Bulong

331 5 0
                                    

[040117]

"Totoo po ba talaga si Santa?" tanong ng batang si Cathryn sa akin.

Sa dami ng batang naglalaro, nagtatakbuhan, at nagsisigawan, pabulong akong sumagot sa kaniya. "Oo naman, 'nak? Basta... naniniwala ka."

"H-hindi ko po maintindihan." Tiningala niya ako mula sa pagkakaupo niya sa aking mga hita.

Ngumiti ako. "Ang 'totoo', ay 'totoo', kung... maniniwala ka... na 'totoo' iyon."

"A... Lalo ko pong hindi naintindihan." kasunod ang pilit na tawa.

Madalas akong dumadalaw dito. At ito ang gusto ko sa batang ito. Sa dami nilang mga anak ko rito sa bahay-ampunan, siya ang pinaka-paborito ko. Siya ang pinakamatalino para sa akin.

"Ibig kong sabihin, 'nak, halimbawa... si Santa, magkakatotoo siya, kung naniniwala kang totoo siya. Kung hindi ka maniniwala na totoo siya... e hindi siya totoo. Gano'n."

Tumangu-tango na lamang siya habang dahan-dahang yumuyuko. Nakahikbi siya. Alam ko.

"Bakit ka malungkot? Bisperas ngayon, o? Dapat masaya tayo." Hinimas ko ang kaniyang buhok, "Mamaya nandito na ulit si Santa, para tuparin 'yung wish mo ngayon. 'Di ba nu'ng huling pasko... tinupad niya 'yung wish mo na manika? Mamaya nandito na siya ulit. Ngiti ka na..."

Ilang segundo ang lumipas bago siya tuluyang sumagot. "Alam ko pong ikaw 'yung nag-iwan ng manika sa tabi ko. Gising po 'ko nu'n." Hindi na ako nabigla. Alam kong alam niya. "Ngayon, ayaw ko na po ng manika. G-g-gusto ko na pong magkaroon ng nanay at tatay." Tumayo siya mula sa akin at tumakbo papalayo. Alam kong dahil ayaw niyang makita ko siyang umiiyak.

Ngumiti ako't pinagmasdan ko na lamang siya habang papalayo kasama ng mga kapatid niya, at pati na rin ang hiniling niya... sa akin.

"Oo naman, 'nak? Basta... naniniwala ka," bulong ko naman sa batang si Marie.

DIKOGETS - Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon