Nakilala
Isinulat ni:
Blazeglaze (Emman LC)
→★°★←
Kakakilala lang natin pero close ka na agad sa akin,
Maaaring ako 'yung taong masaya kung iyong aakalain.
Siguro para sa'yo ay masaya ka na ako'y nakilala mo,
Ako rin nama'y may halong sabik nang ikaw ay makilala ko.
Halos gabi-gabi mo akong kinakamusta kung ako ba'y masaya,
At minsa'y sinasabing "oo" na sa totoo lang ay may kaunting pangamba.
Iniisip ko kung dapat ba na nakilala kita,
Sa social media lang naman kasi kita unang nakilala.
Sa bawat mensahe mo ay may galak at tuwa akong nararamdaman,
Ngunit habang tumatagal ay pakiramdam ko'y ika'y niloloko ko lang.
Hindi ko alam kung totoo ba ang iyong nararamdaman,
Dahil ayaw kong umasa ka at baka ika'y aking masaktan.
Marami ka na agad na nalaman tungkol sa akin,
Samantalang ako sa'yo ay may pag-aalinlangan pa rin.
Hindi ko ginusto na mangyari ang ganito,
Dahil kaibigan lang naman ang turing ko sa iyo.
Sana maunawaan mo na una pa lang ay sinabihan na kita,
Na kaya ako nakipagkilala ay gusto kong maging kaibigan ka.
Pero bakit umabot ang sitwasyon natin sa ganito?
Natatakot ako at 'di sigurado sa kung anong sasabihin ko.
Hindi ko alam kung paano ko ipapaalam sa'yo,
Natatakot ako dahil alam kong ika'y sa aki'y nagkakagusto.
Ayaw kong masira ang ating pagkakaibigan,
Pero kasalanan ko rin naman kung bakit ka nagkakaganyan.
Tinatanong ko tuloy kung dapat bang nakilala kita,
Siguro kung hindi ay parehas tayong magiging masaya.
Kung pwede lang sana na ibalik ko ang panahon,
'Yung panahong nagkamali ako sa aking naging desisyon.
→★°★←
Nakilala
→★°★←
BINABASA MO ANG
Tulang May Kuwento
PoetrySa bawat kuwentong aking nababasa, Ay may hatid na kakaibang hiwaga. Maaaring malayo ito sa katotohanan, Ngunit maraming aral ang nilalaman. --- Orihinal na gawa ni: Blazeglaze (Emman LC) Petsa nang umpisahan: Ika-dalawampu't lima ng Agosto, taong d...
