Ang Pagtakas sa mga Higante

59 1 0
                                    

Tila pagtakbo ng kabayo ang bilis ng kabog ng aking puso. Kinakabahan ako. Hindi ko alam ang gagawin. Napayakap na lamang ako sa kaniyang bisig. Pasulyap-sulyap sa nangyayari.

Kasalukuyan kaming inaatake ng mga higante. Ang ilan sa amin ay nadakip na at ang masaklap, nakita ng dalawa kong mga mata ang pagpatay sa kanila. Kami naman ng asawa ko ay nagtatago sa isang mataas na lugar. Nag-aabang ng tiyempong makatakas.

"A...ano na ang gagawin natin? Ano ba kasi ang nangyayari? K...katapusan na natin!" naluluhang sabi ko sa asawa ko.

"Huwag ka mag-alala, mahal. Maghintay lang muna tayo. Hindi kita iiwan," sagot niya.

Maya-maya'y bigla kaming nakarinig ng pagtumba ng mga bagay. Sobrang lakas. Mas lalo akong natakot.

"Kailan ba tayo aalis dito?" tanong ko muli.

"Malapit na," bulong niya.

Sa hindi inaasahan, biglang may lumapit sa aming higante. Nakita niya kami. Bakas sa kaniyang mga mata ang galit at kasabikang patayin kami. Ilang segundo lang ay dumampot siya ng isang bagay at sinubukang hampasin kami. Pero bago 'yon ay hinawakan ako ng asawa ko. Sobrang higpit.

"Wala na tayong pagpipilian. Ito na ang tamang oras," sambit niya.

"Huwag mo akong bibitawan. Pangako?" wika ko.

"Pangako!" sagot niya.

At bago pa kami matamaan ng tsinelas ay nakalipad na kaming mag-asawang ipis. Pawang bumagal ang pag-ikot ng mundo. Hanggang sa makatagpo kami ng isang lagusan. Sa wakas, nakatakas na rin kami.

"A...ayos ka lang ba?" tanong niya.

"Ayos lang ako," sagot ko sabay halik sa kaniya.

Pampalipas Gutom (Mga Kuwentong Maikling-Maikli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon