Part 15

2.8K 100 0
                                    


PASIMPLENG binuntutan ni Marian si Miguel sa pagja-jogging nito. Isa iyon sa mga i-t-in-ip sa kanya ni Gigi. Nagja-jogging daw si Miguel sa parkeng iyon every other morning nang kalahating oras. Mula sa likuran nito ay pinagmasdan niya ang pagtakbo nito. Nakasuot ito ng white T-shirt at blue jogging pants pero kahit balot ang katawan nito ay napaka-sexy pa ring tingnan nito.

Sa katunayan ay hindi lamang siya ang sumusunod dito nang mga sandaling iyon. May mga nauuna sa kanyang mga babaeng stalker nito. Hinihintay niyang lumapit ang isa sa mga ito kay Miguel pero walang naglalakas-loob. Nakatanghod lang ang mga ito at bumubuntot-buntot na tila mga aso.

Excuse her, pero hindi siya tulad ng mga ito na naglalaway kay Miguel. Oo, aminado siyang hot ito. Pero hindi siya nasisilaw ng hotness nito dahil ayaw na niya sa mga guwapong lalaki. Ang gusto niya lang ay ang makuha niya ito mula kay Aling Poleng para mawalan ng alas ang mangkukulam na iyon at muling maghari ang Rest In Peace sa lugar nila. At para na rin sa kanyang ego na niyurakan ni Miguel sa hindi nito pagpansin sa kanya sa gym. Patutunayan niya rito na hindi basta-basta iniisnab ang beauty niya.

Nilagyan niya ng munting curls ang bagong red hair niya. Nag-suot siya ng Wonder Bra para mas lumaki ang hinaharap niya at shorts na maiksi para i-show off ang killer legs niya. Ewan pa niya kung hindi mapatingin sa kanya si Miguel. Nagwisik din siya ng pabango na may senswal na halimuyak para pandagdag na pang-akit. Kahit ang lalaking bangkay ay babangon sa beauty niya.

"Hay, ang guwapo talaga niya... kahit nakatalikod." Narinig niya na sabi ng isang babaeng payat na kaagapay niya sa mga kasama nito. Obviously, ang tinutukoy nito ay si Miguel.

"Ang perfect niya talaga! Nakakagigil!" wika naman ng isang babaeng may suot na braces.

"Siya ang pinakaguwapong chinito sa balat ng lupa," sabi naman ng isang babaeng morena.

Sa tantiya niya ay nasa early twenties ang mga ito. Naka-makeup pa ang mga hitad. Nagja-jogging na naka-makeup? Halatang naroon ang mga ito para mag-stalk at magpa-cute kay Miguel. Istorbo naman ang mga ito sa balak niya. Parang gusto niyang patirin ang mga ito para magsidapaan at tumigil na sa pagsunod sa binata.

"May namatay na ba sa mga kamag-anak, classmates at mga kapitbahay n'yo?" tanong ng babaeng payat sa mga kasama nito.

"Wala pa nga, eh," tugon ng babaeng naka-braces. Parang hindi ito masaya na wala pang namamatay sa mga kamag-anak nito.

"Hay... wala pa nga ring namamatay sa mga kakilala ko, eh," sabi ng morenang babae. "Kailangan na nating makakuha ng patay para mairekomenda natin sa Mary Paulene. Sayang 'yong pa-raffle ni Miss Paulene na date with Miguel sa mga makakapag-recommend ng customers sa kanila."

Bahagya siyang napanganga sa narinig. Pa-raffle para sa isang date with the embalsamador? Talaga naman... May mga ganoong gimik pang nalalaman si Aling Poleng? Iyon ba ang dahilan kung bakit may mga babaeng nagpi-picket sa labas ng punerarya nito?

Pumayag naman kaya si Miguel sa kabaduyang iyon? Bakit may pakiramdam siyang hindi alam ni Miguel ang tungkol sa date na iyon? Kung ayaw makipag-date sa kanya ni Miguel, malamang na aayaw rin itong makipag-date sa ibang mga babaeng di kagandahan na tulad ng tatlong nasa unahan niya.

"Sayang din 'yong information na ibinibigay ni Miss Paulene tungkol kay Miguel sa mga nagrerekomenda ng customers sa kanila," wika ng payat.

Umikot ang mga mata niya. Talagang gamit na gamit ni Aling Poleng ang pangalan ni Miguel para kumita ito. At biling-bili naman iyon ng mga kiring babaeng tulad ng mga nasa kalapit niya.

"Hay... gusto kong malaman kung anong tipo niyang babae," sabi ng naka-braces. "Sana mamatay na 'yong kapitbahay namin para may mairekomenda akong patay doon."

Haliparot! Pinigilan niya ang sariling batukan ang babae. Siya na mismong may funeral business ay hindi humihiling na may mamatay sa neighbourhood niya—maliban kay Aling Poleng—samantalang ang babaeng naka-braces na ito ay hinihiling na sana ay may mamatay na kakilala para lang sa lalaki!

Ayaw niyang may mamatay, pero given nang may mamamatay kahit hindi niya hilingin iyon. At least, hindi niya hinihiling na may mamatay para kumita siya.

"Kung hindi lang masama ang pumatay, siguro ang dami ko nang napatay para maka-date ko lang si Miguel," sabi ng babaeng payat.

"Ako din. Baka pinapatay ko na ang lahat ng babaeng naghahabol kay Miguel," sabi ng naka-braces.

"Pati ako?" namamanghang tanong ng payat.

"Oo, pati ikaw."

"Pati ako?" tanong naman ng morena.

"Oo! Lahat kayong may pagnanasa sa Papa Miguel ko!"

Dumilim ang mukha ng payat na babae. "Bago mo ako patayin, uunahan na kitang patayin. Tandaan mo, magiging akin si Miguel!"

"Hoy!" ayaw-patalo na sabad ng morena na ang kinakausap ay ang payat. "'Wag ka ngang ambisyosa. Hindi mo matitikman si Miguel. Dahil magiging akin siya!"

Nagpalitan ng nanlilisik na mga mata ang tatlo. Bigla ay nagrambulan na ang mga ito. Kanya-kanyang hila ng buhok ng isa't-isa. May kalmutan, sampalan at tadyakan habang nagbabatuhan ng mga maaanghang na salita. Nag-ikot lang siya ng mga mata at hinayaan ang kalokohan ng mga ito. Nilampasan niya ang mga ito at sinimulang ihanda ang sarili sa pag-agapay kay Miguel. Ngayong wala nang mga asungot ay malaya na siyang makakapagpa-cute kay Miguel.

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon