Part 3

4.7K 137 5
                                    


PALAKAD-LAKAD si Marian sa loob ng kanyang opisina habang nakahalukipkip at nag-iisip kung paano mauungusan nang husto ang punerarya ni Aling Poleng. Hindi na siya makapaghintay na mapabagsak ito. Gusto na niyang makita na gumagapang ito sa lusak.

"Ano, ate? May napala ka na ba sa kakalakad mo diyan nang pabalik-balik? May naisip ka na?" tanong ni Biboy habang naglalaro ng Candy Crush sa iPad nito. Si Biboy ang labing-pitong taong gulang niyang kapatid. Ito ang nag-iisang kapatid niya pero para silang aso't-pusa nito. Barubal kasi at walang modo ito. Bully ang aura nito. Hindi nga niya alam kung saan nagmana ito. Malakas ang hinala niyang naipagpalit ng nurse sa nursery ng ospital ang kapatid niya sa anak ng siga sa kanto.

Sa katunayan, isang beses na muntik na nitong patulan si Aling Poleng pero tinakot niya ito na babawasan niya ang allowance nito sa school kapag ginawa nito iyon. Pinagbawalan niya rin ito na makialam sa negosyo dahil wala pa itong alam tungkol doon. Kaya hindi na ito nakikialam sa bangayan nila ni Aling Poleng. Alam rin naman nitong kaya niyang i-handle ang matanda.

"Oo nga, Mars," sabi naman ni Gigi o Gregorio Gagarin Jr. "Kanina ka pa diyan. Nahihilo na kami sa 'yo." Pumipilantik pa ang mga daliri nitong humawak sa sentido nito. Makeup artist at stylist ng mga patay ang baklang si Gigi. Mas matanda ito sa kanya ng limang taon. Halos walong taon na itong nagtatrabaho sa kanila.

Tumingin siya kay Ma-ne na nakaporma na para isulat ang minutes ng pinagmi-meeting-an nila sa notebook nito. Kasing-edad niya si Ma-ne. Best friend niya ito simula pa noong high school. Hindi tulad niya na nakapagtapos ng Psychology sa kolehiyo ay hanggang high school lang ang tinapos nito. Gayunpaman ay kinuha niya ito bilang assistant niya dahil gusto niya ng taong mapagkakatiwalaan niya.

Mahirap na at baka ma-infiltrate sila ng spy na mula sa kampo ni Aling Poleng upang i-report ang creative ideas, projects, et cetera nila para sulutin ang mga kliyente niya at nakawin ang mga ideas niya. Kakapanood kasi niya iyon ng mga Hollywood action movies kaya naging paranoid siya.

"Well..." taas-noong paninimula niya. Umasam ang tatlo sa sasabihin niyang brilliant idea. "Wala pa akong maisip," patuloy niya.

Nagsilaglagan ang mga balikat nina Ma-ne at Gigi. Si Biboy naman ay nagbuga ng marahas na hangin mula sa ilong.

"Nabalitaan mo na ba 'yong promo nila ngayon?" scoop ni Gigi. "Buy one take one! Buy one ataul, take one ataul for free."

She rolled her eyes. "Nagpapatawa ba siya? Sino kayang gustong kumuha ng dobleng ataul?"

"Eh, di 'yong mga namatayan ng mahigit sa isang kapamilya sa aksidente," sabi ni Ma-ne. "Tulad na lang ni Mrs. Lopez. Dalawa ang kapamilya niyang namatay sa aksidente."

"Hmm... may point ka doon. Puwes, maglalabas tayo ng promo na 'buy one take two.' And get twenty percent off on your next visit. May expiry date ang next visit."

Mabilis na isinulat iyon ni Ma-ne.

Tumawa naman si Gigi. "Kaloka! Kailangan may mamatay sa kanila bago matapos ang expiry date, kundi hindi nila ma-avail ang promo."

"Aba, syempre. Hindi naman puwedeng lifetime iyon, no! Lugi naman tayo don, teh."

"Mga ilang years bago ang expiry date?"

"Anong years? Months lang. Mga two months."

"Ang hard!" Ang lakas ng tawa ni Gigi. "Kailangan nilang magmadaling matigok. Pressure 'yan, teh!"

Si Ma-ne ay seryoso pa rin sa pagsusulat ng mga sinabi niya.

Nakita niya ang pag-iling-iling ni Biboy na kung makatingin sa kanya ay parang iniisip nitong nababaliw na siya. "Ano 'to, salon and spa? Baka gusto n'yo ring mamigay ng freebies."

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon