NGUMITI nang bahagya si Marian nang makaharap niya si Miguel. Naglalakad ito sa kanto nang harangin niya ito. Sadyang hinintay niya ito sa kalyeng iyon para kausapin ito.
"Hi," bati niya. Pasimpleng tinapunan niya ng tingin ang likuran nito. Baka kasi may mga nakasunod na stalker ito. Dumaan pa sa malapad nitong balikat ang paningin niya bago bumalik sa mukha nito.
"Hi," ganting-bati nito. Hindi nito ginantihan ang ngiti niya, bagkus ay kumunot ang noo nito.
"Gusto sana kitang makausap," aniya, sabay kipit ng buhok sa likod ng tainga upang ipakita rito ang gold earring niyang twenty-four karat. Gusto niyang masilaw ito sa kinang ng ginto dahil iyon naman ang pakay niya rito—ang silawin ito ng salapi. Gaya ng inaasahan niya ay tumingin ito sa hikaw niya ngunit saglit lamang iyon dahil muli ay tinitigan siya nito.
"Ikaw 'yong may-ari ng Rest In Peace, 'di ba?" tanong nito.
"Ako nga," taas-noong tugon niya.
Ilang beses na rin silang nagkatinginan nito mula sa bintana. Madalas itong dumungaw sa bintana na katapat ng sa opisina niya. Minsan pa nga ay tente bonete siyang naka-slump sa swivel chair niya at nakataas ang mga paa sa desk niya habang bukang-buka ang bunganga sa katatawa sa pinapanood niyang Koreanovela nang walang anu-ano ay mapatingin siya sa bintana at nakita niya si Miguel na nakadungaw sa bintana ng katapat na punerarya at nakatingin sa kanya.
Nahiya siya sa nasaksihan nitong hitsura niya ngunit kaagad din siyang nakabawi. Inalis niya ang mga paa sa desk niya at umayos ng upo. Nang tumawa siya ay tinakpan niya ang bibig. Nang muli niyang tingnan ito ay naroon pa rin ito at nakatingin pa rin sa kanya. Kung tama siya ng nakita ay tila naaaliw ang ekspresyon sa mga mata nito.
Nang sumunod namang eksena ay nagsa-soundtrip siya habang naka-headphone. Nadala siya sa kanta ni Kesha na "Die Young" kaya sinabayan niya iyon nang bigay na bigay with matching taas at kumpas ng mga kamay at kaunting indak ng katawan. Hindi pa siya nasiyahan, tumayo pa siya mula sa pagkakaupo sa swivel chair at nagsimulang sumayaw kahit hindi siya marunong magsayaw. Pero na-freeze siya nang mapaharap siya sa bintana at nakita niyang may nanonood sa kanya mula sa bintana ng katapat. Nakatingin si Miguel sa kanya. Hindi nakangiti ito pero nakita niya ang pagkalibang sa mga mata nito.
Para kunwari ay hindi masyadong napahiya ay ipinagpatuloy niya ang pagkanta at pagsasayaw nang medyo toned down hanggang sa unti-unti siyang makalapit sa gilid ng bintana kung saan siya nagtago. Parang gusto niyang sabunutan ang sarili niya ng mga oras na iyon nang dahil sa kahihiyan. Minsan kasi ay talagang ginagawa niya iyon at dahil hindi naman binubuksan ang bintana ng katapat ay wala namang nakakakita sa kanya kaya nasanay na siya nang ganoon.
"At ikaw rin 'yong babaeng nakita kong naninilip sa labas ng Mary Paulene," patuloy nito. Hindi iyon patanong.
Natigilan siya. Nahuli siya nitong sinisilip ang loob ng Mary Paulene. Kaya ba nabangga niya ito dahil sadya itong lumapit sa kanya noon para tingnan ang sinisilip niya? Isinumbong kaya siya nito kay Aling Poleng?
"Na-curious lang ako kung bakit ang daming babaeng nakatambay sa labas ng punerarya n'yo kaya sumilip ako. Hindi ako nag-i-spy, no! Kung ikaw nga, palagi mo akong pinapanood mula sa bintana n'yo. Nagrereklamo ba ako ng right to privacy? Hindi naman, 'di ba?"
Bahagyang tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. "Kung gusto mo ng privacy, isara mo ang bintana mo."
Awtomatiko ang pag-angat ng kilay niya. "Excuse me. Matagal nang nakabulatlat ang bintana ko. Wala namang sumisilip sa bintana n'yo, ikaw pa lang. Pero ayoko nang pag-usapan 'yan. Hindi kita hinarang ngayon para kausapin tungkol sa mga nakikita mo mula sa bintana n'yo. Nilapitan kita dahil gusto kitang makausap nang private tungkol sa isang importanteng bagay." Tinapunan niya ng tingin ang kotse niyang nakaparada sa di-kalayuan.
Halatang nag-isip ito.
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...