Harana

100 2 1
                                    

"Ikaw lamang, sinta. Ikaw ang nag-iisa!"

Malalim na ang gabi nang biglang marinig kong may kumakanta sa labas. Naantala tuloy ang pagtatahi ko ng ilan sa aking mga damit. Tumayo ako at sinundan ang tinig. Hinawi ang kurtina. Binuksan ang de-kahoy na bintana.

"D...diego?" bulong ko at napangiti sa kilig.

Nagsimulang maglabasan ang mga kapit-bahay namin. Ang iba'y nakadungaw pa sa bintana. Nakaramdam ako ng hiya dahil maraming tao rin ang dumaraan sa kalye namin. P...pero si Diego, hindi tumitigil. Nakikita ko sa kaniya ang matamis na ngiti. Kaya naman, bumaba ako para lapitan siya. Pagkalabas, sinalubong niya ako na may dala pang rosas at tsokolate. Tumigil siya sa pag-awit.

"Magandang Gabi, Ana," bati niya.

Lumapit ako sa kaniya at sinimulang kausapin.

"Nakakahiya. A...ano 'to?"

"Nanliligaw ako. Ayaw mo ba?"

"E...maraming nakatingin sa atin!"

"Saan?"

"Ayan o!" sabay turo ko sa mga taong nakapalibot sa akin.

"Ayaw mo ba 'yon, may fans na agad tayo?"

"Loko-loko!"

"P...pero hindi kailanman nagloko!" dagdag niya.

Kinilig tuloy ako.

"Ano bang pumasok sa isip mo? Ang tan---" naputol ang pagtatanong ko nang bigla niya akong halikan.

Pagkatapos ay bumulong siya.

"Naalalaa mo ba 'yung sinabi ko sa 'yo noong sinagot mo ako? Noong wala pa tayong mga anak at apo? Noong itim pa ang ating mga buhok? Ang sabi ko..." wika niya.

"Araw-araw kitang liligawan. Araw-araw kitang haharanahin. Araw-araw kitang mamahalin," sabay naming bigkas.

"O, teka lang. Sa mga apo nalang natin ang tsokolate a! Alam mong bawal tayo niyan. Gusto pa kitang makasama nang matagal!"

At muli kaming nagpalitan ng matamis na halik. Naghiyawan ang mga kapit-bahay.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon