[101617]
"K'ya, peng' barya," sambit ng taong-grasa sa isang lalakeng nakapormal na kasuotan.
"Wala." masungit na sagot naman nito.
Naglakad ang taong-grasa para maghanap ng ibang mahihingan. Bitbit-bitbit sa likod ang isang plastik na may laman na kung anu-anong basura. Gulo-gulo ang kan'yang makapal na buhok, punit-punit ang damit, walang tsinelas, at puno ng grasa ang mukha't buong katawan.
Kinalabit niya ang isang babaeng abala sa pagkain ng tokneneng mula sa isang turo-turo. Lumahad siya. Ngunit umiling lamang ito senyales na ayaw nitong magbigay.
Naglakad muli siya para maghanap ng iba. Sa dami ng tao sa lugar ay nahirapan na siyang makakita dahil halos lahat ay nalapitan na niya, at wala ni isang nagbigay sa mga ito ni singkong kusing o kap'rasong pagkain. Ngunit di nawalan ng pag-asa ang taong-grasa.
"K'ya, peng' barya," sambit niya muli sa isa pang lalake na nakapormal din na kasuotan. Hawak nito ang pitaka at tila binibilang ang laman. Napangiti siya sa pag-akalang magbibigay na ito. Ngunit nabawi din iyon dahil umiling din ito bilang senyales.
Dahan-dahang naglakad papalayo ang taong-grasa, bakas sa mukha niya ang pagkabigo-pa-iling-iling-hanggang sa dali-dali itong sumakay sa isang van, kung saan naroon ang lihim na kamera... ng Wish Ko Lang.
Dismayado ang team sa paghahanap ng Good Samaritan sa lugar, maging ang taong-grasang kasabwat-na Kapuso Hunk na si Dennis Oberita.
![](https://img.wattpad.com/cover/150547699-288-k256276.jpg)
BINABASA MO ANG
DIKOGETS - Koleksyon ng mga Dagli
Short StoryMga orihinal na gawa ng malikot na isip ng may-akda... simula sa kaniyang pagiging hilaw... at pagiging hindi pa rin hinog. Kiligin, kabahan, matakot, masaktan, magulat, matawa, mapaisip, at mapasabi ng walang kamatayang linya na: DIKOGETS.