TMK21: Pagitan

23 5 0
                                    

Pagitan

Isinulat ni:
Blazeglaze (Emman LC)

→★°★←

Simula't una, sila ang una kong naging kasama,
Ngunit hindi inaasahan nang ako'y mahiwalay sa kanila.
Binalot ng lungkot at pagtatampo ang aking nadama,
Na ako'y tila bumalik sa umpisa kung kailan ako nag-iisa.

Lumipas ang buwang hindi ko sila nakasama,
Mga kulitan at tawanan nila'y ako'y nangungulila.
Ngunit habang ako'y nagmumukmok at nag-iisa,
Bigla kayong dumating at sa aki'y nagpakilala.

Naging malapit ako sa inyo bilang mga bago kong kaibigan,
Habang pangungulila't pagtatampo ko sa kanila'y aking nakalimutan.
Naging masaya ako dahil nakilala ko kayo,
Na inalis ninyo sa isip ko na nag-iisa ako.

Sa loob ng dalawang buwan ay nasanay ako na kasama kayo,
Yung kayo parati ang hinahanap ko't pinipiling kasama ko.
Magkasabay na binibili ang paborito kong tinapay bilang tanghalian,
Habang magkasamang nang-aasaran at nagtatawanan.

Parati kayong nariyan kung ako man ay may kailangan,
Magkasamang nagtutulungan kung may isa mang nahihirapan.
Sabay-sabay na papasa habang patuloy na lumalaban,
Walang sinuman ang susuko, walang maiiwan.

Sa pagtatapos ng semestre ay naging masaya ako,
Puno man ng paghihirap ay nakayanan ko dahil sa inyo.
Magkahalong saya't pananabik dahil sila'y muli kong makakasama,
Kasabay ay lungkot dahil sa inyo ay ako'y aalis na.

Patawad kung kailangan ko kayong iwan,
Na kailangan niyong maramdaman ang aking naramdaman.
Na tila ako'y hangin lang na sa inyo ay dumaan,
Panandaliang saya sa maikling panahon lamang.

Ngunit nang ako'y makabalik kasama ang dating barkada,
Ako'y nanibago na tila hindi ko na sila kilala.
Masaya silang nagkukwentuhan at nagtatawanan,
Habang ako'y nahihiya na tila napag-iwanan.

Sa loob ng limang buwang nahiwalay ako sa kanila,
Ramdam ko ang pagiging hindi parte sa grupo nila.
Marahil ay sa umpisa lamang ang pakiramdam na ito,
Ngunit sa totoo lang ay ako'y nangungulila na sa inyo.

Hindi ko alam kung ako ba'y nagsisisi,
Na kailangan ko kayong iwan para sa kanila'y makabalik muli.
Hindi ko na dama ang saya kasama sila tulad ng dati,
Tila ako'y naiwan sa pagitan ninyo na nag-iisang muli.

→★°★←

Pagitan

→★°★←

Tulang May KuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon