“ANONG oras ang labas mo bakit ngayon ka lang?” sita sa kanya ni Lloyd nang pasukin siya nito sa loob ng kanyang kwarto kinagabihan.
Nagulat siya sa ginawing iyon ng kapatid.“Ano ka ba kuya kumatok ka naman muna!” hindi niya napigilang hindi mainis sa ikinilos nito saka isinara ang sinusulatang diary.
“Ang tinatanong ko ang sagutin mo! Isang oras akong naghintay sayo labas ng SJU pero hindi kita nakita!” anitong galit pang hinawakan ang kanyang braso.
Natigilan siya sa narinig. Hindi naman niya nakita si Lloyd sa labas ng SJU kanina. O baka hindi lang niya napansin dahil sa dami ng naka-park na sasakyan sa harap ng eskwelahan. Bukod pa roon ay tinted ang salamin ng kotse ni JV kaya malamang hindi nga niya ito napuna.
“A-Aray! K-Kuya nasasaktan ako!” halos pabulong niyang sabi sa kagustuhang huwag marinig ng mga magulang nila ang tinig niya.
“Akin na nga iyan!” anitong galit na hinablot ang hawak niyang diary.
Noon siya nag-panic. Kapag nalaman ni Lloyd ang totoo tungkol sa kanilang dalawa ni JV, alam niyang mamumuhi ito ng husto sa kanya. Lalo't ramdam niyang matindi ang galit nito sa nobyo niya. “Ano ba kuya sumosobra kana! Hindi porke ikaw ang nagpapaaral sakin pwede mo ng pakealaman pati personal na parte ng buhay ko!” aniya sa kabila ng pagpupumilit na mabawi ang diary sa kapatid.
“Tumigil ka! Ngayon magkakaalaman tayo kung nagsasabi ka ng totoo!” saka nito sinimulang basahin ang kanyang diary.
Kitang-kitang niya ang matinding galit na lumarawan sa mukha ni Lloyd. At nang sulyapan siya nito parang gusto niyang lamunin nalang siya ng lupa dahil sa pinaghalong matinding hinanakit at galit sa mata ng nakatatandang kapatid.
“B-Bakit hindi ka nakinig sakin Vinnie?” parang walang lakas ang tinig siyang binalingan ni Lloyd.
Napipilan siya. Ang nararamdaman niyang takot at guilt nang mga sandaling iyon ay unti-unting nilalamon ang lahat ng tatag na mayroon siya. “I-Im s-sorry K-Kuya, m-mahal ko si J-JV” basag ang tinig niyang sagot.
Nakita niyang napapikit si Lloyd sa sinabi niyang iyon. At nang muli siya nitong lingunin ay noon niya napuna ang pagkislap ng luha sa mga mata nito. “Hiwalayan mo siya, hindi siya ang lalake para sayo” anito sa awtorisadong tinig saka nagpahid ng mga luha.
“S-Sorry kuya pero hindi ko magagawa ang gusto mo” tanggi niya.
“Bakit, mas mahalaga ba siya kaysa sakin na kapatid mo?” mariin nitong turan sa isang awtorisadong tinig.
Kinilabutan siya sa matinding galit na lumarawan sa mga mata ni Lloyd. Matagal narin mula nang huli niyang makitang ganito ang anyo ng kapatid niya. At iyon ay nang lokohin ito ni Cassandra at ipinagpalit sa iba.
“Bakit ba galit na galit ka kay JV? Wala naman siyang ginagawang masama sayo ah?” sa kabila ng takot na nararamdaman niya noon ay sinikap niyang lagyan ng tatag ang mababang tono ng boses niya.
“Hindi mo alam ang sinasabi mo! Sinira ng lalaking iyon ang buhay ko!”
Noon nagtaas-baba ang dibdib niya. Sinubukan niyang magsalita pero naunahan siya ni Lloyd.
“Kahit ba sabihin ko sa'yong siya ang dahilan kung bakit naging miserable ang buhay ko? Hindi mo parin ba siya hihiwalayan? galit nitong turan sa isang mataas na tinig saka hinawakan ang magkabila niyang balikat.
Isang hindi maipaliwanag na kaba ang mabilis na sumikdo sa dibdib niya, kasabay niyon ang pagsasalubong ng kanyang mga kilay. “Anong sinasabi mo Kuya? Hindi kita maintindihan!” kahit may palagay siyang hindi niya gugustuhing marinig ang pwedeng isagot ni Lloyd ay pinili parin niya iyon, para lang maliwanagan.
