Part 24

3K 129 6
                                    



TILA nag-tumbling ang puso ni Marian sa loob ng dibdib niya nang matanaw ang pigura ni Miguel na papalapit sa direksiyon niya. Sadyang inabangan niya ito sa lugar na iyon. Alam niyang dadaan ito roon dahil doon ang papunta sa bahay nito. Pero kunwari ay galing siya sa palengke at napadaan lang siya sa kalyeng iyon kaya may props siyang mga gulay sa supot.

Alam niyang mag-aalangan si Miguel na lumapit sa kanya dahil baka ayaw nitong makita ng amo nito na pupunta ito sa punerarya niya para sadyain siya. Siguradong magagalit si Aling Poleng sa oras na malaman na nagkakamabutihan sila ng binata. Siyempre ay ayaw ni Miguel na mawalan ng trabaho kaya imposibleng puntahan siya nito. Kaya siya na ang gumawa ng paraan para magkita sila.

Ngumiti siya nang salubungin nito ang mga mata niya. Parang gusto niyang yumakap dito kung hindi lang nakakahiya. Hindi pa nila nabibigyan ng linaw ang namamagitan sa kanila. Hindi niya masabi kung natuwa ito pagkakita sa kanya dahil parang wala itong reaksiyon. Siguro ay nahihiya pa itong mag-show off ng feelings.

"Hi!" bati niya rito.

Tumigil ito sa harap niya. "Namalengke ka?" tanong nito.

Kinilig siya nang lihim. Para kasi itong mister na nagtanong sa misis nito kung nakapamalengke na ito para sa lulutuin para rito sa hapunan. Tumango siya. "Kumusta ang araw mo?" tanong niya na para bang isang misis na sinalubong ang mister pagkagaling nito sa trabaho.

"Okay naman," kaswal na tugon ni Miguel. "May sasabihin ka?"

"Punta ka sa bahay ko mamayang gabi. Ipagluluto kita."

Halata sa mukha nito ang pag-aalangan. "Hindi puwede, eh. Kailangan kong bumalik sa Mary Paulene mamaya. Duty ko ulit."

"Eh, di pupuntahan na lang kita mamayang gabi. Kapag wala si Aling Poleng." Na-excite siya sa ideya na para silang secret lovers na nag-i-sneak in sa gabi.

Tinitigan siya nito. "Hindi ka pa rin ba naggi-give up?"

Kumunot ang noo niya. "Give up saan?"

"Inaakit mo ako para lumipat ako sa inyo, 'di ba?"

Napamaang siya. Hindi naman siya nagulat dahil nahulaan nito ang tungkol sa scheme nila para rito. Nagulat siya dahil hindi niya naalala ang tungkol doon nang mga nagdaang araw. Sa katunayan ay lumapit siya rito ngayon dahil gusto lang niyang makasama ito. Wala nang ibang nasa isip niya kundi iyon lang. Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi pa siya nito nilalapitan simula nang magsalo sila ng mainit na halik sa loob ng kabaong. Diskumpiyado ito sa motibo niya. Naiintindihan naman niya ito dahil talaga namang may plano siyang ganoon dati.

"'Yong totoo, wala na akong pakialam kahit hindi ka lumipat sa amin," sabi niya. "Hahayaan na kita kay Aling Poleng kung iyon ang gusto. Hindi na kita susubukang i-pirate." Igagalang na niya kung ano ang gusto nito. Ganoon ang pag-ibig. Maunawain. Hindi niya dudungisan ang dignidad na pinangangalagaan nito.

Bahagyang kumunot ang noo nito. Hindi man ito nagtatanong ay alam niyang gusto nitong i-explain kung bakit bigla-bigla ay nagbago siya ng plano.

Tumalikod siya dahil bigla siyang nahiya rito. "Kaya hindi kita nilapitan ngayon dahil doon. Nilapitan kita dahil..." Huminga siya nang malalim. "Dahil sa nangyari noong isang gabi."

Hinintay niyang magsalita ito pero wala siyang narinig mula rito.

"Gusto ko sanang malaman kung anong—" Nahinto siya sa pagsasalita dahil biglang may narinig siyang babaeng tinig sa likuran niya na bumanggit sa pangalan ni Miguel.

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon