“ANONG ginagawa mo dito Kuya?” kunot-noo niyang tanong kay Lloyd nang matapos niyang maghugas ng plato kinagabihan at napasukan niya ang kapatid sa loob ng kanyang kwarto.
Nagulat itong pilit na ngumiti. “H-Ha? W-wala naman, tinitingnan ko lang kung anong magandang paint ang pwede dito sa kwarto mo” anito.
Hindi kumbinsido siyang nagtuloy sa loob saka naupo sa gilid ng kanyang kama. “Alam mo namang green ang favorite color ko di ba?” saka niya ito sinulyapan. Masama parin kasi ang loob niya rito kaya medyo wala siya sa mood na kausapin ito.
Nakita niyang ngumiti ulit si Lloyd saka siya tinabihan at inakbayan. “Galit ka ba sakin ha?” sa dating mabait na nitong tinig kaya hindi niya naiwasan ang mapangiti.
“Bakit ba hindi mo gusto si JV kuya? Mabait naman iyong tao, kahit sina nanay at tatay nga ganoon ang tingin sa kanya eh” naisatinig niya. Gusto kasi niyang maging maayos sina JV at ang kapatid niya, lalo na at parehong matimbang ang mga ito sa kanya.
Sa sinabi niyang iyon ay agad na tumayo ang kapatid niya saka namaywang pang nagpakawala ng malalim na hininga. “Kailangan ko pa bang sabihin sayo ang dahilan?” madilim ang mukha siya nitong sinulyapan.
Nagyuko siya ng ulo saka malungkot na nagsalita. “K-Kaibigan ko kasi si JV kuya, kaya hindi ko gustong nakikitang galit ka sa kanya” totoo iyon maliban nalang sa salitang kaibigan na ginamit niya.
“Sige kung gusto mong malaman ang totoo sasabihin ko sayo” mayamaya ay malamig ang tinig na sagot ni Lloyd. “alam mong kilalang playboy ang lalaking iyon, at wala siyang sineseryosong babae. Lahat binobola niya at iniiwan kapag nakuha na niya ang gusto rito. Ngayon, wala ba akong dahilan para utusan kang layuan siya?”
“Hindi siya ganoon sakin” pagtatanggol niya sa binata na siya naman talagang totoo. “alam ko ang sinasabi mo, pero mabait siya sakin. Nirerespeto ako at iniingatan. At kaya alam kong mabait siya kasi pinaparamdam niya sakin, sa totoo lang kuya, magkapareho kayo” mababa ang tono ng boses niya niyang para maiparamdam niya kay Lloyd na totoo ang sinasabi niya.
“Hindi! Malaki ang pinagkaiba namin! Basta ayoko sa kanya, layuan mo siya kundi magkakaproblema tayong dalawa!” iyon lang at mabilis na itong tumalikod saka lumabas ng kanyang silid.
Nag-init ang mga mata niya pero sinikap niyang huwag umiyak at nagtagumpay siya doon. Alam niyang hindi lang iyon ang dahilan ni Lloyd, dahil ramdam niyang may personal itong galit kay JV. Dahil doon ay naramdaman niya ang tila kutsilyong humihiwa sa puso niya.
“I'M sorry, hindi ako nakapunta kahapon, si Kuya kasi eh” aniya kinabukasan nang sabay silang kumain ng lunch ng binata.
“Okay lang, naiintindihan ko naman ang kuya mo.”
“Huh? Ako kasi kahit kapatid ko siya hindi ko siya maintindihan. Masyado na siyang OA” totoo iyon lalo nang maalala niyang napasukan niya ang kapatid kagabi sa loob ng kwarto niya na animo'y may kung anong hinahanap.
Sigurado ako iyong diary ko ang pinupuntirya ni kuya kagabi.
“Di ba ang sabi niya kilala niya ako? Meaning alam niya ang background ko, iyon ang dahilan kung bakit ka niya pinaghihigpitan” paliwanag sa kanya ni JV.
“Ibig sabihin iniisip niyang lolokohin mo lang ako?” aniya kahit sinabi naman na ni Lloyd iyon sa kanyang kagabi.
Tumango si JV bilang pagsang-ayon. “Hayaan mo darating ang araw makikita rin niya ang totoo, at mapapaniwala ko rin siyang seryoso ako sayo” puno ng pag-asa ang tinig ni JV. Nang hindi siya magsalita ay muling nagpatuloy ang binata. “magiging maayos din ang lahat, maniwala ka lang” anito saka marahang pinisil ang kamay niya pagkuwan.
“Sana nga, pero kung ako ang tatanungin mo sana hindi nalang siya umuwi kasi kung umasta siya daig pa niya ang tatay namin. Nakakapikon, kahapon gusto ko talagang lapitan ka, ayoko kasi na nagmumukha kang tanga at napapahiya ka. Pero iyon parin ang nangyari kasi pinaghintay lang kita sa wala. Kaya naiinis talaga ako sa kanya” amin niya.
“Hey, huwag ganoon. Kapatid mo siya, alam mo nararamdaman kong may malalim siyang dahilan kung bakit niya nagagawa ang ganito. Hayaan mo minsan kakausapin ko siya” may katiyakang turan ng binata.
Hindi siya nagsalita at sa halip ay niyuko ang pagkain sa kanyang plato.
“Smile, namiss kaya kita. Tapos sisimangot ka lang?” at tuluyan na nga siyang napangiti.
“There, sige ganito nalang. Mamaya kapag hindi ka sinundo ng kuya mo manood tayo ng sine. Tutal maaga naman ang labas nating pareho di ba?” sa totoo lang parang gusto niyang maiyak sa sobrang pagkamaunawain nito.
Tumango siya, at sa kabila ng pagnanais niyang yakapin ng mahigpit ang binata ay nagpigil siya. May mga bagay na makapaghihintay naman siguro, gaya ng ginawa niyang paghihitay sa lalaking ngayon ay masayang nakangiti habang pinanonood siya sa kanyang pagkain.
![](https://img.wattpad.com/cover/130849151-288-k956143.jpg)
BINABASA MO ANG
THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (UNEDITED_TO BE PUBLISHED UNDER PHR) COMPLETED
RomanceCOMPLETED Sa kanilang apat siya ang talagang naniniwala sa magic at happy ending. Naniniwala rin siyang ang lahat ng nangyayari gaano man kasakit ay may magandang dahilan. At para kay JV ay si Vinnie iyon. Isang simple, mahinhin at mahiyaing babae...