INIINSPEKSIYON ni Marian sa morgue ang mga bangkay ng matandang mag-asawang namatay sa isang car accident na katatapos lang embalsamuhin ni Atong nang biglang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Napangiti siya nang maamoy ang pabango ni Miguel. Nang lingunin niya ito ay dinampian nito ng halik ang kanyang mga labi.
Hindi niya akalaing ganoon pala ka-sweet na nobyo si Miguel. Palagi siyang pinapakilig nito. Feel na feel niya ang pagmamahal nito. Singhaba na ng buhok ni Rapunzel ang hair niya. Hindi niya naranasan ang ganoong klase ng pag-aalaga sa past relationships niya. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakamasuwerteng babae sa buong mundo. Oo, embalsamador lang ito at siya ang amo nito pero wala siyang pakialam. Kahit siguro magtataho lang ito ay hindi bababa ang tingin niya rito. Para sa kanya, perfect si Miguel. At mahal na mahal niya ito.
"Bakit nandito ka?" tanong niya. "Off mo ngayon, ha."
"Off ko sa trabaho, pero hindi sa 'yo," anas nito.
Humagikgik siya. Oo nga naman. Hindi ito puwedeng umabsent sa kanya. At palagi pa nga itong nag-o-overtime. Muli niyang pinagmasdan ang mag-asawang bangkay habang hindi bumibitiw sa yakap ni Miguel. "Tingnan mo sila, babe," tukoy niya sa mga bangkay. "Ganyan ang pangarap ko para sa ating dalawa."
"Pinapangarap mong mamatay na tayo?"
"Hindi!" tumatawang sabi niya. "Gusto kong tumanda tayong magkasama at mamatay nang magkasama. Tulad nila, nasulit nila 'yong buhay nila nang magkasama. Walang naiwan at walang nang-iwan. Masaya siguro sila ngayong dalawa dahil hanggang kamatayan, magkasama sila."
"Tama. Masaya nga siguro sila ngayon."
Kumawala siya sa yakap nito para humarap dito. "Gusto mong makita 'yong couple's casket na gagamitin nila?" excited na tanong niya kay Miguel.
Tumango ito at hinila niya ito papunta sa silid na imbakan ng mga ataul.
"Dyanan!" Iminuwestra niya ang malaking couple' casket na kulay abuhin at yari sa metal.
Tinulungan siya nito na buksan iyon at makita nito ang loob. Pinong-pino ang pagkaka-smock ng silk na tela at makapal ang foam sa loob.
"Ang ganda, 'di ba?"
Tumango ito. "Mukhang komportable."
"Testing-in natin?" pilyang tanong niya.
Ngumisi ito. Siguro ay naalala rin nito ang naalala niya. Nahiga na sila sa isang couple's coffin noon. Hindi lang sila nahiga, nagsalo pa sila ng isang mainit na halik sa loob niyon.
"Oo ba," pagpayag nito.
Ilang sandali pa ay nakahiga na sila sa loob ng kabaong nang magkatabi. Diretso ang mga katawan at nagpapanggap na mga patay.
"Komportable naman, 'di ba?" tanong niya.
"Oo. Masarap higaan. Iyon nga lang, hindi na mararamdaman ng patay ang comfort."
"Gusto ko na maging ganito tayo after sixty years, magkatabi tayo sa couple's coffin. Ito ang pangarap ko, Miguel," sabi niya habang nakapikit ang mga mata.
Ilang saglit na nakapikit lamang siya at naghari ang katahimikan bago siya muling nagsalita.
"Ang sabi ko noon, wala talagang happy ending sa mundo. Lahat kasi ng tao mamamatay. Iyon ang katapusan, ang ending. Hindi masaya ang mamatay. Hindi masaya ang mamatayan ng taong pinakamamahal mo at maiwan kang nag-iisa. Kaya sabi ko, hindi totoo ang happy ending. Pero noong eighteen ako, habang nakatitig ako mga bangkay ng kapitbahay naming matandang mag-asawa na nakahiga sa embalming table sa morgue, naisip ko na posible din pala ang happy ending. 'Yong tumanda ang isang couple nang magkasama at mamatay rin nang magkasama. Happy ending iyon para sa akin." Binalingan niya si Miguel na nakatitig sa kanya. "Kaya sana... magkaroon din tayo ng happy ending." Ngumiti siya. "I want to die old with you, Miguel."
Naramdaman na lamang niya ang paghawak nito sa kamay niya. "I also do, babe."
Tumagilid siya para yumakap rito. Bigla ay magkalapit na ang mga mukha nila. Gusto niyang maulit ang kissing scene nila sa loob ng kabaong. Pumikit siya, bahagyang pinatulis ang nguso upang salubungin ang halik nito pero biglang nagsalita ito.
"May kailangan akong sabihin sa 'yo, Marian."
Napadilat siya. "Ano 'yon?"
May bahagyang pag-aalangan sa mukha nito. Na-curious siya sa kung anong tila mahalagang sasabihin nito. Napamulagat siya nang biglang may pumasok sa isip. Hindi naman siguro ito magpo-propose ng kasal sa kanya habang nakahiga sila sa ataul. Pero kung sakaling gawin nito iyon, imposibleng hindi siya magye-"yes!" dito. Kahit dalawang linggo pa lang sila, kahit hindi pa niya nakikilala ang mga magulang nito, kahit marami pa siyang hindi alam tungkol dito ay kilalang-kilala naman ito ng puso niya. Gusto niyang maging asawa nito at makasama habangbuhay. Kung saka-sakali ay napaka-unique ng marriage proposal nito. Malamang na maimbitahan na naman sila sa TV at mai-feature na naman sa dyaryo kung sakali kapag nalaman ng mga ito na sa kabaong nag-propose si Miguel sa kanya.
"Ano 'yon? Sabihin mo na."
Bumuka ang bibig nito pero hindi nito naituloy ang sasabihin dahil biglang may nagsalita mula sa pinto.
"Anong ginagawa n'yo diyan?"
Kapwa sila napatingin ni Miguel kay Gigi na na mukhang gulat na gulat nang makita sila sa loob ng kabaong na magkasama. Bumangon silang dalawa ni Miguel.
"Tine-testing lang namin itong coffin," alibi niya. "May kailangan ka ba?"
"May kliyente. Nasa office mo na. Gusto ka raw niyang makausap at si Miguel."
Kumunot ang noo niya. "Bakit kailangang kasama pa si Miguel?"
"Ewan. Baka may embalming preference siya."
"Babae ba 'yan?"
Tumango si Gigi. "Maganda."
Umangat ang kilay niya. "Mas maganda pa sa akin?"
"Lamang ka ng tatlong paligo."
Nasiyahan siya sa isinagot ni Gigi. Ipapakita niya sa babaeng iyon ang sweetness nila ni Miguel para kung may balak itong ahasin ang dyowa niya ay ma-discourage na itong ituloy iyon.
BINABASA MO ANG
I Love You To Death [COMPLETED]
HumorImbyernang-imbyerna si Marian sa mahaderang may-ari ng kakompetensiya niyang funeral parlor na si Aling Poleng. Tumitindi ang kompetensiya sa pagitan ng mga punerarya nila. Pabonggahan at iba't-ibang gimik ang ginawa nila para magpasiklaban at makak...