Part 24

1.3K 36 0
                                    

SA mismong bookstore ng SJU niya ibinili ng pampalit sa nabasa nitong blusa si Vinnie. Ayaw kasi ng dalaga na malaman ng mga magulang nito ang nangyari dahil tiyak na mag-aalala raw ang mga ito.
Sa halip na sa canteen ay sa isang restaurant malayo sa unibersidad niya ito dinala para magmeryenda. Pagkatapos ay niyaya niya ang dalagang dumaan muna sa malaking simbahan ng San Jose. Papalubog na noon ang araw kaya nagsabog ito ng napakagandang kulay sa kalangitan. At mula sa mataas na kampanaryo ng malaking simbahan ay natatanaw nila ang halos buong barangay.
“I’m sorry sa inasal ko kanina” aniya matapos ang isang mahabang katahimikan.
“H-Hayaan mo na iyon, baka malaman pa ng lolo mo mapagalitan ka. Saka di ba si Irene ang gusto ng Mama mo para sayo? Mukha namang mahal na mahal ka niya, makipagbalikan kana kaya sa kanya?” nalito siya sa dapat maramdaman sa sinabing iyon ng dalaga, ngunit hindi niya maipagkakamali ang lungkot sa tinig nito.
“Bakit ba pinagtutulakan ninyo ako pabalik kay Irene? Hindi ko siya mahal” pinilit niyang huwag iyong haluan ng hinanakit pero bigo siya.
Nagyuko ito ng ulo. “I'm sorry, nakalimutan ko may iba ka nga palang gusto.”
Napabuntong hininga siya saka ginagap ang palad ni Vinnie at marahang pinisil. “I'm willing to sacrifice anything just to be with you” aniya.
Nakita niya ang pagkislap ng luha sa mga mata ng dalaga. Kaya naman mabilis na humaplos ang isang napakasarap na damdamin sa dibdib niya. Hinila niya ito saka niyakap ng mahigpit. Napapikit siya saka walang anumang salitang hinalikan ang mabango nitong buhok.
Ramdam niya ang masarap na pakiramdam na dala ng kakaibang hangin sa paligid nila. At kung ang mensaheng hatid niyon ang paniniwalaan niya. Hindi siya pwedeng magkamali, alam niyang pareho sila ng nararamdaman. Pareho silang nagmamahalan.
“Ngayon palang ako naka-akyat dito, alam mo ba?” nang ilayo ni Vinnie ang sarili sa kanya.
“Bawal naman kasing umakyat dito kasi masyadong mataas” aniya habang tinutuyo ang luhaang mukha ng dalaga.
Salubong man ang mga kilay ay nakangiti parin siyang binalingan ni Vinnie. “Bawal? Eh bakit tayo nandito? Mamaya mapagalitan tayo ah!”
Magkakasunod siyang umiling saka ito nakangiting inakbayan. “Hindi tayo mapapagalitan kasi kilala ako dito.”
“A-Akala ko sa SJU kalang maimpluwensya, pati rin pala dito?” hindi niya napigilan ang matawa ng malakas sa sinabing iyon ni Vinnie saka nito pasimpleng inalis ang braso niya sa balikat nito.
“Hindi ganoon, sakristan kasi ako dito noong bata ako kaya may mga kilala ako dito” pagpapaliwanag niya.
Halatang hindi makapaniwalang tumaas ang isang kilay ni Vinnie sa sinabi niya. “Ows? Eh iyon naman pala eh, paanong nangyari na naging playboy ka?”
“Ganoon talaga, tao lang naman ako gaya ng iba. Nagkakamali, at nagmamahal” sandaling nakiraan ang katahimikan sa kanila. At sa pagkakatitig niya sa magandang mukha ng kasama, hindi niya napigilan ang sariling kurutin ng bahagya ang malambot nitong pisngi. Namula ang mukha ni Vinnie dahil doon lalo na nang kindatan niya ito.
“Bakit ikaw lagi kang nagba-blush?” nanunukso niyang tanong sa dalaga na noon ay iniiwas na ang tingin sa kanya.
“W-Wala! Bakit masama bang pamulahan kapag___”
“Kapag kino-compliment ka ng crush o mahal mo?” ngiting-ngiti niya sabi.
“Hoy ang kapal mo ah! Saka ba't mo alam?”
“Ba't ko alam na crush mo ko? Hindi mo naman ako crush di ba? Kasi ang totoo mahal mo ako!” walang gatol niyang sabi.
NATILIHAN si Vinnie sa narinig.
“Tama ako di ba?” si JV ulit na nangingislap ang mga mata.
“H-Hindi ah! Saka huwag mo nga akong pagtripan diyan pwede ba?” angal niya saka ito inirapan.
Napasipol doon si JV kaya pikon niya itong sinugod ng suntok sa dibdib. “Nakakapikon kana! Sabing tumigil kana eh!” humihingal niyang sabi saka huminto nang mapagod.
Magkakasunod ang tawang pinakawalan ni JV. Lalong naningkit ang mga mata niya nang makitang nakahawak ang kamay ng binata sa tiyan nito. “Alam mo kakaiba ka talaga, pero marunong karin palang magalit” anitong huminto na sa pagtawa nang mapunang hindi na siya umiimik.
“Lagi mo namang sinasabi iyan eh, saka isa pa tama na nga ito! Ayoko nang tulungan ka sa panliligaw mo!” totoo iyon sa loob niya. Dahil pakiramdam niya ginagawa siyang katatawanan ng binata.
“Okay lang kasi hindi ko narin naman kailangan ng tulong mo eh” amused nitong sabi.
Mabilis na nilamon ng selos ang puso niya. Sinagot kana ba niya JV? May girlfriend kana ba?
“At wala karin palang utang na loob eh!” galit niyang turan.
“Di ba sabi mo gusto mo siyang makilala?” ang sa halip ay tumatawang tinuran ni JV.
“Ayoko! At wala na akong pakealam kahit sino pa siya! Pagkatapos kitang tulungan ikaw pa itong akala mo kung sino! At dinala mo pa ako dito sa kampanaryo para galitin lang? Hindi ko inasahan na magagawa mong ubusin ang pasensya ko!” galit na galit niyang litanya sa isang mas mababang tinig.
“Ayaw mo siyang makilala kasi nagseselos ka di ba?” tukso sa kanya ni JV.
Noon nag-close-open ang butas ng ilong niya. “Talaga lang huh?” totoo namang nagseselos siya, iyon ang dahilan kung bakit nagagalit siya ngayon. Pero hindi iyon malalaman ng binata at hindi siya aamin ng totoong nararamdaman niya para dito.
“So, hindi ka nagseselos?” naguguluhan siya sa nakikitang parang naaaliw pa si JV sa panggagalaitin niya.
“Hindi!” kahit ang totoo ay gustong-gusto na niyang maglupasay sa iyak nang mga sandaling iyon.
“Good.”
“Anong good?”
“Good, dahil hindi mo naman dapat pagselosan ang sarili mo!”
Para siyang tinamaan ng kidlat sa narinig. Hindi siya nakakilos at hindi rin nakapagsalita dahil pakiramdam niya, nananaginip lang siya nang mga sandaling iyon. At kung ilang beses niyang ikinurap-kurap ang mga mata niya matiyak lang na totoo ang lahat ay hindi niya alam.
“At hindi kita dinala sa lugar na ito para galitin lang, I brought you here para tuparin ang isang pangakong binitiwan ko dito ten years ago” pagpapatuloy nito nang hindi siya magsalita.
“P-Pangako?”
Noon siya inabot ni JV saka niyakap mula sa kanyang likuran. Naramdaman niyang mas humigpit pa ang pagkakayakap ng binata sa kanya nang maramdaman nito marahil ang pagnanais niyang makawala sa mga bisig nito.
“Dito ikinasal sa simbahang ito ang Lolo at Lola ko, pati ang Papa at Mama. At dahil nga sakristan ako noon nakaka-akyat ako dito sa kampanaryo anytime na gustuhin ko. Well, madalas kasama ko si Manong Jun kasi nga favorite spot din niya ito lalo kapag namimiss niya iyong namatay niya girlfriend” kwento sa kanya ni JV saka siya ipinihit ng binata paharap dito.
Kasabay ng pagtatama ng kanilang mga mata ay ang pagsikdo naman ng hindi maipaliwanag na kaba sa dibdib niya. Ngunit gayun pa man ay nanatili parin siyang tahimik.
“At gaya ng grandparents at parents ko syempre dito ko rin gustong maikasal someday. And I made a promise to myself na tanging ang babaeng pakakasalan ko lang ang iaakyat ko sa kampanaryong ito.”
“J-JV?”
“I'm in love with you Miss L, so much” hindi siya nakapagsalita sa narinig. At sa isang iglap ay nahilam ng luha ang kanyang mga mata nang hindi niya namamalayan.
“Hindi ako nagkamali ng naramdaman when I first laid my eyes on you nung Foundation Ball. That my wait is over” anito.
“T-Totoo, m-mahal mo ako? H-Hindi ka nagbibiro? E-Eh, sino iyong sinasabi mong nililigawan mo?” patuloy sa pagluha niyang tanong.
“Dun sa tanong kung sinong nililigawan ko, ang totoo style ko talaga iyon para mapaibig kita. Napaka-ilap mo kasi at ako naman, hindi ko alam kung paano ka didiskartehan. At totoong mahal na mahal kita, hindi ako nagbibiro. Noon pa mang una kitang nakita may naramdaman na akong kakaiba, at lalong sumidhi iyon nang makasakay kita sa traysikel” paliwanag nito.
