"NAKATAGPO na siya ng lalaking tunay na magmamahal sa kanya. At hindi siya mamamatay."
Napahinto sa pag-iyak si Marian nang marinig niya ang napakapamilyar na tinig na iyon na bigla na lang bumulaga sa malaking silid.
Calvin?
Napaangat siya ng mukha at nasilaw siya sa liwanag na iniluluwa ng nakabukas na dalawang panel ng pinto ng bodega. Unti-unting lumitaw ang imahe ni Calvin sa gitna ng liwanag hanggang sa tuluyan na itong makapasok sa bodega.
Ikinurap-kurap niya ang mga matang hilam sa luha. Paano ito mapupunta roon? Hindi ba at nasa Davao City pa ito? Nananaginip ba siya? Dinadaya lang ba siya ng paningin niya dahil gusto sana niyang makita ito bago siya mamatay?
"M-Miguel?" tila nakakita ng multong sabi ni Aling Poleng habang nakatingin kay Calvin.
Totoo ngang nandoon si Calvin dahil hindi lang siya ang nakakita rito! "C-Calvin..." mahinang sambit niya. Paano nangyari na nakarating ito roon? Paano nito nalaman na nandoon siya?
Itinuon nito sa kanya ang tingin. Nakita niya ang assurance sa mga mata nito na hindi siya pababayaan nito. Bumaling ito kay Aling Poleng na mukhang gulat na gulat. Nakababa ang baril na hawak nito.
"Ilapag mo na 'yang baril mo, Aling Poleng," matigas na utos ni Calvin sa matanda.
Tumigas ang anyo ni Aling Poleng. Imbes na sundin si Calvin ay itinutok pa uli nito ang baril na hawak sa kanya. "Bakit nandito ka, Miguel? Akala ko nasa Davao ka? Paano mo nalaman na nandito kami?"
"Kakarating ko lang galing sa Davao," tugon ni Calvin. "At nandito ako para iligtas ang girlfriend ko."
Girlfriend? gagad niya sa isip. Bakit ba sinasabi nitong nobya pa rin siya nito?
"Girlfriend?" eksaheradong gagad ni Aling Poleng. "Iniwan mo na ang babaeng ito, 'di ba? Hindi mo rin siya sineryoso tulad ng ibang lalaking minahal niya."
"Nagkakamali ka. Ako ang iniwan ni Marian."
"Ano?!" gulilat na bulalas ng matanda. "Ikaw ang iniwan ni Mariana?"
Tumango si Calvin. "Hindi totoong walang lalaking nagmahal nang totoo kay Marian." Tumingin ito sa kanya. "Dahil mahal na mahal ko siya. Wala pa akong babaeng minahal nang ganito katindi. At kung bibigyan niya lang ako ng pagkakataong patunayan sa kanya na hindi ako tulad ng ng mga lalaking nanakit sa kanya noon, hindi ko siya bibiguin."
Muli siyang napaluha. Bagamat nakatali siya sa upuan ay feel na feel niya ang haba ng hair niyang tila inililipad ng hangin nang mga oras na iyon.
Suminghap nang eksaherado si Aling Poleng. Ang mukha nito ay parang gustong mabahing sa pagkalukot. Pagkatapos ay lumarawan ang matinding galit sa mukha nito. "Hindi totoo 'yan! Hindi mo puwedeng mahalin si Mariana dahil hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal ng kahit sinong lalaki!"
Nakita niya ang galit sa mga mata ni Calvin habang nakatingin kay Aling Poleng. "Tigilan mo na ang pangmamaliit kay Marian. Ikaw dapat ang nanliliit sa sarili mo. Dahil nakakagawa ka ng ganitong kasamang bagay."
Sumibi si Aling Poleng, animo ay iiyak na. "Hindi mo ako naiintindihan, Miguel. Gusto ko lang naman ng tunay na pagmamahal. Matagal nang patay ang asawa ko. Kailangan ko ng lalaking magmamahal sa akin. Ako dapat ang mahalin mo, Miguel. Ako, at hindi ang babaeng iyan!"
Kung hindi lang siguro busy sa pagluha si Marian ay baka nasuka na siya sa sinabi ni Aling Poleng. Talagang ayaw nitong sumuko na ipagduldulan ang sarili nito kay Calvin. Mukhang nababaliw na ito.
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...