Part 4

3.7K 133 2
                                    


After two months...

PINAGBIBILINAN ni Marian ang isa sa mga embalsamador niyang si Atong tungkol sa bagong patay na dumating nang mapansin niya ang mga babaeng nasa tapat ng pinto ng Mary Paulene Funeral Parlor. Sa tantiya niya ay more or less nasa sampu ang mga ito. Nakaharap ang mga ito sa pinto ng punerarya na tila ba gustong pumasok ng mga ito.

Kumunot ang noo niya. Anong nangyayari? Bakit tila dinudumog yata ng customers ang punerarya ni Aling Poleng? Nagbebenta na ba ng beauty products ang matanda? Baka nagbebenta na ito ng glutathione o slimming pills galing sa Japan kaya maraming kababaihan ang nakaabang sa harap ng punerarya nito.

Napangisi siya. Ganoon talaga kapag pabagsak na ang negosyo. Kung anu-ano na lang sidelines ang naiisip gawin para kumita kahit paano. Hindi nito natupad ang banta nitong pababagsakin daw siya. Bagkus ay ito ang mukhang pabagsak na. Simula kasi nang makaisip siya ng brilliant ideas para maungusan ang kalaban ay lumakas kaysa sa normal ang takbo ng negosyo niya. Dumami ang customers niya.

Kinagat ng madla ang pagbibigay niya ng libreng funeral singer. Not to mention, kinarir talaga ni Ma-ne ang pagkanta sa mga patay. Naging effective ang pagpapagawa niya ng posters na idinikit sa mga poste at pader sa kalsada. Umakit ng atensiyon ang slogan nilang "Die happy and rest in peace in Rest in Peace Funeral Home." Marami-rami na rin ang nag-like sa facebook page nila simula nang magpa-photo contest sila ng mga larawan ng mga patay at paramihan ng likes para manalo.

At ang pinakamatindi ay na-feature ang punerarya niya sa programang Day Off ng GMA News TV kung saan kinuha ng TV crew si Gigi bilang isang makeup artist ng mga patay para i-treat sa isang bakasyon at habang nakabakasyon ito ay may isang sikat na artistang komedyanteng pumalit dito para gawin ang trabaho ni Gigi bilang relyebo ng bakla. Dahil sikat ang komedyante ay nai-report pa ang episode na iyon sa channel 7. Sumikat tuloy ang Rest In Peace kahit sa malalayong karatig-lugar nila.

Simula noon ay dumagsa ang kumukuha ng kanilang serbisyo. At ang punerarya ni Aling Poleng ay nilangaw. Kaya nauunawaan niya kung bakit nauwi na ang matanda sa pagbebenta ng imported beauty products kung sakali.

Napansin niya na tila excited ang mga babae. Na-curious tuloy siya kung anong beauty products ang maaaring ibinebenta ni Aling Poleng. Baka effective talaga at affordable iyon. Well, hindi naman niya kailangan ang glutathione dahil natural na siyang mestisa at miski slimming pills dahil hindi siya lumolobo kahit ano ang kainin niya dahil natural na balingkinitan ang katawan niya.

Pero dala ng kuryosidad ay natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na maingat na tinatawid ang patungo sa kabilang bahagi ng kalsada. Pumuwesto siya sa gilid at pasimpleng sumilip sa glass wall display ng Mary Paulene.

Nakita niya si Aling Poleng na nakaupo sa likod ng desk at may kausap na isang babae. Nagsusulat ang matanda habang nakikipag-usap. Hinanap ng mga mata niya ang beauty products na binebenta nito pero walang ganoon sa desk nito. Kung ganoon ay ano ang ibinebenta ni Aling Poleng sa mga babaeng naghihintay sa labas ng punerarya nito?

Bigla siyang natauhan. Bakit naroon siya? Paano kung makita siya ng matanda o ng mga alipores nito? Baka pagbintangan pa siyang nag-e-espiya siya. Tinakpan niya ang mukha niya ng buhok at nag-iwan lamang siya ng maliit na siwang para sa isang mata na parang si Sadako. Mabilis siyang pumihit ngunit sa pagpihit niya ay nabangga siya sa isang malaking bulto. Muntik na siyang bumalandra kung hindi lang siya nahawakan sa baywang ng nakabanggan niya.

"Sorry, miss," sabi ng baritonong tinig.

"Sorry-hin mong mukha mo!" asik niya sa pilit na pinahinang tinig upang hindi makahatak ng atensiyon.

Pilit siyang kumawala rito at inayos ang buhok niyang tumabing sa buong mukha niya nang mabangga siya. Ready na sana siyang pagalitan ang lalaki ngunit napipilan siya nang makita ang mukha nito. Kumurap-kurap siya. Pinasadahan niya ng tingin ang lalaking kaharap niya.

May photo shoot ba ng Cosmo Men sa lugar nila? Paanong ang isang guwapo, hunk, matangkad, may sexy biceps at mukhang may itinatagong six-pack abs sa loob ng puting t-shirt nito ay mapapadpad sa lugar nila?

Nakatitig din ito sa kanya. Parang gusto niyang mapakipit ng buhok sa likod ng tainga at ngumiti rito pero bigla niyang naalala na wala na siyang tiwala sa mga guwapo. Kahit napakaganda pa ng singkit na mga mata nito, perfect ang hugis ng ilong at may labing tila nangangako ng langit sa sinumang hahagkan ng mga iyon ay hindi siya dapat magpaakit dito. Inalis niya ang tingin sa guwapong lalaki at humakbang patawid sa kalsada.

Nang nakatawid na siya ay hindi niya napigilang lingunin ito. Naroon pa rin ito sa kinatatayuan nito at nakasunod ang tingin sa kanya. Muli ay nilabanan niya ang urge na ikipit ang buhok sa likod ng tainga at ngumiti rito. Walang ekspresyon ang mukha nito kaya hindi niya alam kung bakit siya sinundan ng tingin nito. Hindi tuloy niya matukoy kung nabihag ito sa kagandahan niya.

Napukaw ang atensiyon niya ng tili ng isang babae mula tapat ng pinto ng Mary Paulene.

"'Andyan na siya!"

Bigla ay nagtakbuhan ang mga ito palapit sa lalaking nakabanggan niya kanina. Tila ito artista na pinagkaguluhan ng fans. Mayroong kumapit sa braso nito, mayroong sumampay sa balikat nito at mayroong kumapit pati sa binti nito. Artista ba ang lalaking iyon? Updated naman siya sa showbiz pero bakit hindi niya ito kilala?

Mukha namang hindi ganoon ka-flattered ang lalaki sa ginagawa ng mga babae kahit na ang ilan sa mga iyon ay may mga hitsura at figure pa. Mukhang alanganin ang ngiti nito at ayaw lang bastusin ang mga babae pero ramdam niyang gusto nitong pagpagin ang mga ito para magsialis sa katawan nito na tila mga linta.

Biglang lumabas si Aling Poleng at lumapit sa mga babae. Pinaalis nito ang mga babae at hinila nito ang guwapong lalaki papunta sa loob ng punerarya nito. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Kumapit si Aling Poleng sa braso ng lalaki!

"Oh, no!" sambit niya. Napahawak siya sa dibdib. Parang gusto yata niyang himatayin. Sanay na siya na nakakakita ng lalaking mas bata kay Aling Poleng na ka-holding hands while walking nito ngunit ang mga lalaki namang iyon ay mga hindi kaguwapuhan, hindi matangkad at hindi rin kagandahan ang katawan.

Pero ang lalaking ito... tall, hunk and handsome...

Nakangiwing umiling-iling siya habang paatras na humakbang papasok sa punerarya niya. Hindi niya matanggap na ang isang tulad nito ay papatol sa isang matandang mangkukulam! Wala itong delicadeza!

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon