"'WAG ISIPING ako'y nagbibiro lamang. At 'wag sabihing ako'y nagyayabang lamang. Pero 'di ko na inakala na ang isang tulad mo ay iibig sa isang tulad ko. Akala ko, hanggang panaginip na lang."
Hindi mapigilan ni Pearl ang pagtawa habang pinapanood ang pagkanta ng mag-amang Primo at Pressman ng "Pinakamagandang Lalaki" ni Janno Gibbs. Pareho pang naka-sunglasses ang dalawa at ginawang mikropono ang malaking lollipop.
Nasa hardin sila ng mansiyon ng mga Velaroso at gumagawa sana ng playground doon para kay Pressman. Pero ang lokong magtatay, bigla na lang kumanta.
"Ako na yata ang pinakamagandang lalaki sa mundo. Sa piling mo 'pag kasama kita, ang nadarama... Ako na yata ang pinakamagandang lalaki sa mundo. Yeah, yeah..."
Binato ni Pearl si Primo ng nilamukos na tissue. "Tapos na ang breaktime! Tapusin na natin 'tong playground." Iniabot niya ang lagari sa lalaki. "Maglagari ka pa ng kahoy para sa swing."
"Alam mo, Pearl, mas bagay kang amo," kunot-noong reklamo ni Primo.
"B-bakit?" Masyado na ba akong bossy?
Bigla itong ngumisi. "Inaalila mo kasi ang puso ko, eh."
Naramdaman ni Pearl ang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi. Hayan na naman ang pamatay na pick-up lines ng lalaking ito! "P-Primo! Naririnig ka ng bata!"
Tinakpan ni Pressman ang mga tainga. "Wala po akong naririnig." Pagkatapos ay nakipag-high-five pa sa magaling na ama.
"Kayo talaga!" reklamo na lang ni Pearl.
Tatawa-tawang ipinulupot ni Primo ang mga braso sa baywang ni Pearl. "Katulad ng kanta, ang nararamdaman ko 'pag magkasama tayo ay ako na ang pinakamagandang lalaki. I may not have the best smile." Ngumiti ang lalaki at itinaas ang shades sa ulo. "The best hair." Ginulo ang sariling buhok. "The best body." Tinapik-tapik pa ang abs na kahit natatakpan ng T-shirt ay alam niyang naroon. "But..." Bigla itong napaisip. "Joke lang! I have them all!"
Pabirong hinampas ni Pearl sa dibdib si Primo. "'Yabang!"
He just smiled. Bumaba ang mukha sa kanya para sana halikan siya pero itinulak niya ito palayo. "Ouch!"
Pinandilatan niya ng mga mata ang lalaki. "Nakikita tayo ni Pressman."
Kinarga ni Primo si Pressman. "Son, may nakikita ka ba?"
Pressman laughed and closed his eyes. "Wala po, Daddy!"
Nakangising bumaling si Primo kay Pearl. "Hindi naman nakatingin ang anak natin, eh. Mommy, kiss mo na si Daddy, please?" paglalambing pa nito na parang isang bata.
Natunaw ang puso ni Pearl nang sabihin ni Primo na anak nila si Pressman, kahit hindi naman siya ang tunay na ina ng bata. Sa sobrang tuwa ay kinintalan niya si Primo ng mabilis na halik sa mga labi.
Nagulat ang lalaki, pero agad ding ngumisi. "Ang bilis naman n'on. Isa pa."
"Hmp! Tapusin mo muna 'yang swing."
May kung sinong tumikhim. Sabay silang napalingon kay Sley, seryoso at may hawak pang brown envelope.
"My lord... I have the results we've been all waiting for," seryosong anunsiyo ni Sley.
"Manang Loisa," tawag ni Primo. Nang lumabas ang matanda ay ibinigay rito ni Primo si Pressman. "Ipasok n'yo na ho muna si Pressman sa bahay. Baby, mag-rest ka muna, ha?"
"Yes, Daddy." And the two went back inside the house.
"Salamat sa pagdadala ng resulta, Sley," sabi ni Primo, saka kinuha ang envelope kay Sley.
Napalunok si Pearl. Kinakabahan siya sa magiging resulta ng DNA nina Primo at Pressman. Umaasa siyang positibo iyon dahil nakita niya kung paano nagkalapit ang loob ng mag-ama. And she knew Primo would be devastated if the result was negative.
Primo slowly opened the envelope. Ilang segundo lang ay parang pinagbagsakan ng langit at lupa ang hitsura ng lalaki. "No... this can't be..." hindi makapaniwalang sambit nito.
"I can't believe it, either. But it was my father who conducted the test. Hindi mo anak si Pressman, Lord Primo," malungkot na sabi ni Sley.
"No!" sigaw ni Primo, pinunit ang papel sa labis na galit. "Hindi totoo 'to!"
Naramdaman na lang ni Pearl ang pagpatak ng kanyang mga luha nang makita ang matinding sakit sa mukha ni Primo. And his heartbreaking cry wrenched her heart. She wanted to comfort him. Nang akmang lalapitan na niya ang lalaki ay bigla namang tumunog ang kanyang cell phone. Hindi na sana niya sasagutin pero nakita niyang si Sword ang tumatawag. "Sword. Ano'ng balita?"
"We've found her. We've found Leandra Sanchez, the child's mother."
BINABASA MO ANG
Luna Ville Series 4: Beautiful Velaroso Curse (COMPLETE)
Storie d'amore"Isa lang naman ang pangarap ko: ang maging pangarap mo." [PUBLISHED 2015 under Precious Pages] Asar na asar si Pearl nang lait-laitin siya ni Charly-ang ex-girlfriend ng crush niyang si Crey. Sinabihan siya ni Charly na hindi siya magugustuhan ni C...