DAHAN-DAHANG umupo si Marian sa tabi ni Mrs. Ramona Lopez na tahimik na nakaupo sa upuan sa hallway ng ospital. Tulala lang ito. Si Mrs. Lopez ang may-ari ng malaking grocery store sa kabilang kanto. May limang branches ang grocery nito sa iba't-ibang lugar. Mayroon din itong car repair shop at meat shop. In short, mapera ito.
May naganap na aksidente sa highway kanina. Walong mga sasakyan ang nagkarambola. Dinala ang mga nadisgrasya sa ospital na iyon. Ang balita ay marami raw ang naaksidente at namatay. Kaya naman kusa na siyang tumungo sa ospital para tumulong sa mga ahente niyang tila mga med rep kung makalibot sa ospital. Pero ang trabaho nila ay parang si Kamatayan lang ang peg--naghihintay sila ng mga mamamatay para maihatid nila sa huling hantungan gamit ang serbisyo ng Rest In Peace. Tutal ay wala naman siyang ginagawa at puwede namang magbantay sa opisina ang best friend at assistant niyang si Manilyn o Ma-ne kung tawagin niya.
Kung marami kasi ang namatayan ay maaaring kulang ang dalawang ahente niya para makuha ang lahat ng kliyente. Kailangang naroon siya para mag-abang ng mga namatayan at mag-offer ng funeral services.
Hindi siya kilala ni Mrs. Lopez pero kilala niya ito. Nang magtanong siya sa isang ahente niya ay nalaman niyang namatay sa aksidente ang kapatid na lalaki ni Mrs. Lopez at asawa ng lalaki. Siya na ang nagprisintang kumausap kay Mrs. Lopez dahil abala sa ibang potential clients ang tatlong ahente niyang naroroon.
Tumikhim muna siya bago nagsimulang magsalita sa marahang tinig na puno ng pakikisimpatya. "Alam ko po kung anong nararamdaman n'yo." Hindi ito tumingin sa kanya ngunit alam niyang narinig siya nito. "Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Naranasan ko 'yon nang mamatay ang lolo at lola ko. Pagkatapos ng ten years, namatay naman ang papa ko. Dalawang taon na ang nakakalipas. Natanggap ko nang wala na ang papa ko at masaya na siya ngayon sa langit. Lahat naman ng tao ay namamatay. Sabi nga, una-unahan lang iyan. But time heals all wounds, ma'am. Sigurado ako na makakaya n'yo ring tanggapin ang pagkawala ng minamahal n'yo sa buhay sa paglipas ng panahon."
Dahan-dahan itong tumingin sa kanya. Nakita niya ang namumuong luha sa mga mata nito. Bigla na lang itong yumakap sa kanya at humagulgol.
Totoo namang nakikisimpatya siya rito. Alam rin naman kasi niya ang pakiramdam ng namatayan ng mahal sa buhay. Hindi niya halos natanggap ang pagkamatay ng papa niya. Biglaan iyon. Bigla na lang itong nahimatay, na-comatose at hindi na gumising pa. Na-stroke ito. Masakit pa rin para sa kanya sa tuwing naaalala niya ito. Papa's girl kasi siya. Mas close siya sa kanyang ama kaysa sa kanyang ina. Unti-unti ay natanggap na niya ang pagkawala ng papa niya. Tinanggap niya rin ang pag-aasawang muli ng mama niya dahil ayaw niyang tumanda ito nang mag-isa.
Napapikit siya. Hinagod niya ang likod ni Mrs. Lopez. Totoong nakikisimpatya siya rito. Gayunpaman ay may kaunting guilt siyang nadarama dahil kailangan niyang ipasok ang hanap-buhay sa pakikiramay. Pero iyon ang trabaho niya at kailangan niyang maging propesyonal. Kung makukuha niya ang account ni Mrs. Lopez ay makakamenos siya sa komisyon na ibibigay niya sa ahente dahil siya na mismo ang nakakuha sa account nito. Not to mention, malaki ang kikitain nila kay Mrs. Lopez dahil mapera ito. Natural lang na gusto nito ng magarbong funeral service para sa kapatid at sister-in-law nito.
"Sige lang, ma'am. Iiyak n'yo lang. Pagkatapos..." kumuha na kayo ng funeral service sa amin, "mararamdaman n'yo na kahit paano gagaan ang pakiramdam n'yo at—" Natigil siya nang may isa pang kamay na biglang humagod sa likod ni Mrs. Lopez.
Ikinurap-kurap niya ang mga mata. Paanong nangyaring may bangkay sa tabi ni Mrs. Lopez? Or mukhang bangkay, actually. Nakataas ang kilay, o mas tamang sabihing kilay na gawa sa eyebrow pencil, ni Aling Poleng sa kanya. Anong ginagawa rito ng matandang huklubang ito?
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...