Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Kanina pa nag aalarm ang cellphone ko pero hindi pa rin ako bumabangon. Napuyat kasi ako kagabi sa di malamang kadahilanan kaya antok na antok pa ako. Pero marami pa akong gagawin kaya no choice ako kundi ang gumising na.
Tiningnan ko ang cellphone ko. May 2 messages received. Halos manlaki ang mga mata ko nang mabasa ko ang nakalagay sa text message.
"Kim. Namiss kita."
"Si Daren 'to."
Si Daren? H-Hindi nga. Si Daren Benjamin ba talaga ito? As in si Black Spade ng Lucky Cards? Parang napakaimposible naman ata na magtext siya ng ganito. Isa pa paano niya nalaman ang number ko?
"Kim, hindi ka pa ba gising?" Kinatok na ako ni Mira kaya tumayo na ako at lumabas ng kuwarto.
"Mira."
"Anong nangyari? Bakit late ka nang nagising ngayon?"
"Oo. Napahaba ang tulog ko," napakamot na lang ako ng ulo.
"Nagtext si Paola. Pupunta raw siya rito."
"Talaga?"
Biglang may nagdoorbell.
"Speaking of the devil." Napangiti si Mira dahil sakto ang pagdating ni Paola.
***
"What? Nagkita uli kayo ng ex mo?"
Iyon ang tanong ni Paola pagkatapos kong mabanggit na nagkita kami ng ex ko. Oo, ikinuwento ko ang tungkol kay Daren sa kanila, pero hindi ko naman nabanggit na si Daren iyon ng Lucky Cards.
"Tinetext ka ba niya ulit? Gusto niya bang makipagbalikan?" kompirma ni Paola.
"Hindi ko alam," matipid kong sagot.
"Kung makikipagbalikan siya, huwag na lang. Lalo na ngayon na super sikat na siya. Siguradong lolokohin ka lang niya ulit."
Bigla akong natigilan sa sinabi ni Paola. "Paano mo..?"
Paano niya nalaman na sikat ang ex ko? Don't tell me alam niya na si Black Spade iyon? Nasabi ko ba iyon sa kanya?
"Kaibigan mo kami kaya natural lang na alam namin kung sino ang ex mo," biglang sabi ni Mira.
"Kilala ko si Yuan kaya nalaman ko," bunyag ni Paola. "Matagal na naming alam," dagdag niya pa.
"Kung gayon..." Napatingin ako kay Mira. "Kaya mo ba ako isinama sa shooting mo ay dahil alam mo na puwede kaming magkita?"
"Hindi na iyon mahalaga. Ang importante ngayon ay narealize na ni Black Spade ang feelings niya para sayo. Bigyan mo na lang siya ng chance," sabi ni Mira.
"Anong bigyan ng chance. Huwag mong gagawin 'yon Kimberly!" Kumontra si Paola.
At nagsimula na naman sila ni Mira na magpalitan ng magkaibang kuro kuro.
Lalo tuloy akong naguluhan.
Hanggang sa training nga namin sa Entertainment ay napapaisip pa rin ako.
Lalo na akong napaisip nang muli kong makita si Daren sa tindahan ko that night.
Oo, bumalik siya para kumain ulit.
"Hindi mo sinagot ang text ko," bungad niya.
"Eh, kasi..."
"Tumatawag din ako pero hindi ka nasagot."
Talaga, tumatawag pala siya? Hindi ko alam. Hindi ko pa kasi ulit na-checheck ang phone ko.
"Busy ka ba? Ano bang mga pinagkakaabalahan mo ngayon?"
"Ah. Itong business ko at saka ang pagiging trainee."
"Trainee?" Parang nagulat siya.
"Bahagi na uli ako ngayon ng isang Entertainment company. Gusto ko na kasing ipagpatuloy ang pagkanta."
"Talaga? Mabuti naman kung ganon." Napangiti si Daren bago ipinagpatuloy ang pagkain niya ng ramen na tinda ko.
"Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko dahil kahit tapos nang kumain ay nakaupo pa rin si Daren sa isang sulok. " Magsasara na ko," sabi ko pa.
"Ihahatid na kita. May dala akong sasakyan."
"Huwag na!" tanggi ko agad, pero mukhang desidido si Daren. Tinulungan niya pa akong magsara ng tindahan.
"Hindi ka ba natatakot na may makakita sayo? Baka bigla kang pagkaguluhan dito," sabi ko habang naglalakad kami papunta sa pinagpark-an niya ng sasakyan niya.
Ngiti lang naman ang isinagot niya sa akin hanggang sa marating na nga namin ang sasakyan niya.
"Saan ka pala nakatira?" tanong ni Daren.
"Nakikitira ako sa kaibigan ko ngayon. Iyong model na kasama n'yo sa MV. Ituturo ko na lang sayo ang daan."
"Ok." Nagsimula nang mag-drive si Daren.
Habang nasa daan, napapansin ko na sumusulyap siya sa akin, pero patay malisya na lang ako. Hanggang sa makarating na nga kami sa condominium.
"Dito na ako. Salamat." Nagmadali na ako sa pagbaba sa kotse niya.
Mabuti na lang nga at hindi na siya bumaba. Siguro part na rin ng pag-iingat niya para walang makakita sa kanya.
Hindi pa man ako nakakapasok ng bahay ay bigla nang tumunog ang cellphone ko. May text galing kay Daren.
"Good night."
Kinaumagahan, may bumungad na namang text message sa akin galing sa kanya.
"Good morning. Puwede ba kitang tawagan?"
Bakit naman siya tatawag?
Huminga muna ako nang malalim bago nagreply.
"Ok."
Bigla na nga siyang tumawag.
"Kumusta ang tulog mo?"
"Okey lang ako."
"May gagawin ka ba ngayon?"
"Bakit mo tinatanong?"
"Day off ko kasi ngayon. Wala ako masyadong gagawin kaya gusto sana kitang ayain lumabas."
"Lumabas?"
"Hindi ba puwede?"
Ah...
Paano ko ba sasagutin ang tanong na ito ni Daren?
Mahabang katahimikan.
"Kim, nandyan ka pa ba?"
"Daren, bakit mo ba ito ginagawa? I mean bakit ang bait mo uli sa akin? Niyayaya ko pa akong lumabas? Ano bang plano mo?"
"Hindi pa ba halata? Gusto kitang ligawan."
"Ano?"
"So, puwede ba tayong lumabas? Dadaanan kita mamaya."
Hindi agad ako nakasagot. Ano ba kasing dapat kong isagot?
"Kim?"
"Itetext na lang kita kung puwede ako. Sige. Ibababa ko na."
Muli akong humiga sa kama at tinakpan ng unan ang mukha ko.
Gusto akong ligawan ni Daren? Bakit? Para lokohin ulit? Pagkakatiwalaan ko ba siya? Ano bang gagawin ko?