Kusing

19 3 0
                                    

"Bakit siya pa?"

Tanong na biglang pumasok sa aking isip nang makita ang isang bata na nakaupo sa lansangan. Madungis, nammumugto ang mga mata, at nakasimangot. Tila inaakit ang mga taong nadaan at umaasang kahit piso'y sa kaniya ay maiabot.

"Sana naman, lapitan siya ng napakaraming tao." 

Tanging binulong ko sa hangin at humiling na sana'y tulungan siya ng mga taong nadaan sa kaniya. Nagsimulang lumalim ang aking pag-iisip. Sa dami ng batang nabubuhay sa mundo, bakit siya pa? Bakit siya pa ang nakararanas ng pasakit na tulad nito? Naalala ko tuloy ang kwento ni Lola. Iniwan daw kami ni nanay dahil tutungo siya sa ibang bansa para magtrabaho at kumita ng pera ngunit hindi na siya bumalik. Naiwan akong sanggol sa lola ko. Dalawa lang kaming magkatuwang sa laban ng buhay ngunit di kalauna'y iniwan na rin ako ni lola.

Gaya ng batang iyon, ako rin ay nag-iisa na lamang. Kaya naman minsan iniisip ko na ang lakas lakas kong tao. Kahit papaano, nakapagbibigay ito ng lakas sa akin na magpatuloy sa buhay. Tumingin muli ako sa musmos na pulubi. Nakatitig siya sa isang restaurant. Nakasimangot pa rin. Hindi ko maaninag kung anong tinitignan niya, marahil ang mga taong masayang kumakain kasama ang buong pamilya.

Maya-maya'y may lumapit na isang mama sa kaniya. Tumabi sa kaniya at sinamahang umupo sa napakaruming daanan katabi ang mabahong basurahan sa harap ng restaurant. Ako'y nagsimulang kabahan dahil baka isa itong masama ngunit salungat pala ito sa iniisip ko. Nakita ko sila, tumatawa. Tinuturo ng bata ang mga tao sa loob ng kainan na tila humihiling na kahit isang beses ay siya'y makakain doon. Ngunit ilang saglit lang ay biglang tumayo ang mama at iniabot ang kamay sa bata.

"Anak, tara na. Hinihintay ka na ng iyong lola," sambit ng mama.

"Ta...talaga po? Nandoon si lola?" tanong ng bata.

"Oo. Tiyak na magiging masaya ka na doon," sagot ng mama.

Sa sandaling 'yon, biglang naglaho ng parang bula ang mama at nagsimulang bumagsak ang katawan ng bata. Madungis, namumugto ang mga mata, nanghihina, ngunit nakangiti na.

"Bakit ako pa?" huling tanong ko sa sarili ko habang nakatingin sa salamin ng restaurant na nasa harap ko nang biglang dumilim ang aking paningin.

Nagsimulang magtumpukan ang mga tao.

Sa wakas, natupad din ang hiling ko para sa... sarili ko.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon