"MARIAN! 'Wag mong gawin 'yan!"
Hinanap ni Marian sa mga tao ang may-ari ng tinig hanggang sa makita niya si Miguel na bakas ang takot sa mukha habang nakatingin sa kanya. Papalapit ito kasama sina Ma-ne, Gigi at Biboy na lahat ay halatang nagpa-panic.
"'Wag kayong lalapit!" banta niya sa mga ito. "Tatalon ako!"
Tumigil ang mga ito sa harapan ng mga tao.
"Mars, bumaba ka riyan!" pangawang sabi ni Ma-ne. "Ayokong mawalan ng best friend. Ikaw lang naman ang nagtitiyaga sa ka-engot-an ko tapos gusto mo pa akong iwan. 'Wag mo akong iwan, bestie..."
"Mars, parang awa mo na. 'Wag mong gawin 'yan," ngumangawa ring pakiusap ni Gigi. "Please! Hindi ka puwedeng mamatay. Kailangan ka namin. Hindi namin kayang mabuhay na wala ka."
"Ate!" nagpa-panic na tawag sa kanya ni Biboy. Ang huling beses na nakita niyang ganoon ang hitsura ng kapatid niya ay noong na-stroke ang ama nila. "Hindi na kita aawayin kahit kailan. Basta 'wag mo lang ituloy 'yan. Ayokong mag-isa, Ate. Hindi ko kayang wala ka. Kaya nga hindi ako sumama kay Mama noong sinasama niya ako sa UK. Kasi ayaw kitang iwang mag-isa. Kaya sana 'wag mo rin akong iwan."
Na-touch siya sa sinabi ng mga ito, lalo na sa mga pasabog na rebelasyon ng kapatid niya. Parang gusto na niyang bumaba roon at yakapin ang mga ito. Pero nang muli siyang mapatingin kay Miguel ay muling tumibay ang desisyon niyang kitlin ang sariling buhay. Hindi na niya kaya pang makita si Miguel at tiisin ang katotohanang hanggang awa lang ang kaya nitong maramdaman para sa kanya.
"Marian, please," pakiusap ni Miguel. "Makinig ka sa kanila. 'Wag mong ituloy ang binabalak mo. Please, bumaba ka na riyan. Pag-usapan natin kung anong problema mo. Nandito kaming lahat para sa 'yo."
"Paano n'yo nalamang nandito ako? Naka-televised na ba ako?" Naghanap siya ng camera sa paligid. Nakita niya ang ilang tao na nakatutok ang cellphones sa kanya. "May kumuha na ba ng picture o video ko at p-in-ost sa Twitter?" sigaw niya sa mga usi.
"Oo, trending ka na!" sigaw ng isang lalaking tinig mula sa kung saan.
"Nakita ko ito." Itinaas ni Ma-ne ang notebook na sinulatan niya ng mga detalye ng funeral service na pinlano niya para sa kanyang sarili. "Hindi ako mapakali kanina pagbalik ko sa punerarya. Nagtataka ako sa mga ginagawi mo, lalo na noong nandoon tayo sa park. Kinutuban ako ng masama pero hindi ko alam kung bakit. Basta ang alam ko, may nangyayari sa 'yong hindi maganda. Naisipan kong halughugin ang drawer mo at baka kako may malaman ako doon na sagot sa tanong ko. Hanggang sa makita ko ang pangalan at picture ng patay na pinag-meeting-an natin ang funeral service kanina. Ikaw iyon. Kaya nagmamadali akong tinawag si Gigi para balikan ka sa pinag-iwanan ko sa 'yo. Tatawagan ko sana si Biboy pero bigla siyang dumating habang hawak ang mga sulat mo sa aming lahat. Gusto mo yata na mabasa namin ang mga iyon pagkatapos mong... pagkatapos mong..." Umiyak na ulit ito.
"Oo, Ate, nakita ko ang mga sulat mo sa amin sa drawer mo sa kuwarto mo," sabi ni Biboy. "Na-curious ako kung bakit kakaiba ang mga ikinikilos mo kaya hinalughog ko ang drawer mo. Naghanap ako ng shabu..."
"Hindi ako nagsa-shabu!" singhal niya rito.
"Alam ko na ngayon, Ate. Hindi ka nag-a-adik. Depressed ka. 'Clinical depression' pa ang term mo. Nabasa ko sa diary mo."
"Pati diary ko, pinakialaman mo!"
"Sorry, Ate. 'Yong mga huling entries lang naman ang nabasa ko, eh. Kailangan ko lang malaman kung bakit ka na-depress nang ganyan. Ate, 'wag mong isipin na wala kang kuwentang babae dahil hindi ka minahal nang totoo at panghabangbuhay ng mga lalaking minahal mo. Mabuti kang babae at alam kong alam nilang lahat iyon."
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
UmorismoImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...