PAGMULAT ng mga mata ni Marian ay nagulat siya sa mukhang nabungaran niya—mukhang bangkay. Pinandilatan siya ng mga mata ni Aling Poleng at pagkatapos ay humalakhak ito na parang isang kontrabida sa pelikula with echo effect. Natuklasan niya na nakaupo siya sa isang silya at nakatali ang mga kamay at paa niya. Nasa isang malaking bodega sila na marumi at mukhang abandonado na. Ganoon ang mga napapanood niyang location kapag may kidnap scene sa mga teleserye (na palagi naman yatang mayroon).
Kinidnap siya ng matandang mangkukulam!
"Anong gagawin mo sa aking mangkukulam ka?" paninita niya rito. Pinatapang niya ang boses at anyo. Hindi siya puwedeng magpakita ng takot dito. Tinapunan niya ng tingin si Facundo na nakamasid sa kanila. Wala na ang dalawang goons na nagpatulog sa kanya kanina.
Muling humalakhak ito. "Ano sa tingin mo?"
"Ganoon ka na ba talaga kahirap ngayon para kidnapin ako at huthutan ng ransom?"
"Hindi ko kailangan ng pera mo!" singhal nito. "Kaya kita ipinakidnap... ay para patayin!" Bigla nitong naglabas ng baril mula sa likod nito at itinutok nito ang bibig niyon sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya nang makakita ng baril na nakatutok sa kanya. Papatayin siya ni Aling Poleng! Mamamatay na siya!
Hindi na matutupad ang pangarap niya na mamatay na kasama ang lalaking mahal niya kapag matanda na sila. Wala nang happy ending para sa kanya. Mamamatay siya nang masama ang loob sa kanya ni Calvin dahil sinukuan niya ito at ipinamigay sa ex nito.
Gusto sana niyang makita si Calvin sa kahuli-hulihang pagkakataon. Gusto niyang humingi ng tawad dito dahil naging duwag siyang harapin ang magiging kinabukasan ng relasyon niya. Nawalan siya ng tiwala sa sarili niya na kaya niyang kuhain ang loob ng mga magulang nitong maliit ang tingin sa kanya. Itinulak niya ito sa dating buhay nito na ayaw na nitong balikan dahil ang alam niya ay iyon ang makakabuti para rito.
Napakatanga niya para palayuin sa kanya ang taong mahal niya dahil natakot siyang harapin ang mga balakid sa relasyon nila. Ngayong nasa panganib siya ay wala nang Calvin na magliligtas pa sa kanya. Katapusan na niya.
"On second thoughts..." biglang sabi ni Aling Poleng na mukhang napapaisip. "Bakit nga ba hindi muna kita ipa-ransom bago kita patayin? It's like hitting two birds in one stone. Sasairin ko ang laman ng bank account ng Rest In Peace para maghirap ang mga maiiwan mo. Tama!" Humalakhak ito. "Am I briliiant or what?"
Nag-alala siya para sa kapatid niya. Kinalimutan na niya ang pride at binabaan ang tono nang magsalita siya. "Aling Poleng... 'wag mong gawin 'yon. Maawa ka. Hindi tama itong gagawin mo. Pakawalan mo na ako at magbati na tayo. Peace na tayo."
Nagbuga ito ng hangin mula sa bibig. "Bakit ko gagawin 'yon? Matapos akong magbayad ng mga taong magdadala sa 'yo rito, pakakawalan lang kita? At hinding-hindi ako makikipagbati sa 'yo. Asa ka pa." Bumaling ito kay Facundo. "Facundo, nasaan ang cellphone ng babaeng ito?"
Itinaas ni Facundo ang IPhone niya.
Ngumisi si Aling Poleng. "Akina at nang matawagan ko ang kapatid niya."
"'Wag!" sigaw niya. "Patayin mo na lang ako ngayundin. 'Wag mo nang idamay ang mga mahal ko sa buhay."
Natigil si Facundo sa paglapit kay Aling Poleng na niyon ay lumingon sa kanya.
Tumaas ang kilay ng matanda. "So, gusto mo nang mamatay? Now na?"
Nagsimula na siyang maluha. "Bakit kailangan mong gawin ito, Aling Poleng? Bakit kailangang humantong tayo sa ganito?"
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...