Part 20

1.1K 30 4
                                    

HINDI maipaliwanag ni JV ang uri ng damdaming dumamba sa dibdib niya nang matanawan ang isang pamilyar na bultong naglalakad sa malawak na parking space ng malaking simbahan ng San Jose.
Miss L!
Kahit yata sa malayo ay kayang-kaya niyang tukuyin ang dalaga. Siguro dahil kabisado niya kahit ang dulo ng buhok nito.
“Hello, kanina ka pa?” masarap ang kilabot na naramdaman niya sa pagkakarinig palang sa malamyos na tinig ng dalaga. Isama mo pa ang sandaling pagkakatulala niya nang makita ito ng malapitan.
“My god, you're gorgeous!” puno ng paghangang hindi niya napigilang sabihin matapos itong suyurin ng tingin mula ulo hanggang paa.
Simple lang ang suot nitong bestida na algae green ang kulay. Hindi iyon sleeveless, V-neckline at ang haba ay lampas ng kaunti sa tuhod ni Vinnie. Pero gaano man iyon kasimple, siguro dahil sa likas ang pang-akit na mayroon ang nagdadala ay lumabas na sophisticated ang suot ng dalaga.
Manipis na make-up at lipstick ang nakapahid sa mukha ni Vinnie. At ang maganda at itiman nitong buhok ay nakalugay lang at malayang nahihipan ng panggabing hangin. Dinadala ng hangin na iyon sa ilong niya ang sweet scent ng gamit nitong cologne na parang gustong magpawala ng katinuan niya. At sa kauna-unahang pagkakataon, wala itong suot na salamin. Kaya naman nang makalapit ito ng husto sa kanya. Gaano man kalamlam ang ilaw ay malaya niyang napagmasdan ang kakaibang kislap ng mga mata nito.
“Ang ganda mo, ang ganda-ganda mo” ulit niya sa tinig na puno ng paghanga nang makalipas ang ilang sandali ay tila siya natauhan.
“S-Salamat” nahihiyang sagot naman ni Vinnie.
“Parang ayoko ng dalhin ka sa party alam mo ba?” nang pareho na silang nasa loob ng kotse niya at kasalukuyan niyang ikinakabit ang seatbelt ng dalaga.
Simula kasi noong unang beses itong sumakay sa kotse niya at amining hindi ito marunong magkabit ng seatbelt ay siya na ang gumagawa niyon. Sa totoo lang simpleng bagay lang iyon kung tutuusin pero nakakatuwang isiping inaabangan niya iyon, every day.
“H-Ha?”
Hindi nalingid sa kanya ang takot na kalakip ng sinabing iyon ng dalaga. “Okay lang ba buong gabi tayo nalang ang sumayaw? Para hindi ka maisayaw ng iba?” totoo iyon sa loob niya.
Ayaw niyang may ibang makalapit kay Vinnie dahil ang totoo pa gusto niya itong ipagdamot sa iba. Kung pwede lang lalagyan niya ito ng helmet maitago lang ang mukha nito. O kaya tatatakan niya ito sa noo na taken na? Pwede ring iposas nalang niya ang kamay nito sa kanya para hindi na ito maagaw sa kanya.
NAPANGITI siya sa narinig.
“O, ba't ka nangingiti?” narinig niyang tanong ni JV.
Magkakasunod siyang umiling.
“Ah kinikilig ka kaya ka napapa-smile ano?” ngiting-ngiting ginulo pa ni JV ang buhok niya.
Marahas siyang napahugot ng hininga.
Paano niya nalaman na kinikilig ako? Ganoon ba ako ka-obvious?
“Oi hindi ah! Para napangiti lang ako kinikilig na agad?” pagsisinungaling niya.
Noon binuhay ni JV ang makina ng sasakyan. “Okay lang na kiligin ka basta ako ang dahilan, okay?” anitong kinurot pa siya ng bahagya sa pisngi ng may panggigigil.
Inirapan niya ito pero nakangiti.
Itatanong ko sana kung darating ba iyong nililigawan mo pero di bale nalang, ayokong masira ang gabi ko nang dahil sa kanya.
NAGTITILI si Hara nang lapitan niya ito para iabot ang regalo niya.
“Ikaw ba talaga iyan? Ang bongga ng beauty mo, sabi sayo mas maganda ka kapag walang suot na glasses eh” anitong nakangiting sinulyapan ang kapatid na si JV na nakamata lang sa kanila.
“Ikaw naman exaggerated kang masyado!” nahihiyang turan niya saka nginitian si JV na nakatayo sa tabi niya.
“Lika, ipapakilala kita sa Mama at Papa at pati narin kay Savana. Sayang nasa States kasi ang lolo Jose, but some other time makikilala mo rin siya. Hindi rin kasi siya dito sa amin nakatira eh” si Hara na hinawakan siya sa braso. Nilingon niya si JV na tinanguan lang siya.
“Kumusta ka hija? Napakaganda mo” compliment sa kanya ni Jovic.
“Of course Papa, bestfriend ko yata si Vinnie” may pagmamalaking patutsada pa ni Hara.
Nanatiling nakamata lang si Carmela kaya nakaramdam siya ng bahagyang pagkailang. “O hayan na pala ang mga Tita Mayen mo.”
Parang isang tao nilang nilingon ang tinitingnan nito. At sa pagkakakita niya kay Irene ay madali niyang naramdaman ang galit para rito. Bakit nga hindi gayong ito ang kauna-unahang taong nagmura sa kanya.
“Hello Tita” ang bati nito sa nakangiting si Carmela na hinalikan pa nito sa pisngi.
Nakita niya ang matalim na sulyap na ipinukol sa kanya ni Irene pero minabuti niyang huwag na itong patulan. Iniwasan nalang niya itong tingnan kahit nang ipakilala siya ni Hara sa ina nitong si Mayen na sa kalaunan ay napag-alaman niyang matalik na kaibigan pala ni Carmela.
Kaya naman pala malakas ang loob niyang ipaglaban si JV, kasi may backer. Malungkot niyang naisip. Ang hirap naman ng ganito JV, bukod sa alam kong malabo mo akong magustuhan kasi nga may iba ka ng nililigawan. Sigurado pa akong hindi ako magugustuhan ng Mama mo para sayo. Kasi kung sa gandang pisikal at katayuan sa buhay, si Irene na ang panalo.

THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (UNEDITED_TO BE PUBLISHED UNDER PHR) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon