Tingala

19 2 0
                                    

"Paano mananalo 'yan sa beauty pageant kung ganiyan ang mukha?"

"May talento ba 'yan?"

"Nako mga mare! Dugyot na nga si ate mo, malakas pa rin ang loob. Ang kapal talaga ng mukha."

Ilan lang 'yan sa mga narinig ko noong nagpaparegistro ako sa gaganaping beauty pageant sa aming baranggay. Tama naman sila. Siguro nga kahit ang guhit ng isang kinder ay kayang matapatan ang mukha kong mabubura na. Walang kulay. Kulang ang parte. Halimaw para sa iba.

"B...bakit mo gustong sumali rito?" tanong sa akin ng namumuno sa pagrerehistro.

"A...e...gusto ko po sana ipakilala sa lahat kung sino ba talaga ako sa likod ng aking mukha."

"Alam mo Neng, kahit ako hirap kitang makilala sa mukha. Wala ka bang balak magpagamot?"

"Ganito na po kasi ako simula bata. Wala na akong magulang. Walang tumatanggap sa akin sa trabaho. Baka kasi makatulong ito para malam---"

"Nako. Sorry a, hindi ka namin p'edeng isama sa patimpalak. Hindi kasi akma ang mukha mo. Pagandahan ito hindi padramahan ng buhay!"

Linisan ko ang lugar na iyon at malungkot na pinagmasdan ang mga nakapilang dilag. Napakakinis ng kanilang mukha. Perpekto ang pagkakalapat ng make-up. Salungat sa kung anong itsura ko --- mas malaki ang kaliwang mata, maliit ang ilong, hindi makinis at maitim ang kutis.

"May halimaw!" sigaw ng mga bata na hindi maalis sa isip ko nang dumaan ako pauwi ng bahay.

Ngayon, kaharap ko ang isang basag na salamin at bumulong...

"Darating ang araw na titingalain niyo rin ako."

Kinabukasan, nagtumpukan ang mga tao sa isang barong-barong na tahanan at natagpuan ang isang dalaga na nakabitin sa kisame ngunit siya ay kakaiba --- may kolorete ito sa kaniyang mukha ngunit nabura na ang iba dahil sa natuyong mga luha.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon