Sorpresa

22 2 0
                                    

"Kaya naman, binabati ko ang mga nanay,mommy,inay,mudra, at momshies na nanonood ngayon. Happy Mother's Day sa inyo!" bati ng isang babae sa telebisyon at sinundan ito ng palakpakan ng mga manonood na nandoon.

Alas otso na pala ng umaga. Matapos kong marinig ang pagbating iyon, agad akong bumangon sa aking kinahihigaang banig at pinatay ang telebisyon.

Nilibot ko ang buong bahay - ako lamang ang naririto. Tanging tatlong piraso ng pandesal at isang basong gatas lamang ang aking nakita sa mesa.

"Na..nasaan ba siya?" tanong ko sa aking sarili.

Nilisan ko ang aming tahanan nang nakakunot ang noo at nagtungo sa isang tindahan. Kinapa ang aking bulsa at inilabas ang mga barya na aking kinita sa pangangalakal kahapon - sampung piso.

"A...pabili po? sampung piraso nga po ng tsokolateng 'to," banggit ko sabay abot ng aking mga binili.

Pagbalik ko sa aming tahanan, wala pa rin siya. Kaya naman, nagtungo ako sa aming bakuran, sandaling nagpahangin at namitas ng
mga kulay pulang bulaklak.

Pumasok na 'ko sa loob ngunit wala pa rin siya. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya't pumunta muna ako sa kwarto at kumuha ng lumang karton at bolpen. Nagsulat ako ng liham para sa kaniya. Tama, sapat na siguro ang tsokolate, mga bulaklak at isang liham para isorpresa ko siya.

Ilang minuto ang lumipas at wala pa ring dumarating sa bahay. Nakapagtataka. Naligo na lamang ako at nag-ayos ng kasuotan.

Muli akong dumungaw sa bintana.

"Na..nasaan ka na ba? Umaga na," bulong ko.

Maya maya ay bumukas ang pinto at sinalubong ang aking pinakahihintay - si inay.

"Nay!" sigaw ko at tumakbo patungo sa kaniya para yakapin siya.

"Patawarin mo 'ko 'nak. Nahuli ako ng dating. May pasobra kasing damit na ipinalaba ang aking amo. Ito o, may dala akong pasalubong para sayo, ang paborito mong laruan," sambit niya.

"Nay! Kanina ko pa po kayo hinihintay. Alam niyo po bang araw niyo ngayon? Happy Inay's Day po!" nakangiti kong bati sabay abot ng aking mga inihandang sorpresa - tsokolate, mga pulang bulaklak, at liham.

"Maraming salamat, Buknoy. Kinain mo na ba ang inihanda kong almusal? Patawad ha, minsan ko na lang 'yon magawa," banggit niya at nagsimulang lumuha.

"Pa...paano niyo po nahanda 'yon kung nasa..?" nagsimulang kumabog ng mabilis ang aking puso at lumuha. Ngayon ko lang napagtanto ang lahat.

"Araw ko na ngayon 'diba? H'wag ka mag-alala, ipaghahanda pa rin kita ng almusal mo. Paalam anak! Mahal na mahal kita," nakangiti niyang sambit.

Ang simoy ng hangin ay nagsimulang lumakas at ang tangi ko na lamang nasilayan ay ang unti-unting paglaho ni inay at ang pagbagsak sa sahig ng mga inihanda kong sorpresa.

"Buknoy? Buknoy! Ang nanay mo...," biglang may kumatok at sumigaw sa pinto.

"Andaya mo naman 'nay! Pero mahal na mahal din po kita. Salamat po sa lahat. Happy Inay's Day po!" bulong ko habang lumuluha at pinipilit na ngumiti.

Binuksan ko ang pinto. Nagsimulang magkagulo ang mga kapit-bahay.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon