Chai General Hospital
"HINDI nakulong si Caithlyn sa pamamaril sa 'yo dahil napatunayang may psychological disorder siya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi na normal ang obsession niya kay Primo. Matagal na palang alam ng mga magulang niya na may problema siya sa pag-iisip pero inilihim nila upang protektahan ang reputasyon ng pamilya. Pero sa ngayon, kasalukuyan nang naka-confine si Caithlyn sa isang mental hospital kung saan matutulungan ang mga tulad niyang may problema sa pag-iisip. Inayos na rin ni Lord Primo ang lahat para tumahimik ang media tungkol sa nangyari."
"Si Primo, kumusta siya?" agad na tanong ni Pearl kay Arrow na nagbalita sa kanya tungkol sa nangyari kay Caithlyn. Maayos na ang kalagayan niya. Dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang operahan siya at tanggalin ang bala sa kanyang dibdib. Mabuti na lang at hindi tumama sa puso niya ang bala kaya nakaligtas siya. Ngayon ay nagpapahinga na lang siya upang tuluyang makabawi ng lakas.
Pero marami siyang ipinagtataka. Una, hindi siya sa ospital ni Sley naka-confine. Madalas naman ay doon siya dinadala ng kanyang pamilya upang magpagamot. Pangalawa, ni anino ni Primo at mga kaibigan nito ay hindi niya nakita. At pangatlo, bantay-sarado siya ng mga pinsan niya.
"Ate PJ..." Bumuga ng hangin si Arrow. "Mabuti naman si Lord Primo."
"Arrow," nagbabantang sabi ni Pearl. "Alam kong may hindi tamang nangyayari dito. Sabihin mo sa 'kin. Nasaan si Primo?"
"Hayaan mong ako ang magpaliwanag."
Sabay silang napatingin ni Arrow sa pinto ng private room sa ospital na iyon. It was her father!
"Papa, ano ba talaga ang nangyayari?" naiinip na tanong ni Pearl.
Sinenyasan ng kanyang ama na umalis muna si Arrow. Nang mapag-isa na lang sila ng ama ay umupo ito sa gilid ng kama, hinawakan ang kanyang kamay. "Anak, mula ngayon, pinuputol na ng angkan natin ang ugnayan natin sa mga Velaroso."
Napasinghap si Pearl sa labis na pagkagulat. "Sa anong dahilan, Papa?"
"Dahil sa sumpa na iginawad ng angkan natin sa angkan ng mga Velaroso."
Kumunot ang noo niya. "Hindi ko maintindihan, Papa. Please naman. Ipaliwanag n'yo sa 'kin ang nangyayari!"
Tumango-tango ang kanyang ama. "Ang angkan ng Lola Pearla Jacinta natin ang naggawad ng sumpa sa pamilya Velaroso isandaang taon na ang nakalilipas. Malakas pa ang kapangyarihan ng sumpa, itim na mahika at pangkukulam noong unang panahon. Isinumpa ng mga Amable na hindi kailanman liligaya ang unang lalaking anak na isisilang sa pamilya Velaroso.
"Pero ang mga sumpa ay tulad ng mga lason—may lunas. Ako at ang ama ni Primo Mikaelo Velaroso, bago siya mamatay, ay naghanap ng puputol ng sumpa sa pamilya nila. Ginamit ni Lord Patrick ang impluwensiya at kayamanan niya para ipahanap ang mga sumunod na henerasyon ng Amable na sumunod kay Lola Jacinta—na mga anak ng mga pinsan niya.
"Naisip kasi naming maaaring may alam ang mga Amable tungkol sa sumpa. Hindi nga kami nagkamali. Nang matunton namin ang ikaapat na henerasyon ng Amable, nalaman naming may sulat palang ipinamamana sa bawat henerasyon ng mga Amable. The current generation doesn't believe in the curse, at lalong hindi nila isinisisi sa Velaroso ang kanilang paghihirap. Kaya walang-pag-aatubiling ibinigay nila sa amin ang sulat na 'yon."
Napalunok si Pearl. Hindi niya akalaing ganoon pala kabigat ang sumpa. At totoo iyon. "A-ano ang nakasaad sa sulat, 'Pa?"
"Isinulat ng mga naggawad ng sumpa sa pamilya Velaroso ang bagay na makakaputol sa sumpa."
Nabuhayan siya ng loob. "Ano ang makakaputol sa sumpa?"
Pain flashed across his father's eyes. Iniabot sa kanya ang isang lumang sulat.
Nanginginig ang mga kamay na kinuha iyon ni Pearl. At pakiramdam niya, tinakasan siya ng lakas sa kanyang nabasa:
The Velaroso family will only be freed from the curse if—and only if—a woman with Amable blood running through her veins will sacrifice her life for a Velaroso clan head. The only thing that connects the two families must be destroyed...
Binundol ng matinding kaba ang dibdib niya. Apo siya ni Pearla Jacinta Amable kaya nananalaytay pa rin sa kanya ang dugo ng mga Amable, gaano man iyon kaliit.
"No'ng una, binale-wala namin ni Lord Patrick ang sulat na 'yan dahil hindi kami naniniwalang kailangang may magsakripisyo ng buhay para lang maputol ang isang sumpa," pagpapatuloy ng kanyang ama. "Pero nang mabaril ka, anak, naisip kong baka nga totoong iyon ang puputol sa sumpa. Sa apat na henerasyong lumipas, ikaw lang ang isinilang na unang anak na babae. Maaaring ikaw ang sinasabi sa sulat na kinakailangang magsakripisyo ng buhay para sa mga Velaroso."
That thought was scary, yes. Pero mas nangingibabaw pa rin ang pagmamahal niya para kay Primo. "Papa, pinalaki mo ako na nakahandang protektahan si Primo. I'm willing to die for him."
"Tumigil ka!" galit na sigaw ng kanyang ama, pero mas nangibabaw ang takot sa boses. "Ang tungkulin mo ay protektahan lang siya, pero hindi kasama sa tungkulin mo ang mamatay para sa kanya! Anak naman! Nang mawala ang mama mo, ikaw na lang ang natira sa 'kin. Hindi ako papayag na pati ikaw ay mawala sa 'kin."
Agad nagprotesta ang kalooban ni Pearl. "Pero, Papa! Mahal ko si Primo!"
"Kalimutan mo na ang pagmamahal na 'yan. Hindi kayo ang nakalaan para sa isa't isa." Tumayo na ang kanyang ama at tinalikuran siya. "Sa isang araw ay ipapadala kita sa Cagayan de Oro. Do'n ka na maninirahan kasama ang mga pinsan mo."
Napasinghap si Pearl. Doon nakatira ang kanilang buong angkan—na mga detective at agent! Kapag ang mga kamag-anak ang nagbantay sa kanya, tiyak na hindi siya makakatakas. At kahit si Primo na makapangyarihan ay walang magagawa kapag nagsama-sama na ang miyembro ng kanyang pamilya.
"Sundin mo na lang ako, anak. Gaya ng pagsunod ni Primo Mikaelo Velaroso sa 'kin dahil alam niya kung ano ang mas makabubuti para sa 'yo matapos niyang marinig ang tungkol sa puputol ng sumpa sa angkan niya."
Kakaibang takot ang lumukob sa kanyang sistema. "A-ano ho'ng ibig n'yong sabihin?"
Marahan itong umiling-iling. "Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit kahit may kakayahan siya at ang mga kaibigan niyang nagmula sa mga prominenteng pamilya na puwersahin ang pagpasok dito sa ospital para makita ka, ay hindi niya ginawa?"
Pearl froze. The realization came like a pail of ice-cold water poured over her head.
He gave up on me so I would stay alive!
BINABASA MO ANG
Luna Ville Series 4: Beautiful Velaroso Curse (COMPLETE)
Romance"Isa lang naman ang pangarap ko: ang maging pangarap mo." [PUBLISHED 2015 under Precious Pages] Asar na asar si Pearl nang lait-laitin siya ni Charly-ang ex-girlfriend ng crush niyang si Crey. Sinabihan siya ni Charly na hindi siya magugustuhan ni C...