"Okay, very good!" puri ni Boss Vito, ang may ari ng VT Entertainment kung saan ako nabibilang. Talent ako ng VT Entertainment. Leader din ng Lucky Cards, ang grupo na naka-schedule na para mag-debut. Limang taon din ang ginugol namin para marating ang araw na ito.
Sa ngayon ay katatapos pa lang ng rehearsal namin at nagustuhan iyon ni Boss Vito, pero ako, parang hindi pa ako kontento. Para kasing may kulang pa. Hindi ko lang masabi kung sa dance step ba namin o sa kanta na ginawa ko?
"Maganda ang ipinakita n'yo kaya sige na puwede na kayong umuwi at magpahinga!" dagdag pa ni Boss Vito bago ito umalis. Kasunod na niyang nagsilabasan ang mga dance at voice trainor namin.
Naiwan ako na nakatayo sa gitna ng studio. Napapaisip pa talaga ako. Ano pa bang kulang sa peformance namin? Ah! Napabuntong hininga ako. Ganito lang talaga siguro ang pakiramdam ng isang leader o marahil kaya ganito ako ay dahil malapit nang marinig ng mga tao ang kanta na ako mismo ang sumulat.
"Daren, hindi ba tayo kakain? Gutom na ko," biglang sabi ni Yuan. Isa siya sa mga kagrupo ko. Kasalukuyan siyang nakaupo sa mahabang sofa na narito sa gilid ng studio. Siya ang pinakabata sa amin. Sixteen. Laging nakatirik ang buhok niya dahil gusto niya raw magmukhang anime dahil iyon daw ang hilig ng crush niya.
"Kung nagugutom ka, bumili ka ng pangkain,"sabi ni Jao, ang isa pa naming kagrupo na katabi niyang nakaupo sa sofa. Nauna ako kay Jao maging trainee, pero sa tingin ko ay mas marami siyang magiging fans dahil mas may itsura siya. Pinakamatangkad din siya sa amin.
"Aaaa... Jao! Wala na kong allowance," pagmamaktol ni Yuan. Tumayo ito at tumingin sa isa pa naming kasama na si Z. "Z!"
Nasa isang sulok si Z at nagbabasa ng pyesa namin. Singkit siya at lalo pang lumiliit ang mata habang nakatingin sa binabasa.
"Pahiram ng pera, Z!" sigaw ni Yuan.
"Ha?" Napatingin si Z kay Yuan. "Bakit sa akin ka nanghihiram? Kay Percy ka manghiram." Inginuso ni Z si Percy na nag-pu-push up sa sahig.
Mas bata sa akin ng isang taon si Z. Si Percy naman ay kaedad lang namin ni Jao. Eighteen. Si Percy ang pinakamaliit sa amin, pero sa palagay ko ay pinakamagaling pagdating sa pagsasayaw.
Huminto sa ginagawa niya si Percy. "Bakit sa akin kayo manghihingi? Wala na rin akong pera!" sabi nito.
Napasimangot si Yuan bago muling tumingin kay Jao.
"Huwag ka na lang kumain!" sabi agad ni Jao.
"Daren!"
Ako naman ang pinagbalingan niya. Sabi ko na nga ba.
"Wala na rin akong budget," mahinahon kong sambit.
Hindi rin kasi talaga biro ang pagiging trainee. Magastos talaga. Alam ko na aware naman doon ang mga ka-grupo ko na sina Z, Percy, Jao at maging si Yuan, alam niya iyon.
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.