Part 34

1.3K 29 0
                                    

ISANG oras ang itinagal ng operasyon habang apat na oras naman ang blood transfussion. Matapos iyon ay nailipat narin si Vinnie sa isang private room. Doon narin niya minabuting magpahinga kasama ang dalaga na nang mga sandaling iyon ay nanatili paring tulog.
Tatlong araw matapos niyon ay pinayagan narin si Vinnie na lumabas ng ospital at sa bahay na tuluyang magpagaling. Sa mga panahong iyon ay nanatili lang na civil ang pakikitungo sa kanya ni Lloyd. Well at least hindi na niya nararamdaman ang galit nito sa kanya, at kahit paano nakakasilip nasiya ng chance na somehow ay mag-kakaayos din sila.
Ang driver ng traysikel na kinalululanan noon ni Vinnie ay sinikap na makipag-areglo sa pamilya ng dalaga. Inamin nitong nakainom ito noon dahil nagkaroon ito ng pagtatalo at ang asawa nito. At dahil ligtas naman na si Vinnie ay ipinasya nalang ng pamilya nitong patawarin ang driver lalo pa at may dalawang anak itong binubuhay.
Ang nangyaring iyon kay Vinnie ang naglapit sa mga magulang nila. Ilang beses rin kasing dinalaw ni Carmela ang nobya niya para dalhan ng kung anu-ano. Maging si Irene na napag-alaman niyang nakipagayos narin pala kay Vinnie bago nangyari ang aksidente.
“Huwag kang mawawala sa anniversary namin ng Papa ni JV hija, kasama ka sa family picture taking kaya hindi ka pwedeng umabsent” si Carmela nang isang gabing nagpasama ito sa kanya sa pagdalaw kay Vinnie.
Iyon na ang huling linggo ng pagliban ni Vinnie sa klase. Dalawang linggo kasi ang hiningi niyang excuse sa SJU para matiyak na talagang magaling na ang sugat ng dalaga pagbalik nito sa klase. Kahit kung tutuusin ay isang linggo lang ang sinabi ng doktor. Nang mga panahong iyon kasi ay napuna niyang iika-ika pa ito at nakasaklay kaya naisip niyang mahihirapan ito kung papasok na agad makalipas ang isang linggo.
Maluwang ang pagkakangiti siyang sinulyapan ni Vinnie. “T-Talaga po?” bakas ang excitement sa tinig nito.
“Oo naman! Alam mo kung ako lang ang masusunod gusto kong sa bahay kana tumira hija” natawa siya sa sinabing iyon ni Carmela.
“Naku naman Carmela, wala namang ganyanan at hindi pa nga nagdi-debut itong prinsesa namin eh gusto mo ng kunin” ang pabirong sagot naman ni Selma kaya nagkatawanan silang lahat.
Nasa ganoon ayos sila nang pumasok sa loob ng kabahayan si Lloyd. Nginitian nito ang Mama niya saka naman hinalikan ang ulo ng kapatid nitong nakaupo sa tabi niya. Isa rin iyon sa isa pang ipinagpapasalamat niya, ang muling pagkakaayos ng magkapatid nang magkamalay si Vinnie sa ospital.
“Usap muna tayo, pare?” pabulong nitong sabi nang magtama ang paningin nila.
Sinulyapan niya si Vinnie na tila humihingi ng pahintulot at nang tanguan siya nito ay tumayo siya.
“Mabuti nalang pala nagsama ng driver si Mama” natatawa niyang sabi nang makita ang ilang bote ng beer sa ibabaw ng hood ng jeep ng mga ito.
“Hindi ko naman gagawin ito kung wala kayong kasama driver” natatawang sagot ni Lloyd saka iniabot sa kanya ang nabuksan na nitong beer.
Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Madilim at bilog na bilog ang buwan, naalala niya nang gabi ng birthday ni Hara. Ganito rin kaganda ang buwan noon.
“Sinabi na sa akin ni Vinnie ang totoo, ang lahat ng sinabi mo sa kanya tungkol sa inyo ni Cassandra” basag ni Lloyd sa katahimikan.
Hindi siya nagsalita at sa halip ay sinulyapan lang ang kasama. Sa totoo lang ilang beses na ba niyang ipinagdasal noon na sana ay may kuya siya? May mga pinsan din naman siya pero dahil siya ang unang apo, siya ang pinakamatanda. Aminado siyang magaan ang loob niya kay Lloyd noon pa man, siguro dahil mahal ito ng babaing pinakamamahal niya.
“Patawarin mo ako, hindi ko ginusto ang lahat ng iyon. Natakot lang ako para sa kapatid ko, iyon lang talaga wala ng iba” pagtatapat nito.
Napabuntong hininga siya sa narinig. “I understand, sa totoo lang kahit sabihing playboy ako noon hindi naman lahat ng babaeng nagpapakita ng motibo sakin pinapatulan ko. Sa kanilang lahat kasi isa lang ang naramdaman ko, atraksyon. Iyon lang” aniyang natawa pa ng mahina. “si Miss L lang talaga ang babaeng minahal ko. Siguro naman napapansin mo iyon, lalaki ka rin” aniya.
Tumango si Lloyd. “Kung sa pagmamahal mo sa kapatid ko wala na akong pagdududa roon. Naipakita mo na ang lahat at hinigitan mo pa ang lahat ng inasahan ko” anitong ngumiti sa kanya pagkuwan.
Masaya siyang napangiti. “Salamat sa pagkakataon, Kuya” aniyang inilahad ang kamay sa harapan ni Lloyd.
Hindi iyon tinanggap ni Lloyd at sa halip ay pabiro nitong sinuntok ang dibdib niya. “Basta ingatan mo ang kapatid ko at huwag na huwag mong paiiyakin. Masaya na ako doon.”
Tumawa siya. “At diyan naman tayo magkakasundo, kuya” aniya.

THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (UNEDITED_TO BE PUBLISHED UNDER PHR) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon