Part 14

2.7K 97 5
                                    


NAKAUPO si Marian sa silya sa harap ng salamin sa salon habang nakabalot ang buhok ng plastic wrap nang biglang dumating si Aling Poleng at nakuha pang umupo sa silyang kalapit niya. Nagkatinginan pa sila nito sa salamin. Nahuli niya ang ginawa nitong pagngisi sabay irap sa kanya.

Kaagad na nag-init ang ulo niya. Malakas na ang loob nito ngayong maglalalapit sa kanya dahil nakakabangon na ang punerarya nito. Parang nagyayabang pa nga ang ngisi nito na tila ba nagsasabing "Hindi mo ako maitataob na bruha ka! Humanda ka dahil malapit ka nang bumagsak!"

Minabuti na lamang niyang ibalik sa binabasang magazine ang tingin kaysa maimbyerna sa pagmumukha nito. Sana ay bumilis na ang oras para makalayas na siya sa salon na iyon.

"Kumusta naman ang status ng business mo, Mariana?" tanong nito kapagdaka habang bino-blower ng beautician ang mala-barb wire na buhok ng matanda.

"Mariana" ang tawag nito sa kanya kahit "Marian" talaga ang tunay niyang pangalan dahil siguro gusto nitong papangitin ang pangalan niya.

Nag-angat siya ng paningin at nasalubong niya ang tingin nito sa salamin. "Mabuting-mabuti," taas-noong sagot niya rito.

"Parang hindi ganoon ang balita ko. Dalawa lang daw ang sine-service-an n'yong patay ngayon. Alam mo ba kung ilan ang sa amin? Anim," ngingisi-ngising pagyayabang nito. Ikinuwento pa nito kung gaano ka-bongga at ka-galante ang ilan sa customers nito.

Pinigilan niya ang sariling bilutin ang magazine na nasa kandungan niya at isalaksak iyon sa bunganga nito para matigil ito sa pagsasalita. Imbes na patulan ito ay minabuti na lang niyang huwag pansinin ito para magmukha itong tanga sa kakasalita nang walang kausap. Ibinalik niya sa magazine ang tingin at nagkunwaring engrossed doon.

"...at ang laki ng natitipid namin dahil halos hindi na namin kailangan ng mga ahente," patuloy pa rin ng bruha. "Marami kasing narerekomenda sa serbisyo namin..."

Dahil iyon kay Miguel at hindi dahil maganda ang serbisyo n'yo kaya marami kang customers ngayon! ngalingaling isigaw niya sa mukha ng matanda.

"Hindi ka makasalita, no? Inggit much?" pang-aasar pa nito.

Doon na humulagpos ang pagtitimpi niya. "Excuse me, Aling Poleng! Nananaginip ba kayo ng gising? Kahit kailan, hinding-hindi ako maiinggit sa inyo. Hintayin n'yo akong mabaliw at baka sakaling magkaroon kayo ng chance na kainggitan ko kayo." Binalingan niya ang hairdresser na umaayos sa buhok ng matanda. "Careful," paalala niya rito. "Baka masugatan ka sa buhok niyan. Ipinaglihi sa barb wire ang buhok ni Aling Poleng. Ire-rebond mo ba? Hay naku, lugi kayo sa gamot diyan dahil kahit sampung bote ng rebonding cream ang gamitin n'yo riyan, hindi tatalab. Promise."

Bumagsik bigla ang mukha ni Aling Poleng. Halatang naimbyerna ito.

"Kukulayan lang," sagot ng hairdresser.

"Tama 'yan. Kulayan n'yo na lang. Kailangan niya niyan kasi naghe-hello na naman ang mga puting buhok niya."

"Tatanda ka rin!" nandidilat na singhal nito sa kanya.

"Pero bago ako tumanda, tigok ka no'n kaya hindi mo na rin masisilayan ni isa sa future wrinkles ko."

"Dadalawin kita kapag namatay ako! Hihilahin ko ang mga paa mo!"

"O, eh, ano namang pagkakaiba ng hitsura n'yo ngayon at kapag bangkay na kayo? Gano'n pa rin naman. Kaya hindi na ako matatakot."

Tumayo ito at umaktong susunggaban siya. Nagawa niyang makatayo bago siya mahablot nito. Binilot niya ang magazine at ipinang-amba niya rito. Baka kasi kagatin siya nito na parang isang zombie. Nataranta ang mga beautician sa kanila.

"Facundo!" tawag ni Aling Poleng sa kung sino.

"Facundo?" kunot-noong gagad niya.

Biglang pumasok sa salon ang isang malaking lalaking animo ay isang bouncer sa club pero kasing sama ng mukha ni Aling Poleng ang mukha nito.

"Siya ang bodyguard ko," tukoy ni Aling Poleng sa lalaki sa mayabang na paraan.

"Bodyguard? Ang sosyal, ha!"

"Right! Mayaman na ako kaya may bodyguard na ako! Ikaw, hindi mo afford ang bodyguard dahil papalugi na ang punerarya mo! Facundo, hulihin mo siya!" turo ni Aling Poleng sa kanya.

Napanganga siya. Nang umakmang lalapit sa kanya ang bouncer ay dinampot niya ang blower at itinapat kay Facundo na para bang baril iyon. "'Wag kang lalapit! Ibo-blower ko ang mukha mo!"

"Anong kaguluhan ito?" biglang pasok ng baklang may-ari ng salon. Si Riggy Reyes. Nakapameywang ito at nakaalagwa ang kilay.

"Ma-ma!" tili niya at tinakbo niya ang papunta sa tabi nito. Suki siya nito at medyo close sila kaya alam niyang sa kanya papanig ito. "Si Aling Poleng ang nagsimula. Nananahimik ako, eh. Bigla siyang dumating at inasar-asar ako."

Bumaling si Ma-ma Riggy kay Aling Poleng. "Aling Poleng, hindi ito lugar para sa away n'yo. This is my business and I want you to respect my territory."

Nameywang rin si Aling Poleng. "Fine! Hindi na ako babalik sa salon mong bulok!"

"Nagsalita ang hindi bulok," bulong niya na mukhang narinig ng matanda. Pinandilatan siya nito bago ito nag-martsa palabas ng salon. Kabuntot ang mukhang kurimaw na bodyguard nitong si Facundo.

"Akala mo kung sinong donyang valuable customer. Ngayon lang naman siya napadpad dito," sabi ni Mama Riggy.

"Pumunta lang siya rito para asarin ako at i-show off ang bodyguard niyang si Facundo," sabi niya sa bakla.

"Feeling niya siguro siya si Senyora Angelica. Ambisyosang zombie."

Naghagikgikan sila ni Mama Riggy. Tinawag na siya ng nagkulay sa buhok niya kaya bumalik na siya sa upuan niya. Maya-maya pa ay iwinawasiwas na niya sa hangin ang ang kanyang pulang buhok. Palipad-buhok moment. Mas naging seductive siyang tingnan sa kanyang straight, long red hair. Kailangan niyang mag-iba ng look para mapansin ni Miguel.

Sa naging eksena nila ni Aling Poleng kanina ay lalo siyang nagkaroon ng drive na agawin si Miguel dito. 

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon