"TWENTY thousand pesos!" pang-apat na alok ni Marian kay Miguel. Sumama ito sa kanya sa isang coffee shop na malayo sa lugar nila.
Umiling ito. Halata ang kawalang-interes nito sa mga amount na binabanggit niya.
"Twenty-one?" muling subok niya.
Muling umiling ito, sabay higop ng kape.
"Twenty-one thousand five hundred and a gift certificate!"
Kumunot ang noo nito. "Gift certificate sa?"
"Funeral service namin," tugon niya, sabay subo ng cake.
Lalong naningkit ang mga mata nito. "Nagpapatawa ka ba?"
"Sabihin mo sa akin kung magkano ang gusto mo."
Ibinaba nito ang tasa ng kape at mataman siyang tinitigan. "Wala. Dahil hindi ako magpapa-pirate sa 'yo. Ayokong lumipat sa inyo."
Nanlaki ang mga mata niya. "Huh? Ano kamo? Ayaw mong lumipat sa amin kahit tataasan ko ang suweldong makukuha mo sa kabila? Bakit?"
"Hindi ako mukhang pera. At loyal ako sa employer ko."
Padabog niyang ibinaba ang tinidor sa platito niya. "Ano kamo? Loyal ka sa mangkukulam na iyon?"
"May dignidad ako. Hindi ako nadadala sa pera. Masama ang manulot o magpasulot. At hindi ako pumapanig sa masamang gawain."
Napanganga siya sa sinabi nito. "Kami pa ngayon ang may masamang gawain?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Hindi mo alam kung ano ang gawain ng amo mo. Ilang customers na namin ang sinulot niya. Pero kami, ngayon pa lang sana manunulot..." Napahawak siya sa dibdib para pakalmahin ang sarili. "Hindi mo kilala si Aling Poleng. Malamang maganda ang pakitungo niya sa 'yo kasi guwapo ka. Hindi niya inilalabas ang totoo niyang ugali sa 'yo."
"As long as maganda ang pakitungo niya sa akin bilang employer, hindi ko siya iiwan o magpapasulot sa ibang employers."
"Twenty-five thousand. Last na 'yon," muling hirit niya.
"Mukha ba talaga akong pera sa 'yo?" Umiling ito. Naglabas ito ng isang daang pisong papel at inilapag iyon sa mesa. Mukhang bayad nito iyon sa kape na in-order niya para rito. "Maiwan na kita." Umakma itong tatayo pero natigil ito nang may sabihin siya.
"Alam ko kung bakit ayaw mong iwan si Aling Poleng."
Tumitig ito sa kanya na tila ba binabasa ang mga mata niya.
"May relasyon kayo." Ngumiwi siya. Hindi talaga niya matatanggap kung totoo ang hinala niya.
Ang sabi sa kanya ni Gigi ay nalaman nitong hindi pa break sina Aling Poleng at current boylet nitong mas bata dito ng over thirty years na si Tikboy. Kung may relasyon daw sina Miguel at Aling Poleng ay bakit kailangan pa nitong patuloy na i-date at sustentuhan si Tikboy? Parang dumi lang sa kuko ni Miguel si Tikboy kung pagbabasehan ang hitsura.
Medyo nag-sway nang kaunti ang hinala niya pero hindi pa rin nabubura iyon. Lalo na ngayong ayaw iwan ni Miguel si Aling Poleng kahit inalok na niya ito ng twenty-five thousand pesos a month na suweldo.
"Huh?" Halatang nabigla ito. "What the—? Anong pinagsasasabi mo?"
Nagdududa ang tinging ibinigay niya rito. "May secret affair siguro kayo kaya ayaw mo siyang iwan."
Tila namamangha ito. "Bakit ako makikipagrelasyon sa isang matanda?"
"Bakit nga ba? Alangan namang type mo ang wrinkles, bondat na puson at mala-barbwire niyang puting buhok na kinulayan lang ng brown? Magkano ang ibinibigay na sustento sa 'yo ni Aling Poleng?"
Nanigas ang mga panga nito. "Talaga bang mukhang pera ang tingin mo sa akin?"
Nagagalit na ba ito sa kanya? Parang gusto niyang mapatutop ng bibig. Mali siya ng diskarte. Hindi makabubuting galitin niya ito at pagbintangan ito sa isang nakakasukang bagay. Ibinalik niya ang ngiti. "Actually, hindi ka naman mukhang pumapatol sa matanda," aniya sa mababang tinig. "Hindi lang naman kasi ako makapaniwala na ayaw mong iwan si Aling Poleng. Kaya iyon tuloy ang naisip ko."
"Mahirap bang paniwalaan na may dignidad ako at hindi ko ipagpapalit ang dignidad ko sa pera?" Mukhang galit ito.
In fairness, kung totoo ang sinasabi nito ay perfect na talaga ito. Gusto niya ang mga lalaking may dignidad at pinangangalagaan iyon.
"Hindi ako makapaniwalang ganoon kababa ang tingin mo sa akin," patuloy nito.
"Sorry!" mabilis na sabi niya. "Lagi kasing may boylet si Aling Poleng na pineperahan lang siya kaya tuloy ganoon ang naisip ko. Pero hindi dapat ako nag-isip nang ganoon dahil mukha ka namang matinong lalaki."
Tila medyo humupa naman ang galit nito.
Napunta sa daliri nito ang tingin niya at wala siyang nakitang singsing. Wala itong asawa pero baka naman may partner ito. "May... girlfriend ka ba?" bigla niyang naisipang itanong out of curiosity.
"Bakit mo tinatanong?"
"Curious lang."
Umiling ito. "Wala sa ngayon."
"Bakit?"
Kumunot ang noo nito. "Bakit pati iyon kailangan mong itanong?"
"'Yong mga tipo mo kasi 'yong mga tipong hindi nawawalan ng girlfriend. Minsan pa nga limang sabay-sabay ang girlfriend, eh." Naalala niya ang hinayupak na si Leo. Mas guwapo si Miguel kay Leo kaya kahit sampung nobya na sabay-sabay ay keri ni Miguel. "Bakit wala kang girlfriend ngayon?"
"Wala akong balak na ipagsabi sa bago kong kakilala ang tungkol sa private life ko."
Pinatitigan niya ito. "Eh, itinatagong asawa at anak, mayroon ka?" Baka tulad ito ng damuhong si Randy.
"Huh?" Halatang nabigla ito sa tanong niya.
Bigla siyang natauhan sa pinagsasabi niya. "Sorry! Hindi dapat ako naging mapaghinala. Sorry for my manners."
Kung makatingin ito sa kanya ay para bang iniisip nito na may sayad siya.
"Anyway, kung ayaw mo ng pera... anong gusto mong kapalit para umalis ka sa punerarya ni Aling Poleng?"
"Huh?" tila napantastikuhan ito. Bumuntonghininga ito pagkatapos. "Wala akong gustong kapalit dahil hindi ako aalis, okay? Mauna na ako." Umakma itong tatayo na ngunit huminto ito at muling tumingin sa kanya. "Don't worry, hindi ko sasabihin kay Aling Poleng ang tungkol sa balak mong pag-pirate sa akin dahil ayoko ng gulo. I-promise mo lang sa akin na hindi mo na ako kakausapin tungkol sa bagay na ito dahil alam mo na ang sagot ko."
Naiwan siyang laglag ang mga balikat. Ano kayang ipinakain ni Aling Poleng sa lalaking iyon at masyadong loyal ang huli sa mangkukulam na boss nito? Nahigit niya ang paghinga. Hindi kaya ginayuma nito si Miguel?
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...