"MA-NE, kumusta ang libing ni Mr. Carreon?" tanong ni Marian sa kaibigan habang nakatitig sa inaayos niya sa Microsoft Excel na expenses at earnings ng Rest In Peace sa linggong iyon. "Tinawagan mo na ba 'yong mga tao natin doon?" Ang mga taong tinutukoy niya ay ang mga tauhan nila sa punerarya na nag-aasikaso ng mga libing tulad ng driver ng funeral car at mga nag-a-assist sa paglilibing.
"Oo, Mars," sagot ni Ma-ne. "Okay naman. Nakaraos din sila. Pabalik na dito ang karo."
Pumasok si Gigi sa opisina niya. "Mars, tapos ko nang make-up-an 'yong patay sa morgue. Paubos na ang blush on. Kailangan na nating bumili."
Idinagdag niya sa isinusulat sa Excel ang gastos para sa bagong blush on. Tinitigan niya ang total expenses at total earnings at napabuntonghininga siya. Parang hindi tumataas ang sales nila kahit kumuha na siya ng dagdag na ahente, nag-provide ng free photo booth sa libing at naglagay ng free wifi sa burol. Hindi pa nga sila naba-bankrupt pero hindi nila maungus-ungusan ang Mary Paulene. At kung magtatagal ang ganoong sitwasyon, hindi malabong balang-araw ay sila naman ang magbago ng business. Baka maging RIP Beauty Parlor na sila. Pero hindi maaaring mangyari iyon. Hindi niya papayagang magwagi ang matandang mangkukulam. Over her dead, beautiful body.
Noong isang araw ay nakasalubong niya si Aling Poleng. Nakangisi ito na parang inuuyam siya at nagparinig pa ng "Kawawa naman ang ibang mga tao riyan. Bakit hindi na lang kasi magsara?" Muntik na naman silang magrambulan kung hindi lang biglang sumulpot si Facundo. Siyempre ay wala siyang nagawa kundi ang layasan ang mga ito.
"Okay ka na ba, Mars?" biglang tanong ni Ma-ne.
Inilipat niya rito ang tingin niya. "Okay lang ako. Hangga't hindi tayo naba-bankrupt, may pag-asa pa tayong bumawi. Iniisip ko kung ano na namang gimik ang puwede nating gawin sa isang buwan. Parang gusto ko nang patulan 'yong s-in-uggest mong free souvenirs na ibibigay sa mga nakiramay pagkatapos ng libing. 'Yong figurine na kabaong na may maliit na card na may picture ng namatay at date of birth at date of death at nakalagay sa ibaba na 'thank you for coming.'"
Nagtinginan sina Ma-ne at Gigi.
"Hindi ang tungkol sa Rest In Peace ang tinutukoy ko," paglilinaw ni Ma-ne. "Ang ibig kong sabihin, okay na ba ang puso mo? Naka-move on ka na ba talaga kay Miguel at malapit mo na ba talagang sagutin si Val?"
Hindi siya nagpakita ng emosyon. "Oo sa lahat ng tanong mo." Pagkatapos ay ibinalik niya sa laptop screen ang mga mata.
Tumikhim si Gigi. "Mars, nakita ko kahapon si Miguel na nakatingin sa 'yo noong nasa labas ka at nakikipagtsismisan sa kanto. Hindi niya alam na naroon ako. Hindi ka aware sa presence niya sa malayo. Nakita ko na malungkot siya habang nakatingin siya sa 'yo. Parang miss na miss ka na niya. Mukhang nagsisisi na siya na pinakawalan ka niya. Feeling ko, hindi lang siya makalapit dahil ang akala niya boyfriend mo na si Val."
Tatlong linggo. Tatlong linggo niyang pinilit kalimutan si Miguel. Hangga't maaari ay iniwasan niya ang makita ito. Pinilit niyang huwag isipin ito. Pinilit niyang ibaling kay Val ang nararamdaman niya para kay Miguel. At pakiramdam niya ay medyo nagtatagumpay na siya. Unti-unti na siyang nagugustuhan si Val. Unti-unti nang nababawasan ang pag-iisip niya kay Miguel. Tinatanggap na niya sa sarili na wala na siyang pag-asa kay Miguel. Pagkatapos ay biglang sasabihin ni Gigi ang ganoon? Gusto ba nitong wasakin ang effort niya nang nagdaang tatlong linggo?
"Mali ang iniisip mo," pagkontra niya kay Gigi. "Hindi pagka-miss ang nakita mo sa mga mata niya. Awa. Guilt. Naaawa siya sa akin dahil para akong gaga na desperada sa love pero ilang beses nang niloko ng lalaking minahal ko. At maging pati siya, nasaktan niya ako. At siguro feeling niya pinipilit ko lang ibaling kay Val ang feelings ko pero siya pa rin talaga ang gusto ko. Kaya guilty siya."
Ayaw na niyang umasa pa. Gusto na lang niyang maka-move on. Kaya naman niya iyon. Kung nagawa niya iyon kina Roel, Leo at Randy na nakasama pa niya, bakit hindi kay Miguel na hindi naman niya naging nobyo? Mas madali niyang makakalimutan ito kung talagang pagsusumikapan niya.
"Pero paano kung tama si Gigi?" tanong ni Ma-ne.
Umiling siya. "Hindi. Hindi puwedeng mangyari 'yon."
"Paano nga lang kung tama siya?" giit ni Ma-ne. "Halimbawa lang. Kung lumapit siya sa 'yo bigla at sabihin na may feelings pala siya sa 'yo?"
"Hindi ko siya tatanggapin," determinadong sagot niya. "Okay na si Val para sa akin."
"Eh, paano kung lumapit siya sa 'yo, lumuhod at nagmakaawang patawarin at tanggapin mo?" tanong ni Gigi. "Anong gagawin mo?"
Parang hindi niya ma-imagine na gagawin iyon ni Miguel. "Hindi ko pa rin sya tatanggapin."
"Eh, paano kung sabihin niya na aalis na siya kay Aling Poleng para sa 'yo?" tanong naman ni Ma-ne. "Mapipilay ang Mary Paulene at tuluyan nang babagsak. Hindi mo pa rin siya tatanggapin?"
"Hindi pa rin. Hindi niya ako kayang suhulan."
Nagkatinginan sina Ma-ne at Gigi. Halatang namamangha.
"'Eto," hindi pa rin sumusukong sabi ni Gigi. "Paano kung lumapit siya sa 'yo nang walang T-shirt at nakabilad ang abs? Kaya mo pa ba siyang tanggihan?"
Medyo napaisip siya sa sinabi ni Gigi. Na-imagine niya si Miguel na nasa harap niya, half-naked at matiim ang pagkakatitig sa kanya. Napalunok siya.
"Uy, napaisip..." tudyo ni Ma-ne.
"Loka! Kahit maghubo't-hubad pa siya sa harapan ko, hindi ko siya tatanggapin. Si Val na ang gusto ko. Kaya 'wag na kayong magulo, okay? Magtrabaho na nga kayo!" masungit na sabi niya at bumalik na sa ginagawa.
Si Val na ang gusto niya. Pinlano na niya sa isip kung saan nila ice-celebrate ang first anniversary nila nito balang-araw at siya na rin ang nagplano kung saan at paano ito magpo-propose sa kanya ng kasal in the near future. Kaya kahit sayawan pa siya ni Miguel ng macho dance nang walang T-shirt sa saliw ng Careless Whisper ay hindi siya magpapaakit dito.
Tumayo na siya mula sa kanyang desk nang maalala niyang pupunta pala siya sa Eternal Memorial Chapel para sa ayusin ang paglalagakan ng bangkay na katatapos lamang make-up-an ni Gigi. VIP ang kliyente kaya siya ang personal na nag-aayos ng account nito.
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...