"ANO KAYANG natira nitong babaeng ito?" naulinigan ni Marian na tanong ni Ma-ne kay Gigi. Nakamasid sa kanya ang dalawa habang hinihimas-himas niya ang couple's coffin na display sa showroom nila. Kinuha niya ang isang heart-shaped red pillow at idinikit iyon sa pisngi habang nakangiti at nakatingin sa kawalan.
Mula pa nang magising siya kaninang umaga ay parang sirang plaka na paulit-ulit sa isip niya ang namagitang halik sa kanila ni Miguel habang nasa loob sila ng couple's coffin sa punerarya ni Aling Poleng. Hindi niya kailanman na-imagine na mangyayari sa kanya ang bagay na iyon—ang makipaghalikan sa loob ng kabaong. Sa ilang milyong tao sa mundo, mayroon kayang dalawang tao na nakaranas ng ganoon ka-unique na kissing scene maliban sa kanilang dalawa ni Miguel? Kung wala ay puwede siguro silang kilalanin sa Guiness Book of Records.
Hindi lang naman ang katotohanang puwede palang magromansahan sa loob ng kabaong ang natuklasan niya kagabi. May mas malaking bagay pa siyang nadiskubre. Pakiramdam niya ay in love na siya kay Miguel.
"Lasing pa rin ba siya hanggang ngayon?" tanong ni Gigi kay Ma-ne.
"Baka nababaliw na kamo," sabi ni Ma-ne. "Kahapon lang parang pinagsakluban ng langit at lupa ang lola mo. Parang akala ko nga tatalon na sa bintana ng office niya para mag-suicide dahil nalaman niyang hindi pala siya perpek. Pero tingnan mo siya ngayon. Sa tingin mo, kailangan ba natin siyang ipa-check up?"
Lumapit siya kay Ma-ne. Bahagyang umiwas ito dahil akala siguro ay tatalakan niya ito sa sinabi nito pero mukhang nabigla ito nang yakapin niya ito. "I love you, Ma-ne!" Binalingan niya si Gigi at niyakap din ito. "I Love you, Gigi!" Itinaas niya ang dalawang kamay at tumingala. "I love you, world!"
Ang ganda-ganda talaga ng mundo kapag in love ang isang tao. Kahit na pinagtsitsismisan siya ng dalawa at pinararatangan siya ng kanyang best friend na nasisiraan na siya ng ulo ay wala siyang pakialam. Nang ibalik niya ang tingin sa dalawa ay nakanganga ang mga ito sa kanya. Nginitian niya lang ang mga ito.
Kumurap-kurap si Ma-ne habang nakatitig sa kanya at biglang tumutop ng bibig. "Oh, no! Don't tell me... oh my god..." eksaheradang bulalas nito.
Kung hindi lang siguro siya kasalukuyang high sa pag-ibig ay baka binatukan niya ito sa kaartehang nalalaman nito.
"In love ka?" manghang tanong ni Ma-ne sa kanya.
"In love?" gagad ni Gigi.
"Ganyan siya 'pag nag-umpisang ma-in love, eh," tukoy ni Ma-ne sa kanya. "Parang ang perpek ng mundo. Lahat maganda, lahat masaya."
"Oh, no!" sambit ni Gigi. "Mars, 'wag mong sabihing in love ka na kay Miguel!"
Pagkarinig sa pangalan ni Miguel ay lumuwang ang ngiti niya. Hindi niya napigilang ipakita ang kilig.
"Aha!" bulalas ni Gigi. "Confirmed!"
Ikinuwento niya sa mga ito ang nangyari kahapon. Namangha ang dalawa.
"Nakakarami ka na kay Miguel, Mars, ha!" nakalabing sabi ni Gigi.
"Kayo na ba?" tanong ni Ma-ne.
Umiling siya. "Pero alam kong may gusto siya sa akin. Kung hindi, hindi niya ako hahalikan nang gano'n. Sigurado ako ngayong araw na ito, aalukin na niya akong maging girlfriend."
"Akala ko ba, ayaw mo na sa guwapo?" tanong ni Ma-ne.
"Eh, anong magagawa ko?" pangangatwiran niya. "Hindi ko naman mapipili kung kanino titibok ang puso ko, eh."
"Ang swerte-swerte mo naman, Mars! I'm so happy for you," kunwari ay nagpupunas ng mga luhang sabi ni Gigi.
Si Ma-ne naman ay may pag-aalala sa mukha. "Mag-ingat ka, Mars. Simulan mo nang kumuha ng bodyguard ala-Facundo ni Aling Poleng. Baka makatanggap ka ng death threats galing sa mga babaeng nagkakandarapa kay Miguel."
Napatangu-tango siya. Kailangan nga niyang paghandaan ang paglusob ng mga babaeng madalas na nagpi-picket sa harap ng katapat na punerarya. Pero sa ngayon ay gusto muna niyang makita si Miguel dahil nami-miss na niya kaagad ito.
Ano kayang ginagawa nito ngayon? Iniisip rin kaya siya nito sa mga oras na iyon habang naghahalukay ng lamang-loob ng isang bangkay?
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
ЮморImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...