Kahit Isang Araw Lang

28 3 0
                                    

Nanay, tatay, mga anak. Hindi ko alam kung bakit napapangiti ako. Ewan ko ba, basta ang alam ko masaya ako. Sa t'wing tinitigan ko ang litratong iyon, laging pumapasok sa isip ko ang salitang 'Pamilya'. Naalala ko tuloy yung panahong kakauwi ko lang mula sa eskwelahan at bumungad sa akin si mama.

"Natanggap mo ba ang message?"
"A...anong message?"

Wala akong ideya sa mga panahon na 'yon. Hindi ko maintindihan. Pero noong binuksan ko ang aking selpon, may natanggap nga akong mensahe --- mensahe na dumurog sa aking puso. Pinatay ko agad ang aking selpon at umakyat sa aking kwarto. Simula noon, lagi na akong nag-iisa. Hindi ko na gaanong pinapansin si mama. Paulit-ulit siya sa pangangamusta tungkol sa mensahe ngunit hindi ko siya sinasagot.

Dumating yung araw na nabalitaan kong naospital si mama. Agad ko siyang pinuntahan at kinamusta ang kalagayan niya. Kanser, stage 3. Ayokong paniwalaan ang doktor ngunit wala akong magagawa. Napansin ko rin noong mga nakaraan na mabilis siyang manghina. Hindi ko inaasahan na mangyayari ang mga ito. Tumigil ako sa pag-aaral upang makabawas sa gastos. Sa mga sandaling iyon, mahalaga sa akin ang buhay ni mama. Kinausap ko siya. Doon ko lang din siya muling kinausap nang ako ang nauuna.

"Ma, hi...hindi ko kaya."
"P...para sa'yo iyon, sa pag-aaral mo. Mahal ka ni mama," mahina niyang pagsasalita.
"D...dahil ba sa sakit mo?"

Hindi siya sumagot at bigla siyang pumikit. Tumulo ang kaniyang mga luha. Pero hindi ko alam na iyon na pala ang huling pagkakataon na makikita ko siyang nakadilat. Nataranta ako at nagkagulo sa silid. Salamat sa Diyos, hindi pa tumitigil sa pagtibok ang kaniyang hininga.

Pumunta ako sa maliit na silid na nagsisilbing dasalan sa ospital. Umupo ako at kinuha ang aking selpon. Tinitigan ko ang isang larawan. Isang pamilya. Nanay, tatay, mga anak. Napangiti ako ngunit kasabay nito ang pagbagsak ng mga luha ko. Ang pamilyang pinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. Ang pamilyang huhubog sa mga tulad kong bata. Ang pamilyang ayokong sirain dahil ang totoo'y hindi kami ang nauna. Nasa larawan si papa kasama ang asawa niya at gayundin ang mga anak nilang may malalaking ngiti. Doon ko napagtanto ang lahat --- kung bakit walang haliging nagpoproteka sa amin, kung bakit wala akong maisagot na pangalan ng aking tatay tuwing nagtatanong ang guro namin, at kung bakit pursigido si mama sa pagpapalaki sa akin.

"Patawad, ma. Hindi ko kayang sumama," bulong ko at nagdasal. Humingi ng gabay at tulong. Hanggang sa nabuo na ang aking desisyon sa mensahe sa aking selpon --- kung sasama ba ako sa pamilya ni papa at para bang iiwan nalang si mama na nagdurusa. Humugot ako ng isang buntong-hininga at bumulong bago magtungo sa kwarto ni mama.

 "Hindi. Hindi kailanman."

Ngayon, katabi ko sa mama. Nakaratay sa kama at hinang-hina na. Anumang oras o segundo, maaaring mawala na siya. Kaya naman ang hiling ko para kay Papa, kahit isang araw lang. Kahit isang sulyap. Gusto kong pasalamatan niya si mama --- sa pagpapalaki sa akin ng mag-isa. Gawin niya sana 'to hindi para sa akin kundi para sa minsan niyang tinuring na pamilya...bago pa siya malagutan ng hininga.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon