Part 29

2.8K 112 10
                                    


NAGLALAKAD sa kalye si Marian papunta sa palengke nang walang anu-ano ay maisipan niyang lumingon. Nahagip ng mga mata niya si Miguel na nakasunod sa likuran niya. Mga dalawang metro siguro ang layo nito sa kanya. Nagtama pa ang mga mata nila.

Hmmm... ini-stalk niya ba ako? 'Wag kang assumera, Marian! saway niya sa sarili. Baka masopla ka na naman. Mapapahiya ka na naman. Baka nagkataon lang na pareho sila ng daang tinatahak. Pero nang lumiko siya ay lumiko din ito. Nang pumasok siya sa eskinita ay pumasok din ito. Gusto sana niyang pumasok sa gay bar na naraanan niya at tingnan kung papasok din ito. Kasi kapag ginawa nito iyon, ibig sabihin ay talagang sinusundan siya nito.

Kung sakaling sinusundan nga siya nito, ano kaya ang dahilan?

A. Naseseksihan ito sa likod niya.

B. Nami-miss na siya nito.

C. Na-realize na nitong may feelings rin pala ito sa kanya at gusto nitong bawiin ang mga sinabi noong huling beses silang nag-usap.

D. Obsessed na ito sa kanya.

Umiling siya. Hindi. Malabong mangyari ang mga iyon. Puwede pa sigurong...

E. May gusto itong ipasabay na bili sa palengke.

F. Mamalengke rin ito pero hindi nito alam ang papunta doon kaya sinusundan siya para hindi maligaw ito.

Teka, hindi naman nito alam na papunta siya sa palengke. Kaya siguro...

G. Naintriga ito sa eksenang hindi nito nakita noong isang gabi kung saan pinutol niya ang panonood nito sa kanila ni Val nang isara niya ang bintana. Gusto lang nitong lumapit sa kanya para makitsismis kung may milagro silang ginawa ni Val pagkatapos niyang isara ang bintana.

Nagbuga siya ng hangin. Ano naman ngayon kung natuloy man kung sakali ang paghahalikan nila ni Val? Ano bang pakialam nito? Bakit nga kaya kailangan silang panoorin nito? Kung hindi ito nagseselos, ano pa ang ibang maaaring dahilan?

Huminto siya sa paglakad at nagkunwaring may binabasang text message sa cellphone. Kapag huminto siya at nagpatuloy sa paglalakad si Miguel, ibig sabihin ay hindi siya sinusundan nito. Hindi ito huminto sa paglalakad. Ang akala nga niya ay lalampasan na siya nito pero tumigil ito sa harap niya. Tiningala niya ito.

"Sinusundan mo ba ako?" malamig na tanong niya.

"Hindi. Papunta rin ako ng palengke."

"Paano mo nalamang pupunta ako sa palengke?"

Itinuro nito ang net bag niya na pampalengke.

Pasimple niyang inirapan ito at nagpatuloy na sa paglalakad. Pero bakit parang kinikilig siya na nakasunod ito sa kanya sa mga sandaling iyon? Umagapay ito sa kanya. Ayaw man niyang aminin sa sarili pero na-miss talaga niya ito. Na-miss niya ang maging ganoon kalapit dito.

"'Yong lalaking madalas na dumadalaw sa 'yo, boyfriend mo na ba siya?" tanong nito.

"Bakit mo tinatanong?"

"Siya ba 'yong Val na sinasabi mo?" tanong ulit nito na parang hindi narinig ang tanong niya. "'Yong bestfriend mo noong elementary?"

Ang sinabi nga pala niya rito ay bestfriend niya si Val noon, hindi mortal enemy. "Oo. Ano ngayon? Ba't parang interesado ka?"

"Ang akala ko ba wala siyang malisya sa 'yo."

"Noon. Kasi siguro mga bata pa kami. Malaki na kami ngayon at mas maganda na ako ngayon kaysa noon."

"Boyfriend mo na ba siya?" tanong ulit nito.

"Bakit mo nga gustong malaman?"

"Mag-ingat ka sa kanya. Mukha siyang playboy."

"So, concerned ka sa akin, gano'n ba?" pasarkastikong tanong niya.

Bumuntonghininga ito. "Sana mahalin ka niya nang totoo at 'wag ka niyang saktan," sabi nito habang nasa daan ang tingin.

Napatitig siya rito. Mukhang sincere ang pagkakasabi nito. Alam nga pala nito ang pinagdaanan niya sa mga lalaking minahal niya noon. Kaya hindi ito concerned sa kanya. Naaawa lang ito sa kanya. Kinaaawaan siya nito dahil miski ito ay hindi siya kayang mahalin. Para siyang tinadyakan sa dibdib. Ang sakit.

Pinilit niyang itago ang nararamdaman. "'Wag kang mag-alala. Makakakita rin ako ng lalaking magmamahal sa akin. Who knows baka si Val na 'yon. Hindi ko naman malalaman kung siya nga iyon kung hindi ko susubukang papasukin siya sa buhay ko."

Hindi niya maintindihan kung bakit may nababanaag siyang lungkot sa mga mata nito na para bang naapektuhan ito sa sinabi niya. Baka talaga lang awang-awa ito sa kanya kaya nalulungkot ito para sa kanya. Puwes, hindi niya kailangan ng awa nito. Taas-noong nilayasan na niya ito.

Naramdaman niya na nakasunod pa rin si Miguel sa kanya. Pinakapigilan niya ang mapaluha dahil ayaw niyang malaman nito na nasasaktan siya nang dahil dito. Hanggang sa makarating siya sa palengke ay nakabuntot pa rin ito. Nang kumuha siya ng pipino sa stand ng mga gulay ay kumuha naman ito ng kamatis sa katabing stand. Sinubukan niyang lumayo rito dahil hindi na niya kaya pang pigilin ang mga luha. Sa aleng matabang nakasuot ng T-shirt na may nakasulat na "I Am Sexy" siya tumigil. Nang lingunin niya si Miguel ay naroon pa rin ito sa stand na pinag-iwanan niya rito pero nakatanaw ito sa kanya. Pagdampot niya ang sibuyas sa stand ng tinderang may sinungaling na T-shirt ay siya namang pagpatak ng mga luha niya.

"Ate, magkano po ang sibuyas n'yo?" tanong niya.

Sinabi ng ale ang presyo sabay kunot ng noo. "Bakit ka umiiyak, neng?"

"Dahil po sa sibuyas n'yo," pag-a-alibi niya.

Halatang nagtaka ito. "Hindi pa naman 'yan hiwa."

"Bigyan n'yo na lang ho ako ng one-fourth kilo niyan," sabi niya rito.

Habang nagtitimbang ito ay patingin-tingin pa rin ito sa kanya. "Na-indisper ka ba, neng?"

Hindi siya sumagot. Sumimple siya sa pagpunas ng mga luha.

"Sa ganda mong 'yan, nai-indisper ka pa? Sira-ulo ang lalaking 'yon. Pinakawalan ang isang napakagandang babaeng tulad mo. Ang tanga-tanga niya."

Medyo naibsan ang pait na nararamdaman niya dahil sinabihan siya nito na maganda siya. "Thank you po, ate. Gawin n'yo na pong kalahating kilo ang binibili ko." Nagpadagdag siya bilang pasasalamat sa pagdamay nito sa kanya sa pamamagitan ng pamumuri sa kanya.

Kumuha ulit ito ng sibuyas at inilagay sa timbangan. "Mukha ka pang mabait. Mukha ka ring may pinag-aralan. Wala akong nakikitang pangit at kulang sa 'yo. Baliw ang lalaking 'yon, neng."

"Gawin n'yo na pong three-fourth."

Nagdagdag ulit ito sa timbangan. "'Wag lang mag-alala, neng. Sa ganda mong 'yan, hindi ka mahihirapang makakita ng lalaking ipapalit sa damuhong 'yon. Makakakita ka rin ng lalaking tunay na magmamahal sa 'yo. Balang-araw magsisisi siya na pinakawalan ka niya at ikaw magiging masaya."

"Gawin n'yo na pong isang kilo."

"At saka—"

"Tama na po," awat niya sa sasabihin pa ng tindera. "Hindi ko na po kayang magbuhat ng mahigit sa isang kilong sibuyas."

Habang naglalakad siya pauwi ay tinitigan niya ang isang kilong sibuyas na bitbit niya. Hindi niya alam kung anong gagawin niya sa isang kilong sibuyas na iyon. Pero tama ang aleng "sexy." Bukod sa sinabi nitong maganda siya ay naniniwala siyang makakahanap din siya ng lalaking tunay na magmamahal sa kanya at balang-araw ay pagsisisihan ni Miguel ang pagtanggi nito sa pag-ibig niya.

Kay Val na lang siguro siya dapat mag-concentrate. Baka nga ito na ang lalaking para sa kanya. Napaka-sweet nito. Maya't-maya ay nagpapadala ito ng sweet messages sa text. Nagpo-post ito sa Facebook wall niya ng picture love messages at nagre-retweet din ito ng love quotes sa Twitter sabay mention sa kanya. Kulang na lang ay padalhan na rin siya nito ng love greeting cards kung hindi lang siguro laos na iyon.

Hindi niya dapat na patuloy na mahalin ang isang lalaking walang nadarama para sa kanya kundi awa. Panahon na para tuluyan na talaga niyang kalimutan si Miguel. Kailangan na talaga niyang pagsumikapang alisin ito sa puso niya.

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon