PAALIS na si Marian sa bahay nang bumaba sa hagdan si Biboy na nag-iinat, gulo-gulo ang buhok at halos hindi maidilat ang mga mata.
"Mag-almusal ka na. Aalis na ako," aniya rito.
Pinasadahan nito ng tingin ang kabuuan niya. "Saan ang lakad mo?"
"Sa punerarya."
Kumunot ang noo nito. "Ba't ganyan ang ayos mo?"
Niyuko niya ang sarili. Nakasuot siya ng red dress na hanggang tatlong pulgada above the knee ang haba at red pumps. Naka-red lipstick din siya para tumerno. Kinulot niya ng pamplantsa sa buhok ang may kahabaan niyang buhok.
"Bakit? Anong masama sa ayos ko?"
"Pupunta ka lang sa punerarya, nakaganyan ka pa? Anong feeling mo? Ikaw si Maria Mercedes?" Ang bida sa Pinoy soap operang hango sa isang Mexican telenovela ang tinutukoy nito.
"'Wala ngang basagan ng trip." Hinarang siya nito bago pa siya makalapit sa pinto. Nagdududa ang tingin sa mga mata nitong may muta pa.
"'Wag mong sabihing pinatulan mo 'yong s-in-uggest sa 'yo ni Gigi." Hindi ito marunong gumamit ng magalang na pantawag sa ibang tao. "Aakitin mo talaga 'yong embalsamador ni Poleng?"
Nabigla siya. "Alam mo 'yon?"
"Narinig ko habang nagtsi-tsismisan kayo. Hindi n'yo alam na nandoon ako."
"Oo, gagawin ko iyon. May angal?" Matagal din niyang pinagdesisyunang gawin ang suggestion ni Gigi. Mga one hour and a half din. Para ano pang naging maganda siya kung hindi niya iyon gagamitin. Tama si Gigi. Lalaki rin si Miguel. At marupok ang mga ito sa tukso. Sa palagay naman niya ay hindi mahihirapan kay Miguel dahil mahilig naman itong panoorin siya sa bintana. Feeling niya ay may kaunting crush ito sa kanya pero ayaw lang ipahalata.
Paiibigin niya si Miguel. Kung iyon lang ang tanging paraan para matigil ang pag-angat ng Mary Paulene ay gagawin niya iyon.
"Oo, may angal ako. Hindi mo kilala 'yong taong 'yon. Baka masamang tao 'yon. Baka imbes na makuha mo ang gusto mo, ikaw pa ang mapahamak sa gagawin mo."
Kokontrahin niya sana ito pero napangiti siya. "Nag-aalala ka sa akin?"
Sumimangot ito. "'Wag mong ituloy 'yang balak n'yo, ah. Kung ayaw ng mokong na 'yon sa atin, 'wag n'yong ipagpilitan ang sarili n'yo. Have some dignity."
"Have some dignity..." gagad niya sa pasarkastikong paraan. "'Wag ka ngang makialam. Kung ikaw kasi hindi naging ganyang kasuplado, baka mayroon din tayong mga libreng ahenteng mga babaeng nagkaka-crush sa 'yo." In fairness naman sa kapatid niya ay guwapo naman ito. Suplado nga lang at masungit sa mga babaeng naghahabol dito.
"'Wag n'yo nga akong isama sa kalokohan n'yo." Imbes na mag-almusal ay kinuha nito ang iPad at nagsimulang mag-Candy Crush.
Nilayasan na lang niya ito kaysa uminit ang ulo niya.
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...