simple lang, gaya ng pancake!”
Malakas siyang natawa sa narinig. “Pancake! Eh di ba pang-almusal iyon? Sandwich nalang” giit niya.
Noon nagkamot ng ulo nito si JV kaya mabilis niyang nakuha ang ibig sabihin niyon.
“Sige ako nalang ang gagawa ng meryenda natin, pa-thank you ko nalang sayo kasi pinag-tiyagaan mo akong turuan” kalaunan ay naisip niya.
“Masarap, ito na ang bago kong paborito!” ani JV habang maganang kinakain ang sandwich na inihanda niya.
“Ngek, bolero ka talaga, wala namang kakaiba diyan di ba?”
Noon inubos ni JV ang sandwich nito, inabot ang baso ng juice saka uminom. “Meron, ang kakaiba dito ikaw ang naghanda, iyon” sagot nitong kuntentong isinandal pa ang likod sa sandalan ng silya.
Parang hinaplos ng pakpak ng ibon ang puso niya. Gusto niyang magsalita pero wala siyang nahagilap na pwedeng sabihin kaya ngumiti nalang siya. Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Siya nang mga sandaling iyon ay ipinagpatuloy ang tahimik na pagkain habang si JV? As usual, titig na titig parin sa kanyang mukha.
“T-Tumigil ka nga diyan!” nang hindi makatitiis ay sita niya sa binata.
“Para tinititigan ka lang” anitong umangat pa ang sulok ng labi pagkuwan.
Nanunulis ang nguso niyang ipinagpatuloy ang pagkain. “Nakakailang kasi ang mga titig mo.”
“So weakness mo pala ang mga titig ko huh!” may panunuksong sabi ng binata.
Totoo iyon pero ayaw niyang aminin mismo iyon kay JV kaya nakangiti nalang niyang inirapan ang binata. Hindi niya maintindihan kung bakit wala siyang maramdamang pagkainis kapag binibiro siya ng ganoon nito. Siguro kasi sa kabila ng pagbibiro nito, naroroon parin ang masarap na kilig na hatid niyon na siyang kumukumpleto sa araw niya.
Nang damputin niya ang baso ay hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari. Nadulas iyon sa kamay niya kaya nahulog at nabasag sa marmol na sahig. Mabilis siyang yumuko para pulutin iyon pero dahil sa pagkataranta, na-mali siya ng dampot. Naramdaman nalang niya ang hapding nilikha ng sugat niyon sa kanyang daliri.
“A-Anong?” si JV na nag-aalalang tumayo saka siya dinaluhan.
“M-masakit” nangingilid ang luha niyang turan saka tiningala ang binatang noon ay hawak ang kamay niya. Hindi naman malalim ang sugat. Pero dahil bihira siya kung masugatan, ininda niya iyon ng husto. 
“Teka kukunin ko iyong gamot” ang binatang umakmang tatalikod pero mabilis ring nahinto nang magsalita siya.
“H-Huwag, mahapdi. Hayaan mo na hindi naman malalim” giit niya sa pagitan ng pagpipigil na impit na mapaiyak.
“I-Ikaw talaga” mabait na sabi ng binata. “teka, alam ko na” ang sumunod na ginawa ni JV ay hindi niya inasahan.
Marahas siyang napasinghap nang isubo nito ang dulo ng daliri niyang nasugatan. Alam niyang paraan din iyon para mapaampat ang pagdurugo ng isang maliit lang na sugat. Pero dahil yata si JV ang gumawa niyon sa kanya, may pakiramdam siyang para siyang hihimatayin sa anumang sandali.
Ang init ng labi niya...
Daliri palang niya ang ikinulong ng mga labi nito. What more pa kaya kung? Noon niya mabilis na iwinala sa isip ang isiping iyon.
Nakahinga siya ng maluwag nang itigil ni JV ang ginagawa. Pero siya, nanatili paring nakatitig sa binata. May ilang sandali rin silang nanatili sa ganoong ayos. Ang dibdib niya abnormal parin ang tibok. At lalong sumidhi iyon nang makita niyang umangat ang isang kamay ni JV saka masuyong humaplos sa kanyang pisngi.
Napapikit siya. Mayamaya pa ay naramdaman naman niya ang hinlalaki nitong dumama sa kanyang pang-ibabang labi. Doon napigil niya ang sariling paghinga. Nakita niyang kumilos ito, yumuko. Pakiramdam niya, alam na niya ang susunod na mangyayari.
Hahalikan siya ni JV. Nalito siya, tatanggi ba siya o papayag? Magkapanabay pa silang tila natauhan nang makarinig ng tikhim sa kanilang likuran. Noon siya mabilis na binitiwan ng binata.
“Ma!” anito kay Carmela nang marahil makabawi sa pagkabigla. Gaya noong una sa ospital ay sa kanya na naman napako ang paningin ng ginang.
Tumango lang ito saka muling ibinalik ang titig sa kanya. “May bisita ka pala” malamig nitong turan na malamang ay dahil sa eksenang inabutan nito na mukhang hindi nito nagustuhan.
“K-Kumusta po?” nahihiya niyang bati.
“Mabuti naman, magbibihis lang ako” tila napilitan nitong sagot saka mabilis na tumalikod.
“M-Miss L?” mayamaya ay narinig niyang untag sa kanya ng binata. Nakita niyang nagtaas-baba ang dibdib ni JV nang tingalain niya ito. “I-I'm sorry, hindi ko dapat ginawa iyon. I know nangako ako sayong igagalang kita at magiging gentleman ako sayo. Sana mapatawad mo ako” ramdam niya ang sincerity sa tinig nito.
Napangiti siya. “H-Hayaan mo na iyon. Lika na, hatid mo na ako sa sakayan” totoong hindi naman siya nakaramdam ng kahit anong kabastusan o pananamantala sa ginawing iyon ng binata. Ang totoo pa niyan ay parang nanghihinayang siyang hindi iyon natuloy, bagay na ayaw din naman niyang aminin sa sarili niya.
“T-Thank you, promise hindi na talaga mauulit. Maliban nalang kung tayo na” si JV ulit na nang mga sandaling iyon ay malapad na ang pagkakangiti.
Noon niya kinurot ang tagiliran ng binata. “Puro ka talaga kalokohan ano?” natatawa pa niyang saad.
Hindi na nagsalita pa ang binata pagkatapos. Pero sa nakikita niyang ganda ng kislap ng mga mata nito, parang bigla ay nakaramdam siya ng nag-uumapaw na kaligayahan sa puso niya.
Hindi naman tayo magkapatid kaya hindi isa ang pusod natin. Pero bakit ganun, kung ano ang nararamdaman mo, parang nararamdaman ko rin? Ang isang bahagi ng isip niya.
Hindi nga isa ang pusod ninyo pero isa naman ang itinitibok ng puso ninyo! Ganoon din iyon! Ang kabilang bahagi naman.
Wala sa loob siyang napangiti dahil doon. Kaya naman nang pareho na silang nasa loob ng kotse ni JV at maramdaman ang kamay nito sa kamay niya ay hindi siya tumanggi.  Sa halip gaya ng dati ay in-enjoy nalang niya ang masarap na damdaming hatid ng init ng palad ng binata.

THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (UNEDITED_TO BE PUBLISHED UNDER PHR) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon