MATINDI ang konsentrasyon ni Pearl habang binabasa ang magazine na binili niya kanina sa bookstore. Linggo ngayon at kapag ganitong araw ay hinahayaan siya ni Primo na mag-day off. Madalas naman kasi ay nasa Luna Ville lang ang lalaki kapag weekend.
Kaya heto siya ngayon sa condominium unit niya at nagre-"research" pa rin para maging feminine. Naiisip na rin niyang mag-shopping ng mga bagong damit ngayong araw.
"Wow. Ang ganda naman ni Suri Ramirez," komento ni Pearl habang nakatitig sa mukha ng modelo sa magazine na binabasa. Dumako ang tingin niya sa mapupulang labi ng modelo. Cosmetics kasi ang ineendorso nito sa babasahin.
Hmm... may lipstick yata ako diyan na iniregalo sa 'kin ni Umi.
Hinahanap niya sa drawer ang lipstick nang tumunog ang kanyang cell phone. Sinagot niya iyon nang hindi tinitingnan kung sino ang tumatawag. "Pearl Joy Hermosa speaking."
"Hello, my lovely Pearl!" masiglang bati ni Primo sa kabilang linya.
"Yes, what is it, my lord?"
"Nandito ako sa ospital, at ang sabi ng doktor, malala raw ang kalagayan ko."
Humigpit ang pagkakahawak niya sa telepono sa labis na pag-aalala. "Lord Primo, ano'ng ibig mong sabihin?"
Narinig niya itong nagpakawala ng buntong-hininga. "May dalawang paraan na lang para gumaling ako. And it's either ICU or U C me."
Ilang segundong napakurap-kurap lang si Pearl habang ipinoproseso sa utak ang mga sinabi ni Primo. Nang marinig niyang tumawa nang malakas ang lalaki ay saka lang niya naintindihan na ginamitan pala siya ng "pick-up line."
Walanghiyang lalaki 'to! Napaka-corny! Ang sarap gilitan!
"Ibababa ko na, milord."
"No!" pigil ni Primo. "Sorry na. Importante 'tong sasabihin ko. Alam kong day off mo ngayon, pero puwede mo ba 'kong puntahan dito sa Red Lux? Si Melou kasi, iniistorbo ang date ko," pakiusap nito sa malambing na boses. "Pretty please, Miss?"
Natigilan si Pearl habang nakikinig sa paglalambing ni Primo. He didn't have to ask, he just needed to order her. Silang mga Hermosa ay apat na herenasyon nang nagsisilbi sa mga Velaroso, at sa bawat henerasyon, ang panganay na anak sa angkan ang naaatasang maging tagaprotekta sa head ng Velaroso clan.
Her father had served Patrick Michael Velaroso—Primo's father—before the latter died. At ngayon, bilang panganay na anak ng kanyang ama na panganay rin sa henerasyon nito, she had inherited the post of being Primo's bodyguard.
Pride ng mga unang anak sa bawat henerasyon ng mga Hermosa ang maging tagapagbantay ng head ng Velaroso clan. Sa pagkakaalam niya, malaki ang utang-na-loob ng pamilya nila sa angkan ni Primo kaya ganoon na lang ang tibay ng samahan ng dalawang pamilya.
Alam ni Pearl na ipinagmamalaki siya ng mga magulang niya na maipagpatuloy ang tradisyon ng kanilang pamilya kaya ganoon kaimportante sa kanya ang trabaho niya. It gratified her to be her beloved parents' pride. It was her pride to serve Primo.
Kaya kung uutusan siya ni Primo na pumunta sa kung saan kahit nasa kalagitnaan siya ng pagtulog, susunod siya. Pero ni minsan ay hindi siya pinilit ng lalaki na gumawa ng isang bagay na alam nitong labag sa kanyang kalooban. He always asked, and never commanded. Iyon ang dahilan kung bakit kahit madalas ay nakakairita si Primo dahil sa pagiging sobrang babaero ay mataas pa rin ang paggalang niya rito. And that was how she had managed to stay and serve him for twelve, long years.
Bahagyang tumaas ang sulok ng kanyang mga labi. "Okay. Papunta na 'ko."
"Thank you, Pearl! I love—"
Hindi na niya pinatapos ang sinasabi ni Primo at pinutol na niya ang linya.
Natigilan siya nang pagbukas niya ng drawer ay sumalubong sa kanya ang framed picture ni Crey noong nasa high school pa sila. Sa larawan, natutulog si Crey habang nakasandal sa katawan ng puno. He looked so serene and so handsome in the photograph.
Napangiti si Pearl. "Boss Crey, malapit na uli kitang makita."
Mayamaya lang ay naging malungkot ang kanyang ngiti. Bigla kasing pumasok sa isip niya ang napakalungkot na mukha ni Crey bago umalis ng Pilipinas. Noon lang siya nakakita ng mga matang umiiyak kahit walang mga luha. He had gone away and left them, and had to bear the pain of his past all by himself. She knew. They all knew.
Dumaan sa isip niya ang galit na galit na pagsigaw ni Crey noon habang nasa isang bodega sila.
Marahas niyang ipinilig ang ulo para mabura ang alaalang iyon sa kanyang isip. Wala siyang nagawa noon para kay Crey. Kaya ngayon, kahit kaunti lang, gusto niyang mapasaya ang lalaki. Alam niyang wala siyang kakayahang gawin iyon, pero nais pa rin niyang subukan.
BINABASA MO ANG
Luna Ville Series 4: Beautiful Velaroso Curse (COMPLETE)
Romansa"Isa lang naman ang pangarap ko: ang maging pangarap mo." [PUBLISHED 2015 under Precious Pages] Asar na asar si Pearl nang lait-laitin siya ni Charly-ang ex-girlfriend ng crush niyang si Crey. Sinabihan siya ni Charly na hindi siya magugustuhan ni C...