Part 25

2.8K 112 3
                                    


WALANG humpay ang pagngawa ni Marian nang gabing iyon sa loob ng silid niya habang nakadapa siya sa kama. Medyo nakainom siya dahil sa pakikipagtagayan sa mga tambay kanina kaya hindi niya makontrol ang pag-iyak niya. Ngalngal mode talaga siya at wala siyang pakialam kahit nakakabulahaw siya.

Hindi niya matanggap ang pambabasted sa kanya ni Miguel. Wala itong gusto sa kanya. Okay lang naman sana iyon kung hindi lang sana siya in love dito. Pero mahal na niya ito. Sa katunayan ay pinlano na niya sa isip kung saan sila ikakasal balang-araw, ilan ang magiging anak nila at pati ang yari at design ng couples coffin nila kung sakaling mamatay sila nang magkasabay. Napakatanga niya para isiping may gusto na ito sa kanya dahil lang hinalikan siya nito nang ubod nang init.

Napatigil siya sa pag-atungal nang makarinig siya nang mga katok. Biglang bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Biboy na magkasalubong ang mga kilay.

"Ate, ano ba? Ang ingay mo. Hindi ako makapag-concentrate. Level 158 na 'ko, eh!"

Alam niyang sa Candy Crush ang tinutukoy nito.

"Kaysa ngumangalngal ka d'yan, bigyan mo na lang ako ng life. Nag-send ako sa 'yo ng request sa Facebook."

Ang pinoproblema nito buong maghapon ay kung paano makakabuo ng tatlo hanggang limang magkakatulad na candies samantalang siya ay tinanggihan ng taong mahal niya at kasalukuyang nagdurugo ang puso! Parang gusto niyang ipakain dito ang hawak nitong iPad pero wala siyang lakas na tumayo. Ibinigay na lang niya rito ang password sa Facebook niya para ito na ang kusang mag-accept ng life request nito sa Candy Crush. Pagkatapos ay isinubsob niya ang mukha sa kama at ipinagpatuloy ang pag-iyak. Ang akala niya ay umalis na si Biboy pero biglang nagsalita ito.

"Ano bang problema mo, ate? Seryoso ba 'yan o nakainom ka lang talaga at nababaliw ka na naman?"

Nag-angat siya nang mukha. "Hindi mo naiintindihan ang nararamdaman ko dahil hindi ka pa nai-in love," paiyak na sabi niya.

"In love?" Nagsalubong ang mga kilay nito. "Wala ka namang boyfriend, ah. 'Wag mong sabihing si... 'yong embalsamador ni Aling Poleng. In love ka sa kanya?" Parang pasita ang mga huling sinabi nito.

"Oo! In love ako sa lalaking may pusong bato! Hindi niya ako gusto..." atungal niya.

Umiling-iling ito. "Dahil lang doon nagkakaganyan ka na?" Nagbuga ito ng hangin mula sa bibig. "Ano bang nakita mo sa lalaking 'yon? Matangkad lang naman siya, guwapo, may abs, malalaki ang biceps..."

Lalo siyang napaatungal sa sinabi ni Biboy. "Tama na!"

"My point is... puro pisikal na kagandahan lang ang meron ang lalaking 'yon. Wala na. Wala nang maganda sa kanya kundi 'yon lang. At saka hindi kayo bagay. Magkaibang-magkaiba ang personalities n'yo. Parang tuod siya. Ikaw naman parang kiti-kiti. Kahit maging kayo, maghihiwalay din kayo agad dahil hindi kayo compatible. Kaya tumigil ka na sa kakangalngal diyan."

"Hindi dahil guwapo siya kaya minahal ko siya. Ang pag-ibig, kusang nararamdaman ng puso kahit ayaw ng may-ari niyon. Ayokong ma-in love kay Miguel dahil ayoko na ng guwapo. Pero na-in love ako sa kanya kahit para siyang tuod."

"So, ine-expect mo na mamahalin ka rin niya kahit para kang kiti-kiti? Hindi lahat ng tao naniniwala sa ganyang klase ng love. Ang mga mayayaman, nai-in love din sa kapwa mayaman. Ang mga matatalino, nai-in love din sa pareho nilang matalino. Kung magkagustuhan man ang isang galing sa langit at galing sa lupa, o isang genius at isang mababa ang IQ, saglit lang iyon. Maghihiwalay din sila later on."

Parang gusto niyang pukulin ng unan si Biboy. Ipinaalala pa talaga nito na ang dahilan kung bakit siya iniwan ni Roel noon. "Umalis ka na, Biboy. Bago ko pa maihambalos sa 'yo 'yang iPad na hawak mo."

"Marami pang ibang lalaki riyan. 'Wag mong aksayahin ang oras mo sa pag-iyak para sa isang tuod. Maghanap ka ng katulad mong kiti-kiti at doon ka ma-in love."

Inabot niya ang unan at inihagis rito. "Umalis ka na sabi!" singhal niya rito.

Napilitan itong umalis. Muli niyang isinubsob ang mukha sa kama at ipinagpatuloy ang pagngawa.

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon