LUNES ng hapon, kulang isang oras na siyang nakatambay sa loob ng Guildhall pero hindi parin dumarating si JV. Medyo gutom na siya dahil hindi pa siya nagmemeryenda. Dumiretsong uwi kasi si Hara nang maghiwalay sila kanina sa kagustuhang makapagpahinga agad. Ilang sandali pa nang mapagpasiyahan niyang mauna na sa binata. Itetext nalang niya itong sa canteen na sila magkita.
Malayo pa ay namataan na niyang nakatayo si Irene sa may entrada ng canteen. Nakatingin ito sa kanya at himala, maganda ang pagkakangiti.
“Hi” anito pa nang makalapit siya.
Takang pinakatitigan niya ang dalaga, at nang marahil mahulaan nito ang mensahe ng mga titig niya ay saka ito nagpaliwanag.
“P-Pwede ba tayong mag-usap?”
Pinagmasdan niya si Irene. “Para saan?” pormal niyang sagot.
“K-Kahit sandali lang?” paakiusap nito sa isang mababang tinig.
Noon nahati ang puso niya kung pauunlakan ba ito o hindi.“S-Sa susunod nalang Irene” iyon ang sa halip ay isinagot niya saka umakma nang papasok sa loob ng kainan pero natigilan siya nang maramdaman ang kamay ng dalaga sa braso niya.
“Please?” nagsusumamo ang tinig nitong turan. At nang magtama ang kanilang mga mata ay naramdaman niya ang kurot sa kanyang budhi dahilan kaya pumayag narin siya.
“Okay lang ba ikaw na ang pumila? Ako nalang ang kukuha ng table natin?” anito nang makapasok sila sa loob. Wala namang kaso sa kanya iyon kaya pumayag siya.
Hindi naman nagtagal at nakabili na siya ng pagkain at inumin para sa kanilang dalawa. Nakita niyang nasa mesang malapit sa may entrance ito nakapwesto pero hindi ito nag-iisa. May kasama na itong tatlo pa na sa tingin niya’y mga kaibigan ng dalaga. At isa pa, wala ng bakanteng pwesto para sa kanya, sa isiping iyon ay mabilis siyang kinabahan pero minabuti niyang huwag iyong pagtuunan ng pansin.
Tumayo si Irene nang makalapit siya. “Upo ka” sumunod naman siya kahit pa nagtataka sa ikinikilos nito. “hinihintay mo ba si JV?” tanong nito saka dinampot ang baso ng iced tea nito sa tray.
Nilingon niya ang dalagang kasalukuyang umiinom saka nginitian. “Oo” maikli pa niyang sagot.
“Hindi ba malabo iyang mga mata mo, bakit wala ka ng suot na glasses? Ayaw ni JV?” hindi niya sinagot ang tanong na iyon at sa halip sinimulan ang pagkain kahit hindi siya kumportable sa mga titig sa kanya ng mga kaibigan ni Irene. Pakiramdam niya para siyang kamatis na kinikilatis ng mga ito.
“Ano na nga pala ang pag-uusapan natin?” muli niyang nilingon si Irene habang hinahalo niya ang inorder na pansit.
Tumaas ang isang kilay ng dalaga. “Pag-uusapan ba kamo?”
Tumango siya saka ibinalik ang paningin sa hinahalong pagkain.
“Eto ang sinasabi kong pag-uusapan natin” kasabay ng sinabing iyon ni Irene ay naramdaman niya ang malamig na likido sa kanyang ulo pababa sa kanyang likuran. Napatili siya sabay tayo, habang ang mga kasama sa mesa at maging ang dalaga ay malakas at sabay-sabay na nagtawanan.
“Vinnie!” nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon ay mabilis na nag-init ang kanyang mga mata. At bago pa siya nakahuma ay malalaki ang mga hakbang na siyang nilapitan ni JV.
“J-JV” basag ang tinig niyang sambit saka mahigpit na yumakap sa binata.
“Are you okay?” nang itaas ni JV ang mukha niya saka tinuyo ang luhaan niyang mukha.
Tumango siya bagaman hindi parin maampat ang pagkawala ng kanyang mga luha dahil sa tindi ng kahihiyang nararamdaman.
“Ano sa tingin mo ang ginawa mo?” galit na hinarap ni JV si Irene ilang sandali pagkatapos.
“Tara na, hayaan mo na siya” aniyang hinawakan ang braso ng binata. Ang mukha ni Irene nang mga sandaling iyon ay parang binuhusan ng suka sa sobrang putla.
“JV, sandali lang pare” si Joey na kapapasok lang.
“Tumahimik ka muna sandali Joey” ang galit paring sinabi ni JV.
“I’m sorry, hindi ko naman talaga gustong gawin iyan” helpless na turan ng dalaga.
“Ikaw ang gumawa nito kay Vinnie?” ang hindi makapaniwalang bulalas ni Joey sa nobya nang mapagmasdan ang ayos niya.
Noon hinawakan ng mahigpit ni JV kamay niya. “I’m very disappointed in you! Lalo mo lang pinatunayan sakin na wala akong dapat panghinayangan sayo!” pagkasabi niyon ay saka na siya hinila ng binata palayo sa lugar na iyon.
BINABASA MO ANG
THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (UNEDITED_TO BE PUBLISHED UNDER PHR) COMPLETED
RomanceCOMPLETED Sa kanilang apat siya ang talagang naniniwala sa magic at happy ending. Naniniwala rin siyang ang lahat ng nangyayari gaano man kasakit ay may magandang dahilan. At para kay JV ay si Vinnie iyon. Isang simple, mahinhin at mahiyaing babae...