“Ginawa ko naman lahat ng gusto mong style nang panliligaw di ba? Kinantahan kita, binigyan ng flower at chocolate, dinala sa isang romantic place ngayon, dito at nung gabing birthday ni Hara sa ilalim ng bilog na bilog na buwan. And I treated you just like how I treat my Mom. Sa tingin mo gagawin ko ang lahat ng iyon kung hindi kita mahal?” si JV.
Nang manatili lang siyang nakatitig sa binata ay nagpatuloy ito sa iba pang nais nitong sabihin.
“Iyong pagkakapili sayo bilang leading lady ko masasabi kong pagkakataon na ang may gusto nun. And for me, nakita ko iyon as sign” noon sinapo ng dalawang kamay nito ang mukha niya. “binigyan nun ng justification ang naramdaman ko habang sinasayaw natin ang The Last Waltz nung gabi ng Foundation Ball. At nang makasakay kita sa traysikel noon ko narealized na siguro tama lang na huwag na kitang pakawalan. Kaya nakita mo noon pa man gumawa na ako ng paraan para malapitan ka lagi? At masaya akong magaling makisama sakin ang pagkakataon. Ngayon kung hindi ka parin naniniwala, ano sa tingin mo ang pwede kong gawin para mapapaniwala kita?” pagpapatuloy nito.
Sa haba ng narinig niyang paliwanag kay JV ay nakangiti siyang napalabi nalang bago nagsalita. “K-Kiss me” paanas niyang sagot. Nanlaki ang mga mata niya nang mabilis pa yata sa hangin nang angkinin ni JV ang nakaawang niyang mga labi.
“Akala ko ba good kisser ka?” tukso niya nang makalipas ang ilang sandali ay pakawalan nito ang kanyang mga labi. “may good kisser bang nambibitin?” dugtong pa niya.
Noon nangingislap ang mga matang umangat ang mga kilay ng binata. “Ah, at hinahamon mo ako huh!” ngiting-ngiting turan ni JV saka kinurot ang kanyang baba.
Inirapan niya ito pero nakangiti.
“I love you Miss L, okay lang ba sayo kung ako ang maging husband years from now?” ang layo ng mukha nito sa kanya ilang pulgada nalang yata kaya para siyang mawawala sa sarili dahil sa bango ng hininga nito.
“Choosy pa'ko? Eh kung tutuusin ikaw itong pang-Hollywood ang karisma?” noon umangat ang kamay niya saka buong pagmamahal na humaplos sa napaka-gwapong mukha ng binata.
“So that means yes?”
Magkakasunod siyang tumango. “I love you too, at itong nararamdaman ko para sayo, sapat na itong dahilan para ipaglaban kita.” madamdamin niyang saad.
“They will never know, kahit ang mga kaibigan ko hindi nila malalaman ang tungkol sa atin hanggang sa dumating ang time na pwede na” parang gusto niyang humagulhol ng iyak sa sinabing iyon ng binata.
“A-Ano nalang ang sasabihin nila? Kilala ka pa namang playboy, hindi nawawalan ng girlfriend. Tapos bigla ganito?” aniya sa kabila ng pagpipigil na maiyak.
“They can say anything they want to say. Madali ng tawanan ang lahat ng iyon lalo na kung para sayo” anang binata saka nito buong pagmamahal na hinagkan ang kanyang noo. Humahagulhol siyang yumakap ng mahigpit kay JV na ginantihan rin nito ng mas mahigpit pang yakap.
“You made me feel so blessed alam mo ba Miss L? And this time, ang nararamdaman ko para sayo, alam kong it will last forever saka itinaas ni JV ang mukha niya. “Pa-kiss?”
“Naiinip na nga ako eh, kanina pa” aniyang suminghot muna bago ikinawit ang dalawang kamay sa leeg nito.
Noon siya niyuko nang binata saka muling maingat na hinalikan. At noon niya lubusang napatunayang first kiss is the sweetest. Parang alak na inimbak ng matagal kaya nang malasahan iyon ng kanyang mga labi ay tuluyan na nga siyang nawala sa sarili niyang katinuan. Gusto niya ang paraan ng paghalik nito sa kanya. Ramdam niya ang pagmamahal at paggalang. Maging ang pag-iingat nito.
Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata saka nilasap ng husto ang matamis na halik ng binata. Dahil kung siya ang tatanungin, parang ayaw na niyang matapos ang sandaling iyon. Ang makulong sa mga bisig ng lalaking pinakamamahal niya habang mainit nitong hinahagkan.

THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (UNEDITED_TO BE PUBLISHED UNDER PHR) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon