Part 5

3.7K 117 1
                                    


NAPAIGTAD si Marian mula sa kinauupuan niya sa likod ng kanyang desk nang biglang lumitaw si Gigi sa nakabukas na pinto ng opisina niya. Hingal na hingal ito na tila ba galing sa pagtakbo.

"Mars! Hindi dyowa ni Aling Poleng si Fafa Miguel!" pagre-report nito.

Pinag-imbestiga niya ito tungkol sa guwapong lalaking nakabanggan niya kahapon at pinaghinalaan niyang bagong boylet ni Aling Poleng. Tumulo ang laway ni Gigi nang makita ang lalaki. Kaya buong-loob nitong tinanggap ang utos niya. Handa raw itong umakyat sa bubong ng punerarya ni Aling Poleng para lang manilip sa butas ng bubong upang alamin ang gusto niyang malaman. Pero alam niyang gusto lang nitong silipan si Miguel kaya gusto nitong gawin iyon.

"Sino siya kung ganoon?"

Lumapit ito sa kanya habang pinupunasan ng bimpo ang pawis sa leeg. "Bagong embalsamador. Two days ago pala siya nag-start."

"Embalsamador?" gulat na gagad niya. "Kailan pa nagkaroon ng embalsamador na ganoon kaguwapo?"

"Ngayon pa lang, Mars." Halatang kinikilig ito.

"Sigurado ka ba? Baka naman front lang nila 'yan."

"Bakit naman nila kailangang mag-front? Sa tingin mo ba papayag si Aling Poleng na hindi ipagkalat sa buong Quezon City na may dyowing siyang ganoon ka-yummy?"

"Baka ayaw ng guy na malaman ng ibang tao. Kaya ipinalihim niya kay Aling Poleng. Kunwari embalsamador siya pero kapag silang dalawa na lang..." Parang gusto niyang masuka sa pumasok sa isip.

"Mars, hindi mo nakukuha ang logic, eh. Kung ganoon siya kaguwapo, puwedeng-puwede siyang kumuha ng milyonaryang sugar mommy na may hitsura kahit paano. Bakit kay Aling Poleng na malapit nang malugi ang punerarya at mukhang bangkay pa?"

"Baka may tililing siya."

"I don't think so, Mars. Hindi siya baliwag. At mukhang hindi rin siya playboy. Kasi nasilip ko na hinaharot siya ng customer na pretty girl habang nag-uusap sila tungkol sa pag-e-embalsamo ng tiyuhin ng girl na iyon pero hindi niya kinakagat ang kakirihan ng girl. Magalang at professional pa rin siyang makipag-usap."

Umangat ang kilay niya habang iniikot ang swivel chair na kinauupuan. "Hmmm? Talaga?"

"Yes, Mars! Hindi siya katulad ng mga naging ex mo. At saka mas guwapo siya sa mga iyon."

Sina Roel, Leo at Randy ang tinutukoy nito. Lahat ng mga ito ay guwapo pero hindi nag-work out ang relasyon niya sa bawat isa. Pinagtaksilan siya ni Roel. Nahuli niya itong nakikipaglaplapan sa ibang babae sa plaza. Si Leo naman ay nalaman niyang hindi lang siya ang nobya. Lima pala sila sa buhay nito. At si Randy ay natuklasan niyang may asawa at anak na pala.

Nadala na siya sa mga guwapo kaya ayaw na niya ng mga ito. Tatlong beses siyang naloko ng mga guwapo. Kaya isinumpa niyang hindi na siya iibig sa mga ito.

"Baka naman nandoon si Aling Poleng kaya behave siya," hinala niya.

"Wala ang bruha nang mga time na 'yon."

Bumuntonghininga siya. "Pero hindi pa rin ako convinced na wala silang secret affair ni Aling Poleng," sabi niya.

"Don't worry, Mars. Kakalap ako ng matibay na ebidensiyang hindi siya pumapatol sa mga mukhang bangkay na mangkukulam." Kumindat pa ito nang nakabuka ang bibig bago lumabas sa opisina niya.

Inihilig niya ang likod ng ulo sa headrest at ipinikit ang mga mata. Habang nakapikit ay nakita niya ang singkit na mga mata ni Miguel. Nagkatitigan sila ng mga matang iyon kahapon. Sa katunayan ay sinundan pa siya ng mga matang iyon habang patawid siya sa kalsada. Nagkaroon sila ng moment.

Bigla siyang napadilat. Bakit ba niya iniisip ito? Ano naman ngayon kung guwapo at hunk ito? Allergic na siya sa mga tulad nito. Noong una ay surang-sura siya sa kanta ni Andrew E. na Humanap Ka Ng Pangit pero nang lokohin siya ng tatlong guwapo ay naging idol pa niya ang rap singer. Tama ito. Hindi dapat ibigin ang mga guwapo dahil hindi mapagkakatiwalaan ang mga ito.

Hindi mapagkakatiwalaan si Miguel. Kung ganoon ito kaguwapo ay bakit embalsamador ang napili nitong propesyon? Puwede naman itong mag-modelo? 'Di hamak na mas malaki ang kita sa ganoon.

I smell something fishy... Mukhang tama siya ng hinala na may relasyon ito at si Aling Poleng at may sayad ito. Lumipad ang tingin niya sa bintana sa second floor ng katapat na punerarya. Palaging nakasara ang fiber glass na bintanang iyon at one year ago pa yata niya nakitang may nagbukas niyon. Kung bukas lamang iyon ay masisilip niya kung ano ang kababalaghang nangyayari sa tapat.

Natigilan siya nang biglang bumukas iyon at may sumungaw na lalaki. Si Miguel! Nakasuot ito ng sandong itim. Kahit medyo malayo ay kitang-kita niya ang malalaking biceps nito. Ano naman ngayon kung ang seksing tingnan ng biceps nito? Wala akong pake! asik niya sa isip.

Tumingin-tingin ito sa labas na tila ba sadya itong nagmamasid ng mga pangyayari sa paligid. Walang anu-ano ay biglang nagawi sa bintana niya ang tingin nito. Nahuli siya nitong nakatingin dito! Nagkatitigan na naman sila ngunit mabilis niyang inalis ang tingin dito at inilipat iyon sa kanyang desk kung saan ay naroon ang kanyang laptop. Nag-type siya nang mabilis para kunwari ay may ginagawa siya tungkol sa trabaho. Pero ang nakabukas sa screen ng laptop niya ay ang website kung saan nanonood siya ng streaming ng Korean drama.

Pasimple siyang muling tumingin sa bintana kapagdaka. Naroon pa rin si Miguel at nakatingin sa kanya. "Hay naku... itong boylet na ito... I think he likes me..." bulong niya sa kanyang sarili. Tumikhim siya at tila isang professional na boss na kinuha ang mga papel na nasa kanyang desk at kunwari ay ni-review ang sales report na ipina-type niya kay Ma-ne kahapon kahit nabasa na niya iyon kanina.

Kinipit niya ang buhok niya sa likod ng tainga at nagpanggap na engrossed na engrossed sa binabasa. Maya-maya ay muli niyang tiningnan nang pasimple ang bintana. Wala na si Miguel doon. Napadiretso siya ng upo at inilapag sa desk ang mga papel. Dinaklot niya ang pakete ng potato chips na kinakain kanina bago dumating si Gigi at muling nag-concentrate sa panonood ng Koreanovela habang lumalaklak ng tsitsirya. Inihagis pa niya ang isang chip at sinalo ng bibig. Napa-"yes!" pa siya nang masalo niya iyon.

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon