Peke

80 2 0
                                    

Mga mamang nakasuot ng asul na polo. Mga mamang may batuta at baril sa tagiliran. Mga mamang...

"Saan niyo po dadalhin si inay? H'wag po! H'wag po!" pagmamakaawa ko sa kanila.

"Anak, d'yan ka lang. H'wag mo pababayaan ang mga kapatid mo. Babalik ako,"  bilin ni inay habang siya'y kinakaladkad palabas sa aming bahay-kubo.

"Bang!"

Sinubukan kong pigilan ang mga dumukot kay inay ngunit 'di ko ito nakaya. Naiwan akong nakaupo sa sahig naming may bahid ng dugo ni inay.

"Ate? Bakit po dinukot si inay?" tanong sa akin ng humahagulgol kong nakababatang kapatid.

"Hindi ko alam. Hindi naman gumagamit si inay. Hindi niya kaya 'yon gawin." bulong ko sa hangin habang lumuluha.

Lumipas ang ilang oras at may kumatok sa pinto.

"S...Sino 'yan?"

"Anak ako 'to, ang inay mo. Buksan mo na. Wala na sila."

Unti-unti kaming lumapit sa pinto at binuksan kasama ang mga kapatid ko ngunit -

"Anak, nakabalik na ako. Halika na kayo't sabay-sabay tayong aalis," nakangiting banggit ni inay habang lumuluha. Isang duguang babae ang bumungad sa akin.

"A...ano pong ibig sabihin niyo?"

Nabasag ang katahimikan. Ang hangin ay tila sumipol nang marahan. Ang tangi kong narinig ay ang sunod-sunod na alingawngaw ng baril. Nagkalat muli sa sahig ang pulang likido na kinatatakutan kong dumami - ang sementadong sahig na tila naging dagat ng mainit na dugo.

Ang huli ko na lamang nasilayan ay ang mga duguang bangkay ng sarili ko at ng mga kapatid ko. Si Inay, nakahandusay sa pinto at hinahawakan ang isang litratong kasama ako noong ako'y sanggol pa lamang.

Mga mamang nakasuot ng asul na polo. Mga mamang may batuta at baril sa tagiliran. Mga mamang... may mapupungay na mata at tila nakalulon ng ipinagbabawal na gamot. Sila'y mga peke. Ngunit ang ipinagtataka ko...sinong lalake ang nakasuot ng asul ding polo ang nasa litratong hawak ni inay? Ang alam ko'y isa siya sa humugot ng baril - baril na itinutok at pinaputok sa amin kanina.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon