[ ]
"Ga'no katagal ka na dito?" tanong sa 'kin ng katabi ko.
Isang matandang lalaki na sa tingin ko e hindi nalalayo sa 'kin ang edad. Nauna siya sa 'kin dito. Di ko alam kung alam ba niya dahil ngayon lang niya 'ko kinausap. O dahil makakalimutin siya. O di kaya e dahil sadyang wala siyang pakelam. Pero di bale't ano naman 'ka ko, ang mahalaga e may makakausap na rin ako rito.
"Mag-iisang linggo na," sagot ko.
Mag-iisang linggo na 'ko sa loob ng kwarto na 'to kasama ng iba na kagaya 'kong nakaupo sa kaniya-kaniya naming upuan. Mga matatandang lalaki na kagaya ko at ng katabi ko. Mga matatandang babae, batang lalaki, at batang babae. Hindi kami magkakakilala. Pero pare-pareho kaming may hinihintay.
"Sino'ng hinihintay mo?" tanong ulit niya.
"'Yung anak ko." nakangiti kong sagot.
Ang Unico Hijo kong si Lorenzo. Ngayon ang uwi niya galing sa Amerika. Du'n siya nagtapos ng kursong abogasya, at kahapon ang graduation nila. Halos ilang taon din kaming sa computer at cellphone lang nagkakausap. Kaya ganu'n na lang ang pagkasabik ko na makita siya.
"Ikaw ba?" pagpapatuloy ko gawa ng pagkasabik makipagkwentuhan. "Ga'no katagal ka na dito?"
"Isang buwan na."
"Sino'ng hinihintay mo?"
Ngumiti siya. "Kahit sino na lang."
Nakaguhit ang ngiti sa labi niya. Pero kita ko sa mga mata niya ang kabaligtaran.
"Edgardo Curan?"
Napabaling ang tingin naming lahat sa pintuan. Nandu'n ang lalaking naghatid sa 'kin dito. Pangalan ko ang tinawag niya, kaya't dahan-dahan akong tumayo't itinaas ang kamay ko.
Sinenyasan niya ako na sundan siya. Sumunod ako. Ibinaling ko ang tingin ko sa ibang mga kasama ko sa loob habang naglalakad ako papalabas. Nakatingin lang silang lahat sa 'kin. At ganoon din ang katabi ko kanina. Pero siya lang ang nakangiti sa kanila.
"Sino ulit ang hinihintay mo?" tanong niya habang magkaharap kami sa opisina niya at binabasa ang papel na pinasulatan niya sa 'kin ng impormasyon ko noon. "A oo, 'yung anak mo."
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko nang mga oras na 'yon kaya't di ako sumagot. Tumango lamang ako.
Binuksan niya ang isang telebisyon sa likod ko gamit ang hawak niyang remote. Tumalikod ako para makita 'yon. Halos kumawala ang puso ko sa dibdib ko nang makita ko ang imaheng naroon.
Dinala 'ko ng sumundo sa 'kin kanina sa sinasabi niyang puting pinto. Du'n ako papasok gaya ng sinabi rin niya kanina.
Bago 'ko tuluyang pumasok do'n ay muling sumagi sa isip ko ang imahe kanina sa telebisyon.
Ang Unico Hijo kong si Lorenzo. Nakabutil ang luha sa kaniyang mga mata habang katabi niya ang doktor.
![](https://img.wattpad.com/cover/150547699-288-k256276.jpg)
BINABASA MO ANG
DIKOGETS - Koleksyon ng mga Dagli
Short StoryMga orihinal na gawa ng malikot na isip ng may-akda... simula sa kaniyang pagiging hilaw... at pagiging hindi pa rin hinog. Kiligin, kabahan, matakot, masaktan, magulat, matawa, mapaisip, at mapasabi ng walang kamatayang linya na: DIKOGETS.