Nakita niyang nagtaas-baba ang dibdib ng kapatid niya na halatang nagpipigil ng galit. “Siya ang lalaking sinamahan ni Cassandra! Kaya kung iniisip mong pwedeng maging kayo nagkakamali ka, dahil kahit kailan hindi ko siya matatanggap para sayo! Maliban nalang siguro kung mapatunayan niya mismo sa 'kin na kaya niyang isakripisyo ang lahat para sayo!”
Para siyang sinampal ng malakas sa narinig. Ilang sandali siyang nanatiling nakatitig sa mukha ni Lloyd na kababakasan ng matinding paghihirap.
“Hindi! Hindi ako naniniwala sayo! Sinasabi mo lang yan kasi galit ka sa kanya! Kasi hindi mo siya gusto! Huwag mong ibintang sa kanya ang kasalanang hindi naman niya ginawa!” kahit nahahati ang puso niya sa sakit nang mga sandaling iyon ay sinubukan parin niyang pigilan ang nagbabadya niyang mga luha.
Tila nauubusan naman ng pasensyang isinuklay ni Lloyd ang kamay nito sa sariling buhok saka siya muling hinarap. “Nagsasabi ako ng totoo bunso! Siguro nga nabilog na ng husto ng hayop na lalaking iyon ang ulo mo! Ano, may nangyari na ba sa inyo? Nakuha kana ba niya kaya ganyan nalang kung ipagtanggol mo siya?!”
Nagulat siya sa narinig na sinabi ng kapatid kaya siya napatitig dito. Sinubukan parin niya itong unawain. Alam niyang galit ito kaya nito nasabi iyon sa kanya. Ngunit sa kabilang banda ay hindi parin niya maiwasan ang masaktan ng husto.
“H-How dare you k-kuya, ganoon ba kahina ang tingin mo sakin ha?” basag ang tinig niyang turan.
Noon niya nakitang lumambot ang mukha ni Lloyd saka nagpapaunawa ang tinig na muling nagsalita.“Sasaktan ka lang niya at ayokong mangyari iyon sayo.”
“Mahal ako ni JV kuya, nararamdaman ko iyon!” giit niya sa kabila ng pagpipilit niyang kontrolin ang sariling emosyon.
“Sa lahat ng babaeng nakakarelasyon niya sinasabi niya ang ganyan! Lalake rin ako alam ko iyon, at alam ko ring binibilog lang niya ang ulo mo dahil bata ka pa!” sagot ni Lloyd, balik sa mas mataas ng tinig.
“Hindi ganoon si JV kuya! At kung merong mas nakakakilala satin sa kanya, ako iyon! Mahal niya ako at kahit anong gawin mo hindi ko siya hihiwalayan!” sagot niya sa mataas naring tono. “saka isa pa, kung talagang mahal ka ni Cassandra, kahit sino pang lalaki ang magpakita ng pagkagusto sa kanya hindi ka sana niya iniwan. Kasi babae rin ako at alam ko iyon!” aniyang galit ng ginaya ang sinabi kanina ng kapatid.
Hindi niya gustong sabihin iyon, pero hindi rin naman tamang hayaan nalang niyang pagsalitaan ni Lloyd ng kung anu-ano si JV. Si JV na wala ng ginawa kundi bigyang katwiran at ipaliwanag sa kanya ang lahat ng inaasal ng kuya niya. Si JV na wala ng ibang ginawa kundi ang mahalin, alagaan at protektahan siya.
Nakita niya kung gaanong nahirapan si Lloyd nang iwan ito ni Cassandra. At naging saksi rin siya sa pagmamahalan ng mga ito. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit nagagawa niyang intindihin ang side ng kuya niya ngayon.
Pero paano naman siya? Paano sila ni JV? Paano niya ipapaliwanag sa kuya niyang hindi niya gustong mabuhay ng wala ito? Mahal niya si JV pero mahal din niya si Lloyd. At sa nakikita niya ngayon parang ang gustong mangyari ng kuya niya ay mamili siya. Napahikbi siya ng wala sa loob.
“Kung siya ang pipiliin mo, huwag ka ng umasang babalik pa tayo sa dati” mariing turan ni Lloyd saka lumabas ng silid.
Noon siya tuluyang napahagulhol. “K-Kuya!” pahabol niyang tawag sa kapatid pero hindi siya nito pinakinggan at sa halip ay nagtuloy-tuloy na lumabas ng kabahayan.
BINABASA MO ANG
THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (UNEDITED_TO BE PUBLISHED UNDER PHR) COMPLETED
RomanceCOMPLETED Sa kanilang apat siya ang talagang naniniwala sa magic at happy ending. Naniniwala rin siyang ang lahat ng nangyayari gaano man kasakit ay may magandang dahilan. At para kay JV ay si Vinnie iyon. Isang simple, mahinhin at mahiyaing babae...