Part 17

2.7K 109 2
                                    


NAKAHAWAK si Marian sa braso ni Gigi habang naglalakad palabas ng ospital. Galing siya sa emergency room. Ayon dito ay tinawagan ito ni Miguel gamit ang cellphone niya at pinapunta ito sa ospital na iyon. Lihim siyang natuwa nang malamang hindi siya tuluyang dineadma ni Miguel nang mawalan siya ng malay. Ito ang nagsugod sa kanya sa ospital. Kaya lang nang gumising siya ay ang malapad na mukha ni Gigi ang sumalubong sa kanya. Umalis daw kaagad si Miguel nang dumating si Gigi.

Kahit suplado si Miguel ay matulungin ito. Dalawang beses na siyang iniligtas nito. Kung hindi siya kinuha nito at dinala sa ospital ay baka nagising na lamang siya sa isang madilim na kuwarto kasama ang tatlong mukhang manyakis na bumubuntut-buntot sa kanya kanina. Dalawa na ang utang na loob niya sa binata.

"Ngayon lang ako nahimatay. Grabe, ganoon pala 'yon," wika niya habang tinutumbok nila ang pila ng taxi.

"Kung hindi ka ba naman kasi shonga, bakit ka nag-jogging nang walang laman ang tiyan mo kahit kaunti, hindi ka nag-stretching bago tumakbo at puyat ka pa?" paninisi ni Gigi sa kanya.

"Para flat na flat ang tiyan ko at maakit si Miguel sa sexiness ko." Bumuntonghininga siya. "Pero kahit pala maging cup D ang dibdib ko, hindi pala ako talaga papansinin ni Miguel dahil kabaro mo siya."

"Hindi nga sabi bakla si Miguel. Baka sinabi lang niya iyon para layuan mo na siya dahil baka talagang nakukulitan na siya sa 'yo."

"Walang lalaki ang magpapanggap na bakla para lang sa dahilang 'yan. Hindi niya sisirain ang pangalan at pagkalalaki niya nang gano'n-gano'n lang. Hindi ba siya natatakot na ipagsabi ko na bakla siya? Kung hindi totoo 'yon, sa tingin mo, kaya niyang sirain ang sarili niyang image?"

"May point ka doon, Mars. Pero imposible talagang badush siya dahil wala talaga akong maramdaman o makita man lang na kahit isang senyales na berde din ang dugo niya. Never pang nagkamali ang gaydar ko, Mars."

Pumasok na sila sa taxi. Tahimik lang siya habang nakasakay sa backseat. Alam niyang gusto lang niyang ipagpilitan na bakla si Miguel kaysa ang tanggapin na talagang wala siyang kadating-dating dito para maisipang magpanggap na bakla upang layuan niya ito.

"Ganoon ba talaga siya surang-sura sa akin para magpanggap siyang bading para lang palayuin ako?" malungkot na tanong niya.

"Alam mo, feeling ko, matalino 'yang si Miguel, eh," sabi ni Gigi. "Alam niya ang pakay mo sa kanya. Alam niyang hindi ka pa rin tumitigil sa pagtatangkang i-pirate siya. Iyon lang siguro iyon. Hindi ibig sabihin na surang-sura siya sa 'yo. Ayaw niya lang siguro 'yong ginagawa mo dahil sabi niya nga, may dignidad siya."

"Pero paano kung totoong bading siya?"

"Eh, di testing-in mo para ma-confirm mo."

"Paano?"

Tumingin si Gigi sa driver na hindi niya alam kung nakikinig sa usapan nila o sa pinatutugtog nitong mga kanta ni April Boy. Inilapit ng bakla ang bibig sa tainga niya at sinabing "Maghubad ka sa harapan niya. 'Pag nagkaroon siya ng reaksiyon, alam mo na."

Malakas ang ginawa niyang pagsinghap. "Grabe ka, ha! Hindi ko kayang gawin iyon!"

"Well, may isa pang option."

"Ano?"

"Halikan mo siya," bulong ulit nito sa kanya.

Hindi siya nakapag-react sa sinabi nito dahil biglang nag-flash sa isip niya ang tagpo kung saan nahulog siya at sinalo siya ni Miguel at napakalapit ng mga mukha nila ng binata. Bakit imbes na mag-react ng "Grabe, ayoko nga!" ay parang na-excite pa siya sa sinabi ni Gigi?

"Ano? Keri?" tanong ni Gigi. Nang tingnan niya ito ay nakita niya ang mapanudyong tingin at ngiti nito.

Bigla siyang natauhan. Nag-iwas siya ng tingin dito. "Ano ba? Hindi ko rin kaya 'yon." Hindi siya makatingin nang diretso rito dahil baka mabasa nito ang iniisip niya.

Umungol ito na tila nanunudyo sabay bunggo ng balikat sa balikat niya. "Keri mo 'yon," mahinang sabi nito. "I-torrid mo, teh. Laflafin mo nang bonggels. Kapag hindi siya nagkaroon ng reaksiyon, maniniwala talaga akong bading siya." Humagikhik pa ito nang mahina.

Napalunok siya. Laflafin daw ng bonggels? Hmmm... 

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon