Bigas

31 2 0
                                    

Naalala ko noong bata pa ako, lagi akong sinasabihan ni nanay na huwag magtitira ng kahit isang butil ng bigas sa pinggan t'wing kumakain dahil marami raw ang nagugutom.

---

Dumating yung panahon na nakapagtapos na ako ng pag-aaral sa kolehiyo. Sakto lang ang buhay namin. Hindi nasa baba, hindi rin nasa taas. Pero kahit ganoon, kinailangan ko pa ring makipagtalo kay nanay t'wing gabi --- sa panahon na umuuwi ako galing sa iba't ibang ahensiya para asikasuhin ang aking mga papeles at iba pa para sa Maynila. Tila prinitong pagmamatigas, sinabawang pagmamakaawa at mainit na pagpapaalala ang salubong niya sa'kin. Wala e, gano'n naman lahat ng nanay. Hindi mawawala yung kaba at pagkaulila sa kanila kapag hindi nakikita ang anak.

"'Nay, wala na pong ibang paraan. Kailangan kong magsakripisyo. Para naman 'to sa atin."

Lumaki ako na walang kinagisnang tatay. Siguro natakot sa responsibilidad. Si nanay lang ang nakasama ko sa lahat ng bagay. Kaya nga masakit para sa akin kapag tinatanong ako ng 'bio-data' kung sino raw ang ama ko at ano raw ang gitna ko. Blangko. Iniiwan kong walang anumang sulat gaya ng pag-alis ni tatay.

"'Nak, tawagan mo lang sina Aling Ester kapag may kailangan ka. Hihiram nalang ako sa kanila ng telepono."

Napakamaalagain talaga ni nanay. Parang baliktad pa nga e, di'ba? Dapat ako ang tutulong sa kaniya dahil tumatanda na siya, humihina na.

Nang ako'y nakarating na sa Maynila, nagsimulang magbago ang pagtingin ko sa mundo, sa buhay. Ibang-iba ito sa kinalakihan kong mahahabang talahib, sariwang hangin at maaliwalas na tanawin. Sinimulan kong maghanap ng marerentahang bahay --- yung mura at kahit wala ng palikuran basta't makasilong at may matuluyan lang. Nagdaan ang ilang araw at patuloy pa rin akong naghanap ng trabaho.

"Maganda ang iyong grado. Matataas. Teka, saan ka pala nagtapos ng pag-aaral?"

"A...doon po sa probinsya namin, sa Catanduanes."

Nagtamaan ang mata ng dalawang nagiinterbyu sa akin at tila nag-usap ng palihim.

"Patawad, hindi kasi kami tumatanggap ng hindi sa Maynila nakapagtapos. Iba kasi ang inyo sa amin. Dagdag pa, p'ede ka naman diyan sa palengk---"

Hindi ko natapos pakinggan ang sinabi ng lalaki sa kompanya. Nakapagtapos ako ng pananalapi pero parang salungat yata ang dating sa akin. Tsaka, probinsyano ako e. Probinsyanong naligaw dahil sa pangarap.

May ilang kompanya naman na tumanggap sa aking mga papeles ngunit ang palaging sinasabi sa akin ay "We will call you back nalang po, sir." Ang inisip ko na lamang ay sira lang 'tong selpon ko kaya hindi ko natatanggap ang mga tawag nila kahit ang totoo'y nakakausap ko pa si inay sa probinsya. Tanga kumbaga.

Mas tumagal ang pamamalagi ko sa Maynila. Mas tumindi ang sama ng tila banyagang hanging para sa akin. Minsan habang naglalakad ako sa kahabaan ng España, may nadaanan akong isang restaurant. May mag-ina sa loob na tila nagtatalo. Yung bata kasi ayaw ng kumain. Ito namang mommy niya, pinipilit pasubuin ang mas nagpupumilit na anak. Hanggang sa natapon ang pagkain. Nagtinginan ang karamihan.

Pagbalik ko sa aking inuupahan, sumalubong sa akin ang may-ari na nakapamewang at nakataas ang kanang kamay --- pawang may hinihingi. Hanggang sa naalala ko, hindi pa pala ako nakakabayad ng renta noong nakaraang buwan. Kinapa ko ang wallet ko at kinalkal. Hindi na 'to sasakto para rito. Ayun, pinalayas ako. Pinalayas ang isang probinsyanong walang alam sa buhay.

"Aling Ester? Maaari po bang iabot niyo ang telepono kay nanay? Si Miguel 'to."

"Ano? Noong isang araw pa umalis ang nanay mo rito sa Catanduanes a? Nanghiram pa nga ng pera sa akin para puntahan ka riyan sa Maynila."

Nagulat ako. Teka, tama ba ang narinig ko? Walang alam si nanay sa Maynila. May alam ako pero daig pa siguro ako ng batang nakatapon ng pagkain kanina sa restaurant. Simula noon, hinanap ko si nanay. Nakalimutan ko na ang sarili ko. Araw, gabi, madaling-araw, kahit anong panahon o oras, hinanap ko siya. Wala sa terminal. Wala sa pyer. Walang kahit anino ang nagpakita.

Isang gabi, bumili ako ng tinapay sa bakery. Nabasa ko sa balita na may isang matandang nasagasaan ng rumaragasang trak. Nabitawan ko ang tinapay na hawak ko. Hindi ako pwedeng magkamali sa nakita ko. Si nanay 'yon.

"Ang sabi-sabi, nabaliw daw 'yan. Paulit-ulit na nagtatanong kung nasaan daw ang anak niya. Ang nakakapagtaka, lagi niya ring tinatanong ang mga nakakasalubong ng 'Inubos mo ba ang kanin? H'wag ka magtitira a.' habang umiiyak. Nakakaawa nga e," wika ng isang babae na kinakausap ang iba niyang kumare

Simula noon, nawalan ako ng pag-asa sa Maynila. Nagpalaboy-laboy ako. Natulog sa lansangan at binenta ang selpon para may maipangkain. Ngunit isang araw, walang tigil sa pagkalam ang tiyan ko. Ilang araw na akong hindi kumakain hanggang sa nakita kong muli ang bata na nasa restaurant kasama ang kaniyang ina. Saktong-sakto ang lugar kung saan ako naka-upo at namamalimos. Ganoon pa rin ang senaryo nilang mag-ina. Nagtatalo sa pagkain. Maya-maya, ang bata ay tumayo sa kaniyang kinauupuan at binuhat ang kaniyang pinggan. Lumabas siya sa gusaling 'yon. Lumapit siya sa akin at inabot ang pagkain. Tumakbo siya pabalik sa loob at pinagalitan ng kaniyang nanay.

---

Naalala ko tuloy noong bata ako, lagi akong sinasabihan ni nanay na huwag magtitira ng kahit isang butil ng bigas sa pinggan t'wing kumakain dahil marami raw ang nagugutom. Pero mali si nanay. Natutunan ko na napakamakasarili ko pala noon. Iyon ang unang pagkamaling itinuro niya sa akin bago siya sumunod sa akin sa Maynila.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon